Katapusan

430K 4.7K 2.8K
                                        

Katapusan

Naglakad ako papasok sa kwarto ko at pabalibag na isinara ang pinto. Ilang araw nang ganito kami nang ganito ni Clyde. Palagi na lang kaming nag-aaway, palagi na lang.

"Annika, kinakausap kita!" pasigaw na sabi niya sa akin noong binuksan niya ang pinto ng kwarto ko. Naupo ako sa kama ko at siya naman ay lumuhod sa harapan ko at hinawakan ang dalawa kong kamay. "Ano ba kasi ang problema natin?" nagsusumamong tanong niya sa akin.

Gusto kong bumigay. Gusto ko siyang yakapin dahil kahit na ganitong paulit-ulit kong naiisip na niloloko niya ako, mahal na mahal ko pa rin siya. Mahal na mahal ko siya.

Pilit kong nilakasan ang loob ko at pinigilan ang sarili ko na punasan ang luhang tumulo galing sa mata niya.

"Wala tayong problema, Clyde," mahina kong sambit. Iniiwas ko ang tingin ko sa kanya at iniabot ang panyo ko. "'Wag kang umiyak sa harap ko,"matapang kong sabi sa kanya.

Narinig kong nagmura siya. Ngayon ko lang narinig na nagmura si Clyde. Sobrang bait niyang tao; kung hindi ko lang alam na niloloko niya ako, iisipin ko na siya ang pinakamabait na taong kakilala ko. Ayaw niya ng may nasasaktan, ayaw niya ng may nahihirapan. Siya pa nga ang nagtatanggol sa akin noong nasa high school kami. Wala siyang pakialam kung makakagalitan siya; 'pag alam niyang mali, lalaban siya.

Dahan-dahan siyang napaupo sa sahig. "Annika naman... Ano bang problema natin? Bakit mo ba ako ginaganito?" sabi niya at saka tuluyang kumawala ang luha niya.

Ayoko. Ayokong umiyak. 'Wag kang iiyak, Annika.

Hindi ko napigilan ngunit napaiyak na rin ako. Noong nakita kong umiiyak si Clyde, hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha ko.

Itinulak ko siya. "Wala nga tayong problema! Ano ba kasi, Clyde!" sigaw ko.

Tumayo ako upang umalis dahil hindi ko kayang makitang umiiyak si Clyde. Baka bigla na lang akong bumigay at yakapin siya at piliin na kalimutan ang pangloloko na ginawa niya sa akin.

Bago pa man ako makahakbang palabas ng kwarto, kinulong niya ako sa yakap niya.

"Annika, mahal na mahal kita.'Wag naman tayong ganito, o?"nagsusumamong sabi niya sa akin. Natigil na ako sa kinatatayuan ko.

Na-miss ko 'to...

Sobra kong na-miss 'yung yakap ni Clyde...

"Ano ba ang meron, Clyde?" bulag-bulagan kong tanong. Alam ko naman kung bakit siya nagkakaganito. Hindi na ako kagaya ng dati. Kung dati, masaya ako tuwing nakikita ko siya, ngayon wala na akong reaksyon kahit na ngumiti siya. Masaya ako tuwing nakikita ko siya pero kahit na ano ang gawin ko, mas nangingibabaw sa isip ko si Gelene. Malapit na yata akong takasan ng bait.

Mas lalo niyang hinigpitan ang yakap niya sa akin. "Bakit pakiramdam ko hindi mo na ako mahal, Annika?"

Baliw ka. Hindi kita mahal? Sa tuwing naiisip ko na ginagago mo ako, parang gusto kong mamatay! 'Yan pa ba ang hindi ka mahal, Clyde? E mas mahal pa nga yata kita sa sarili ko, e!

"Si Derek ba, Annika?"

Napatigil ako sa tanong niya.

"Si Derek na ba ang mahal mo, Annika?" ulit niya sa tanong niya. Tahimik lang ako. Si Derek...

May ilang beses na kaming nahuhuli ni Clyde na magkasama ni Derek. Katulad ng palagi naming ginagawa, nagsisinungaling kami.

May ginagawa lang kaming project, Clyde.

Nagpapatulong lang ako sa course, Clyde.

May hinahanap lang ako sa kwarto ni Annika, Clyde.

Puro kami kasinungalingan. Puro ganito, puro laro.

Hindi Ko Inakala (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon