Voiceless

12.2K 189 22

Voiceless

Mga bata pa tayo noon…

Labindalawang taong gulang ka nung dumating ako sa inyong mansyon. Lilimang taong gulang pa lamang ako noon. Wala pa akong muwang kaya’t hindi ko alam ang ibig sabihin ng sinabi ng mga magulang natin na tayo’y ikakasal balang araw.

Iniwan ako ng mga magulang ko sa pangangalaga ng mga magulang mo. Binigyan nila ako ng silid na katapat ng sa’yo.

Tuwang-tuwa talaga ako, lalung lalo na sa iyong ginintuang buhok. Manghang-mangha ako kapag nagiging kulay pula ang iyong mga mata…

Ayaw mo pa sa’kin noon…

Ni minsan ay hindi mo ako tiningnan ng mas matagal pa sa dalawang segundo. Ni hindi mo man lang ako nagawang ngitian. Puros inis at masamang pasaring ang iyong ipinababatid sa’kin sa tuwing nasa iisang lugar tayo.

Nagagalit ka kapag hinahaplos ko ang dulo ng iyong buhok. Nagagalit ka kapag tinititigan kita. Ayaw mong sinusundan kita. Madalas ay kinakalmot mo ako kapag nakulitan ka na sa’kin ng husto dahil sinusundan kita kahit saan ka magpunta.

Mas lalo kang nagalit sa’kin dahil pinarusahan ka ng mga magulang mo nung kinagat mo ako sa aking leeg. Kasalanan ko ‘yun, alam ko. Pero kahit puno ng pagkamuhi ang mga mata mo, naglakas-loob pa rin akong samahan ka sa silong ng mansyon kung saan ka nila ipiniit.

Natatandaan mo ba kung ilang beses na akong umiyak nang dahil sa’yo? Noong limang taong gulang ako, umiiyak ako dahil sa mga pamimisikal mo. Saglit ko lang iniiyakan ‘yun dahil agad din namang naghihilom ang mga sugat ko. Pareho lamang tayo, ‘di ba?

Labingwalong taong gulang ka, habang ako nama’y labing-isa nung makakilala ka ng isang binata. Isa siyang tao at alam kong hindi siya angat sa’kin pagdating sa kahit na anong aspeto. Umiyak ako dahil nasaktan ang puso ko, lalo na nung ipinaglaban mo siya sa iyong mga magulang.

Umiyak pa ulit ako nung makita kitang nasaktan. Napag-isip-isip ng binatang yaon na hindi kayo bagay; na magkaiba ang inyong mundo.

Kahit wala sa tyempo, lumapit ako sa’yo. Gusto kong sabihin na nandito ako. Na gagawin ko ang lahat para mapansin mo ako… sana lang, hintayin mo ako. Kaunting taon na lang at magiging karapat-dapat na ako sa paningin mo.

Ngunit nanatiling tikom ang aking bibig. Siguro nga ay mabuti na wala na akong sabihin. Basta… hihintayin kita.

Isang tagsibol, binalikan ako ng aking mga magulang. Kinukuha na nila ako. Isang malaking takot ang bumundol sa aking dibdib. Magkikita pa naman daw tayo kaya ‘wag daw akong mangamba.

Madali lang sa kanila na sabihin ‘yun. Ngunit para sa akin, na ikaw ang dahilan kung bakit lagi akong nagpapasalamat sa bawat pagmulat ko tuwing gabi, mistula akong pinagsakluban ng langit at lupa.

Umasa ako ng kahit kaunting pagtutol mula sa’yo ngunit ang sabi mo—

“Hay salamat. Mawawala na rin ang asungot sa mansyong ito. Sana ay hindi na kita makita pa kahit kailan… kahit hanggang sa aking kamatayan.” Sinabi mo ‘yun nang hindi ka man lang lumilingon sa akin.

Pinatay mo ako sa edad na labing-isa. Pinatay mo ang pagmamahal kong bubot na nais lumago sa iyong pagpapala.

