76: Family Issues

2.6M 57.8K 21.2K
                                    

CANDICE


Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakaupo sa park.

Iniisip ko kung bakit ginawa ng daddy ni Jeydon 'yon. Bakit kailangan pang maging daddy 'yon ni Jeydon?

Buong akala ko, nagtaksil si Papa kay Mama pero mali pala ako. Hindi si Papa, kundi 'yong daddy ni Jeydon. Si Jeydon na boyfriend ko at 'yong taong mahal ko.

Gusto kong magalit sa daddy niya. Gusto kong pumunta sa bahay nila, kausapin si Dave Lopez at sigawan siya. Lahat naman ng 'yon, kasalanan niya, e. Kung hindi dahil sa kanya, hindi masisira 'yong pamilya ko. 'Yong pamilyang pinakamamahal ko.

Oo, galit ako kay Dave Lopez pero kapag tinanong ko 'yong sarili ko kung bakit niya 'yon ginawa, isa lang naman 'yong nakikita kong dahilan. Dahil sa pagmamahal niya kay Mama. Hindi tama 'yong ginawa niya, maling-maling sinira niya 'yong pamilya ko. Kaso naisip ko, paano kung ako 'yong nasa katayuan niya? Magagawa ko ba 'yon? Wala na kong nagawa kung hindi intindihin na lang siya.

Kung may isang bagay mang naituro sa 'kin ang pagkawala ni Papa, 'yon ay ang magpatawad. Oo, masakit pero may magagawa pa ba ako kung magagalit pa rin ako? May mangyayari ba? Masasaktan lang ako pati si Jeydon.

Palaging sinasabi ni Jeydon sa 'kin kung gaano niya tinitingala 'yong daddy niya. Kung paano niya iniidolo 'yong daddy niya. Kapag nalaman niya 'yong dahilan kung bakit makikipaghiwalay 'yong daddy niya sa mommy niya, masasaktan siya. Gano'n din 'yong naramdaman ko dati noong nalaman kong makikipaghiwalay si Papa para sa isang babae. Inidolo ko rin 'yong papa ko. Kaya noong nalaman ko 'yon, parang gumuho 'yong mundo ko. Mukha lang namang malakas si Jeydon pero pagdating sa pamilya, madali siyang masaktan.

Tumayo ako, dinala ako ng mga paa ko sa isang lugar na alam kong dapat kong puntahan.

Nasa tapat ako ng bahay nina Jeydon. Kailangan kong pigilan 'yong daddy niyang makipaghiwalay kay Tita Janice. Mahal ko si Jeydon at hindi ko hahayaang masira 'yong pamilya niya katulad ng pagkasira ng pamilya ko. Lalo na at si Mama ang dahilan.

"Miss Candice? May problema po ba? Nandito ba kayo para kay Young Master?" Nginitian agad ako ni Sunny, ngumiti rin ako sa kanya.

"Ah..." Paano ba 'to? Paano ko ba kakausapin si Dave Lopez? "Hindi, hindi siya 'yong pinunta ko rito." Nilagay niya 'yong garbage bag do'n sa trash can tsaka siya lumapit sa 'kin.

"Sino po ba 'yong pinunta n'yo rito? Gusto n'yong tawagin ko si Young Master? Teka lang po, ah." Papasok na sana siya sa loob pero hinila ko siya pabalik. Ayokong malaman ni Jeydon 'yong gagawin ko.

"Nandiyan ba si... Dave Lopez?"

Nanlaki 'yong mata niya sa sinabi ko.

"Gusto ko sana siyang makausap."

"Ay, si Master Dave po. Nando'n po sa office niya."

"Pwede mo ba akong samahan do'n? Gusto ko kasi siyang makausap."

Nalito yata siya kung bakit si Dave Lopez ang gusto kong makausap at hindi si Jeydon. Napakamot na lang siya ng ulo tapos nginitian ulit ako.

"Sige po, Miss Candice, pero bago kayo makapasok sa loob ng office niya, kakausapin n'yo muna si Brian, 'yong assistant niya. Sa kanya na lang po kita dadalhin."

Tumango lang ako tsaka ko siya sinundan. Wala namang sinabi sa 'min 'yong guard sa gate nila, kilala na rin naman niya ako. Kinabahan ako habang papasok kami sa loob. Marami na ring beses akong nakapunta roon pero sa oras na 'yon, pumunta ako para kay Dave Lopez at hindi para kay Jeydon. Tama bang kausapin ko siya? Ay, mali. Ang tanong, kaya ko ba siyang kausapin? Nakakatakot kaya siya. Isa pa, hindi ko alam ang magiging reaksyon ko sa kanya ngayong nalaman ko na 'yong totoo. Kahit kabado ako, sinundan ko na lang si Sunny sa loob.

The Four Bad Boys And Me (Published with Series Adaptation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon