''Ang Silid-Aklatan''

197 0 0

Isa itong tunay na pangyayari na aking naranasan. Marahil ay hindi alam ng iba ang eksaktong adress at  pangalan ng lugar ngunit kinakailangan na baguhin ang mga pangalan na sangkot sa mga hiwagang nagyayari sa lugar na ito upang sila ay magkaroon ng sapat na seguridad. 

Sa isang bayan sa laguna ay may isang massacre na naganap mahigit sampung taon na ang nakararaan. Ang massacre na ito lumaganap at naging usap-usapan sa bawat upuan at tipunan ng mga tao maging sa tindahan, eskwelahan o mga kung saan-saang kalye man na sakop ng bayang ito. Naganap ang isang nakakahabag na pangyayaring ito noong isang madaling araw ng Setyembre. Kinuwento lamang ng aking lola ang insidenteng ito at naririnig-rinig ko na napag-uusapan ng aking mga kamag-aral at siguro na nga'y kaya nila rin nalaman dahil sa bagong bukas na silid-aklatan na malapit sa pinapasukan kong eskwelahan. Ayon sa lola ko, ang nasabing silid-aklatan na iyon ay pagmamay-ari ng isa sa pinakamayayaman na pamilya sa aming bayan noon magpasahanggan ngayon ngunit ang kayamang iyon ay nabawasan na rin dahil sa patuloy nilang pagpapahanap sa salarin. Sa isang bahay na iyon ay naninirahan ang dalawang mag-asawa na may isang babaing anak. Mayroon silang isang hardinero. Sabi sa isang haka-haka, lubhang napakalupit daw ng mga amo ng hardinero kaya naisipan nitong pumatay ng tatlong katao. Kung minsan daw tuwing aalis ang mag-anak ay kinakandado nila lahat ng mga pinto upang makasiguro na walang mawawala sa kanilang mga gamit at ang hardinero ay naiiwan lang sa labas sa kanilang maliit na hardin. Mayroon ding ginagawang pagpapakain sa hardinero ng mga pagkaing baboy o tira-tirahan at kung minsan pa nga daw ay sinisipa ng lalaking amo ang hardinero tuwing uuwi ito galing sa trabaho. Bunga ng kalupitan at hindi makataong pagtrato sa hardinero ng kanyang mga amo ay ito ang nagtulak sa kanya na kitilin ang buhay ng kanyang  mga amo bago siya umalis sa bayang iyon at bumalik sa kanyang pamilya sa Bikol. Natagpuan na lang daw isang umaga ng pumunta ang isang kamag-anak ng mag-asawang yaon na pawang mga wala nang buhay ang tatlo. Ang ama daw ay nakita na lang na duguan sa kusina, ang ina daw ay nakabulagta nalang sa ilalim ng kama ng kanilang kuwarto at sa hagdanan naman ay naliligo na sa sarili niyang dugo ang kawawang batang babae. Sabi nila na pinukpok daw ng tubo ang ama habang kumakain sa kusina at habang natutulog naman daw ang mag-ina sa kuwarto ay pinag-uundayan ng saksak. Hanggang ngayon ay hindi parin nakukuha nga mga biktima ang nararapat sa kanila na hustisya. Kaya naman nang dahil sa massacre na yaon ay nagsimula na ang sari-saring bersyon ng mga kapit-bahay ng kanilang mga nakakapanindig balahibong karanasan sa abandonadong bahay na iyon. Marami na rin ang nangupahan sa bahay na iyon ngunit hindi rin sila nakatagal marahil na nga sa mga hiwagang kanilang nasasaksihan araw man o gabi.  Sabi na ng mga kapit-bahay ay minsan daw ay may naririnig na lamang sila na may mga taong nag-paparty sa loob ngunit kapag tiningnan naman daw ay wala ni ilaw o anino man lang ng tao ang kanilang nakikita. Mayroon ding kuwento na naging isang pangunahing paksa noon na nagpatakot sa mga bata na huwag nang magpagabi na naglalakad o nasa harapan ng bahay na iyon. Mayroon daw isang Mama na nagbebenta ng sorbetes na naka side car na napadpad isang dapit-hapon sa tapat ng bahay na iyon. Bunga ng kapaguran sa pagpapadyak ng kanyang paa buong maghapon ay naisipan niya na magpahinga muna sa tapat mismo ng bahay na lingid sa kanyang kaalaman ay pinamumugaran ng mga hindi matahimik na mga kaluluwa. Sa gitna ng kanyang pagtigil muna ay may isang batang babae na lumabas mula sa gate ng bahay . Ayon sa deskripsyon ng mama na nagbebenta ng Ice Cream ay lubha daw na napakalamig ng boses ng bata na para bang ang kausap mo ay nasa ilalim ng lupa at may mga malalalim na mata na parang nilulukuban ng lungkot sa dibdib. Sinabi ng batang babae sa mama na:

''Pabili po ng Ice Cream"

At kumuha naman ng Ice Cream ang mama at ibinigay sa bata.

"Neng, nasan ang bayad mo?''  Tanong ng mamang nagbebenta ng Ice cream

''Teka lang po, kukuha lang po ako sa loob''

Tumango naman ang mama sa batang babae ngunit lumipas ang mga sandali ngunit wala paring batang babae na nagbibigay sa kanya ng bayad. Ilang sandali pa ang lumipas at isang aleng humahangos ng lakad ang dumaan sa may tapat ng bahay na iyon.

"O, anong ginagawa mo riyan, hindi mo ba alam na mapanganib sa kalyeng ito tuwing sasapit ang gabi?'' Bungad ng matandang babae.

''Hinihintay ko lang po yong bayad ng batang babae sa Ice Cream, bumili po kasi eh."

Parang nabuhusan ng malamig na tubig ang ale sa kanyang narinig.

''Ano? Naku, susmaryosep, matagal nang walang nakatira riyan sa bahay na iyan!''

 Dahil sa paksang ito ay natakot na ang ilang kabataan at maging ang mga matatanda na magdaan sa nasabing abandonadong bahay tuwing gabi. At nang maglaon ay naging isang pampublikong silid-aklatan ito. Nagpapahiram sila ng mga dinonate na libro, maaaring magbasa sa loob at gumamit ng computer kung may gagawing asignatura sa eskwela.

 Nasa ikaapat na taon na ako ng sekundarya ng buksan sa publiko ang silid-aklatan. Natatandaan ko pa na Oktubre ng magbukas yaon. 

Alas-singko ng umaga. Ako'y ginising ng mga sunud-sunod na sigaw ng alarm clock sa aking tabi, sa una ay hindi ko pa gustong bumangon ngunit nang makita ko na nagsisimula nang tumakbo ang orasan ay nagmadali akong tumungo sa banyo at nagbihis pang-ekswela. Pagkatapos niyon ay kumuha ako ng mainit na tubig sa takure na pinainit ng aking lola. May nakahandang tocino at sinangag sa mesa at agad naman akong umupo para simulan ang aking umagahan. Pawang mga nasa ibang bansa nagtatrabaho ang aking mga magulang kaya ako ay naiwan sa puder ng lola ko. Biyuda na ang lola ko sa aking lolo na namatay humigit kumulang isang taon na ang nakararaan. Kasama ko sa bahay ang isa kong tiyuhin na si Tiyo Griyego at ang kanyang buntis na asawa na si Sandra, pati na ang kanilang nag-iisang anak na babae na si Trina na isa sa mga pinsan ko. Habang tinatapos ko ang aking umagahan ay pumasok sa kusina ang aking lola na katatapos lang siguro magwalis at magsiga. Bata pa ang lola ko, nasa ika-62 taon pa lamang siya ng kanyang buhay. Bata pa lamang siya dahil maaga siyang nag-asawa. Nagpakasal sila ng aking lolo sa parehas nilang edad na 19. 

''O, Daniel, eto na ang baon mo sa buong linggo, tipirin mo yan ha!'' 

''Salamat, po, lola'' 

Hindi nagtagal ay nilisan ko na ang aming bahay. Napaka ganda ng sikat ng araw ng mga sandaling iyon, ang mga iba't ibang tao'y nagkalat sa lansangan habang binabagtas ko ang daan patungo sa sakayan ng jeep sa may Kalye Malvar. Nang makarating ako sa eskwela eksakto rin ang pagbulalas ng bell sa buong paaralan ng hudyat ng unang klase. Ang unang klase ko ay sa Klasrum ni Mrs. Aguinaldo na siyang isang guro sa Physics. Medyo paborito ko ang subject na ito kaya naman hindi gaanong nakaantok ang klase niya kahit na sa alas-siyete ito nagsisimula. Ilang sandali pa ay pumasok na sa silid si Mrs. Aguinaldo na may makapal na salamin at maraming mga dalang papel na sa aking pakiwari'y iyon ang aming pagsusulit noong nakaraang Agosto na UPCAT na 

''Okay, Class, Good Morning, I will announce this morning the results of your  UPCAT that you took last  August'' Unang bungad ni Mrs. Aguinaldo sa klase sa wikang Ingles.

 Ilang sandali pa ay isa-isa na niyang inanunsyo ang mga pangalan ng mga pumasa na magkakaroon ng malaking tsansa na makapag-aral sa U.P.. At nagsimula na rin akong kabahan at sa tingin ko ay ang iba ring mga estudyante sa loob ng silid.

''Liza Aldueza''

''Ramon Endrinal''

''Kulas Valdez''

At nang sa mga pangalang iyon ay may kanya-kanyang mga natanggap na mga palakpak. Mga palakpak na tanda ng isang malaking  karangalan at tagumpay. Ngunit bawat binabanggit na pangalan ay wala parin akong naririnig na Daniel Estrera. At laking tuwa ko nang sa mga pagkakataong iyon ay binanggit ni Mrs. Aguinaldo ang aking pangalan.