Sumama na rin ako sa aking mga magulang. Dinala nila ako sa kanilang mansyon sa Timog. Kasing hungkag ng namayapa kong puso ang naabutan kong kapaligiran. Sobrang laming ng klima doon at kapag huminga ka ng malalim, may mamumuong butil ng yelo sa loob ng iyong ilong.

Ang kulay ng paligid ay naglalaro lang sa dalawang kulay: puti at abo. Namuhay ako sa ganoong kapaligiran sa loob ng siyam na taon.

Nasa edad dalawampu na ako noong makatanggap ng balita ang aking mga magulang. May umatake raw na mga kalaban sa inyong mansyon. Napatay ang iyong mga magulang at pinalad na ikaw ay makaligtas. Tutungo sa inyo ang aking mga magulang at pinipilit nila na sumama ako.

Hindi ko pa yata kaya… kahit siyam na taon na ang nakalipas, hindi ko pa rin kaya na muling pakiharapan ang pumatay sa akin.

Nagbago agad ang isip ko nung napilitang sabihin ni Ina ang iyong kalagayan. Kahit pinatay mo ako, ikaw pa rin ang may kakayahang bumuhay sa’kin. Nagawa mo ‘yun sa isang iglap.

Pagdating ko sa inyong mansyon, naabutan kita sa tabi ng puno ng Acernis. Nakaupo ka at nakasandal doon. Nilapitan kita.

Taglay mo pa rin ang kagandahang hinahangaan ko sa’yo. Makinis pa rin ang kutis mo na binabagayan ng sinag ng buwan. Ganoon pa rin kahaba ang iyong buhok…

‘Yun nga lang ay hindi ko na masisilayan pa ang pagpapalit ng kulay ng iyong mga mata. Wala na ang mga iyon sa’yo. Hindi ka na didilat pang muli.

“S-Sino ka?” ang iyong tanong dahil nararamdaman mo ang aking presensya.

Nilunok ko ang bara sa aking lalamunan. Pilit kong kinakalamay ang dibdib ko na parang sasabog sa kaba.

“SINO KA SINABI?!” nahihintatakutan mong ulit. Naiintindihan ko kung bakit wala ka nang tiwala sa mga nasa paligid mo.

“M-Malaya…” sa unang pagkakataon, nasambit ko ang iyong pangalan. “—A-Ako ito… si Negi.”

Mukha kang nagulat pagkarinig mga sinabi ko. Pero mas nagulat ako dahil sa wakas, nginitian mo ako. “Maganda naman pala ang boses mo, Negi…”

“Kilala mo ako…”

“Oo. Bakit naman kita kalilimutan?”

Totoo ka ba sa mga sinasabi mo? Ano’t hindi ka na galit sa’kin?!

“Negi… sana ay patawarin mo ako sa inasal ko noon. Ang totoo niyan ay natatakot ako sa’yo. Nakakatakot ang mga mata mo… Madalas akong bangungutin dahil sa mga titig mo, lalung-lalo na kapag sinusundan mo ako. Tapos, kahit kailan, hindi kita narinig na nagsalita. Hindi mo ako kinausap. Naisip ko na isa kang masamang bampira.”

Sa mga sinasabi mo ngayon… alam mo bang nagpipigil lang ako na ‘wag maluha? “N-Ngayon ba… natatakot ka pa rin sa’kin?”

Sunod-sunod ang iyong pag-iling. “Maganda ang boses mo. Misteryoso ngunit napakalamyos. Sana, dati pa lang, ipinarating mo na sa’kin na hindi kita dapat katakutan…”

Pasensya na kung binigyan kita ng maling impresyon. Ngunit hindi pa naman huli ang lahat, ‘di ba?

Nahintay mo ako…

Dumating na ako…

Simula ngayon, nangangako ako na maririnig mo na ang lahat ng gusto kong sabihin sa’yo.

Wakas.

©2013 direk_whamba

VoicelessBasahin ang storyang ito ng LIBRE!