1. Sino Ba Ako?

4 0 0

4 Nov

Hi! Kumusta? Grabe, nakakapagod. Kagagaling ko lang sa trabaho, as usual wasak na naman ang utak ko katulad ng mga nakaraang linggo. Sino magaakalang sa edad na 18, isa na akong ganap na travel agent, well "Reservation Executive" to be exact. Nakakatuwa isipin dahil 8 taon nang nakakalipas, nang maisipan ko na gusto ko maging flight attendant dahil gusto kong ikutin ang mundo. Noong nagkolehiyo ako, kumuha naman ako ng kursong "Accounting". Hindi ko natapos ang kurso na iyon dahil sa financial problem. Imagin-in mo, disi-otso pa lang ako nu'n, kaka-debut ko pa lang (kung saan binigyan ako ng magandang party ng mga magulang ko), pero isang araw, sabi ni Mama sa akin, magtrabaho na raw ako dahil hindi na raw kaya ng Daddy ko na magtrabaho mag-isa. Ang masama pa, sa Hong Kong ako gusto pagtrabahuin. Ayoko pa, hindi pa ako ready. Pero dahil magulang ko sila, kinailangan ko silang sundin, panganay ako sa tatlong magkakapatid. Wala akong choice ng mga panahon na 'yon...


Hay, ang drama ano? Pang "Maalaala mo kaya?" Saka ko na gigisahin ang mga impormasyon na 'yan, pag handa na ako. Pero sa ngayon, para maging positibo ang post ko na ito, magbibigay ako ng ilang impormasyon tungkol sa sarili ko:


Ang pangarap kong trabaho ay humarap lang sa laptop at magsulat ng mga kwento o i-entertain ang mga mambabasa, pero nagtra- trabaho ako ngayon sa isang travel agency at ang ginawa ko lang ay mag-compute ng kung magkano ang gagastusin ng mga cliente namin sa hotel at transportasyon. Masaya na rin naman ako, sumasahod ako ng tama at siyang nakakatulong sa pamilya ko. Umabot ng tatlong buwan bago ako nakahanap ng trabaho dito sa Hong Kong. Hindi naman kasi ako college graduate, hanggang sa napadpad nga ako sa travel agency na ito. Marami akong Pilipinang katrabaho, may ibang mabait, yung iba masungit. Sa isip isip ko, isa lang akong maliit na patatas. Pero kailangan kayanin, para sa pamilya eh...


Mahilig akong mag sulat kaya mahilig din akong magbasa ng libro (syempre!). Mahilig din akong mangolekta ng mga libro kaya naisipan namin ng kapatid ko na magpa-renta ng mga libro dati dahil naniniwala kami na ang libro ay may karapatang mabasa ng ibang tao. Isa pa karagdagang kita na rin di ba?


Mahilig akong sumayaw at kumanta. Pwede ako sumayaw ng kahit ano 'wag lang tinikling. Mahilig din akong kumanta pero so far hanggang choir at videoke lang ang nararating ko (di naman kaya concert sa banyo). Hindi ko naman pangarap ang kumanta sa broadway, minsan kasi may mga bagay na nae-express sa pamamagitan ng pagawit o pagsayaw.


Nagugutom ako habang sinusulat ko ito.


Aminado ako sa sarili ko na matigas ang ulo ko. Maramin na rin nagsabi, magulang ko, officemates ko, kaibigan ko, so sa tingin ko ay proven na talaga na matigas ang ulo ko. Malalaman mo rin kung bakit.


NOON

Nakatira ako sa isang subdivision sa Cavite kung saan kailangang mag-tricycle at mag-jeep para makarating sa school. Tahimik at mabagal ang pamumuhay, pero masaya na ako sa ganoon, tipong chillax lang. Gusto ko yung mga tao dito sa Cavite, na kahit maraming problema, nakakatawa pa rin. Kaya nga lang dito ka makakatapak ng tae sa daanan kung 'di mo titingnan ang dinadaanan mo.


NGAYON

Nakatira ako ngayon sa isang flat (apartment) sa 15th floor, sa isang condominium sa lungsod ng Hong Kong. Wala kaming garden, tapos di masyado kita ang asul na kalangitan. Kailangan pang mag elevator kung gusto mong bumaba o bumili ng load. Malapit lang ang McDonalds as in pwedeng lakarin. Kahit saan ka malinga, makikita mo ang kaunlaran sa lahat ng aspeto, abala ang lahat ng tao at pakiramdam mo lahat sila ay nagmamadali. Sa pagtira ko dito pakiramdam ko ay nawawalan na ako ng emosyon dahil wala naman akong masyadong kaibigan dito. Kasi naman matagal bago ako magtiwala sa ibang tao. Ibig sabihin wala pa akong pinagkakatiwalaan kung hindi ang sarili ko. Kasama ko ang Daddy at Mommy ko na natutulog sa master's bedroom, habang ang uncle Fai ko naman ay nasa kabilang kwarto - single pa rin siya sa edad na kwarenta. Sabi ni Daddy, bakla daw kasi. Sa sala naman ako natutulog. Kanya kanya kami dito, tipong mag "hi" ka lang, sapat na. Wala akong masyadong ka-interaksyunan. Nakaka-depress. Siguro, ngayon alam mo na kung bakit naisip kong mag-blog. 

ADVENTURES OF BLOGGER GIRLBasahin ang storyang ito ng LIBRE!