Hoy, Panget!

13.1K 785 506

"Hoy, Isadora'ng panget!" Humagalpak ng tawa si Archie kasama ng mga kaibigan niyang singsama ng ugali niya.

Hindi ko siya pinansin at dinaanan ko lang sila. Itinaas ko ang suot kong salamin. Itinungo ko pa lalo ang aking ulo para tumaklob sa mukha kong chaka ang buhok kong dinaig pa ang walis tambo sa pagkadry. Niyakap ko ang makakapal kong libro at nagmadaling lumakad palayo sa mga feeling perfect na mga tambay na 'yon.

Lalong-lalo na 'yang si Archie Panopio! Por que mayaman sila sa lugar na 'to at may ipagmamalaking kagwapuhan, kung makalait sa feslak ko, wagas! Akala naman niya ako lang ang panget dito sa lugar namin! Nandyan pa naman si Aling Petra na parang bumper ng sasakyan ang ngipin sa sobrang laki at sa taba ng katawan na akala mo sasali sa sumo wrestling!

Ano ba 'yan?! Napapagaya na ako sa pagiging pulaero niya. Napailing na lang ako. Sayang ang Archie na 'yon, e. Crush ko pa naman siya dati pero nang malaman kong gano'n kasama ang ugali niya, super turn off na ako.

O, 'di ba? Lakas din ng loob kong maturn off, e, 'di naman ako pretty.

Napabuntong-hininga na lang ako. Hindi ko naman kasalanan na ipinanganak akong descendant yata ay walis tambo. Idagdag pa ang malabo kong mga mata kaya kailangan ko ng salamin. 'Yung suot ko pang salamin ay salamin pa ng namatay kong Lola Ising dahil wala kaming perang pambili ng bago kaya sabi ni Inay, na ever so practical, 'yon na lang ang gamitin ko tutal pareho lang kami ng grado ni Lola. Wala din akong magagandang damit. Mga pinaglumaang palda at blouse lang ni Inay ang isinusuot ko. Pati mga sandals niya na hindi na kasya sa kanya ay sa akin napunta. Kulang na lang bayong ang gawin kong bag, e.

"Aba, Isadora, sira na pala itong bag mo! Ito na lang bayong ang gamitin mo, matibay!"

Anak ng—

"'Wag na, Inay! Napapagtiyagaan pa naman po. At isa pa, isang taon na lang naman graduate na ako sa kolehiyo." Ngumiti ako sa kanya. Pumayag ka na, please.

"Ay, nako! Hindi pupwede 'yan, anak! Tingnan mo nga!" Ipinakita niya ang butas sa ilalim ng bag ko. "Mananakawan ka nito, e!"

"Inay, wala namang mananakaw sa 'kin in the first place. Ano pang nanakawin nila sa 'kin? Baka ako pa ang magnakaw sa kanila, 'no." Tumawa ako.

Napailing na lang si Inay ngunit may ngiti sa kanyang labi. "O, siya, sige na. Magpahinga ka na pagkatapos mong kumain. Lechon nga pala ang ulam natin."

Nanlaki ang aking mga mata. "Weh?!"

"Oo, lechong tuyo."

***

"'Yan na, 'yan na! Dadaan na ang panget!" sigaw ng isa sa kabarkada ni Archie. Nagtawanan silang lahat.

Napabuntong-hininga ako. Bakit ba trip na trip ako ng mga kupal na 'to? Okay lang sana kung nagagandahan sila sa 'kin (na never mangyayari), pero hindi, e. Trip nilang ipamukha sa 'kin kung gaano ako kapanget.

"Hoy, panget!" sigaw ni Archie.

Hindi ko siya pinansin.

Kalma lang, Isadora Bernales! Kalma! Go, Isa!

"Uy, snob! Feeling pretty!" sigaw na naman ni Archie na siyang ikinatawa ng mga kasama niya. "Hoy, panget! Lakas ng loob mong mangsnob, a! Ganda mo!"

Napapikit ako nang mariin. Kaunti na lang, Isa. Makakalagpas ka din.

Nang nasa tapat na nila ako, nagsalita na naman si Archie. How I wish mapipi na lang siya nang wala ng masamang bagay ang lumabas sa bibig niya.

Hoy, Panget!Basahin ang storyang ito ng LIBRE!