King Arnold.

Walang makakasukat ng kasiyahang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Malaki ang posibilidad na si Caela nga ang nawawala naming anak at hindi na ako makapaghintay na malaman ang totoo.

"Gusto kong maiwan muna dito sa kwarto ni Jazze, mahal ko." Pakiusap ng asawa ko habang nakatingin kay Caela na natutulog.

Nawalan siya ng malay kanina habang dumadaing ng pananakit ng balikat at doon nga namin nakita ang birthmark niya. Halos hindi ako makahinga kanina habang pinagmamasdan ang bagay na iyon. Nabuhayan ako ng pag-asa. Pag-asang akala ko'y matagal ng hindi ko matatagpuan.

Napabuntong-hininga na lang ako bago lumapit sa asawa ko.

"Sige, mahal. Titingnan ko din kung ano ang naging resulta ng ginawang blood testing kanina, siguradong tapos na iyon." Tugon ko sa asawa ko.

Nagpagawa kami ng blood testing kanina para matukoy kung anak nga ba namin si Caela. Umaasa ako na sana siya na nga. Unang kita ko pa lang sa kaniya ay alam kong may iba na. Nakaramdam ako ng lukso ng dugo, lalo na nang makita kong marami kaming pagkakatulad.

Napapangiti na lang ako kapag naaalala kong halos iisa lang ang mga ekspresyon namin kanina. Kuhang-kuha niya ang mga bagay na madalas kong gawin at kahit na nga ba ang paborito kong pagkain. 

Masyado ring magaan ang loob ko sa kaniya kaya nga kanina noong nakikita ko siyang nahihirapan ay hindi ko mapigilang hindi makaramdam ng awa sa kaniya at hinihiling na sana ako na lang ang nakakaranas noon. Kung maaari lang saluhin ang sakit na naramdaman niya kanina.

"Balitaan mo agad ako kung ano ang naging resulta. Umaasa ako mahal na sana siya na nga. Sana siya na ang Jazze natin." Naiiyak na namang ani ng asawa ko habang hawak ang kamay ng dalaga. Maski ako, iyon din naman ang gustong maging resulta.

"Sige, mahal. Aalis na muna ako." Tumango lang ito sa akin bilang tugon. Humalik muna ako sa noo ng asawa ko at ganoon din sa natutulog na si Caela bago tuluyang lumabas ng kwarto.

Kinakabahan ako sa maaaring maging resulta pero iisa lang naman ang gusto kong makuhang sagot, sana siya na nga ang nawawalang anak namin.

Masiyado ng  matagal ang naging pangungulila namin sa kaniya. Baka naman pwedeng tama na?

*****

Caela.

Nasaan ako?

Anong ginagawa ko dito?

Ilan lang 'yan sa mga tanong na pumapasok sa isip ko ngayon. Nagising ako na nandito na sa tapat ng isang palasyo. Inilibot ko ang aking paningin para tingnan ang buong paligid.

"Anong ginagawa ko dito sa labas ng Mystique kingdom?" Mahinang tanong ko sa sarili nang mapagtanto ang lahat.

Oo. Nandito nga ako sa labas ng palasyo.

Ang naaalala ko ay nasa loob ako at kumakain kami tapos magigising na lang akong nandito na sa labas? Inihagis ba nila ako palabas dito? Masyado bang marami ang kinain kong menudo, kaya nila ako pinatapon? Oh gosh!

Naglakad na akong muli sa loob ng kaharian. Ang daming royal guards, mabuti na lang at hindi nila ako sinita nang mag-umpisa akong maglakad papasok. Makulimlim ang langit at tila nagbabadya ang ulan.

"Aaaaah!" Isang nakakabinging sigaw ang narinig ko. 

Hindi ako maaring magkamali, kay Tita Jazmine ang boses na iyon. Nilukob agad ako ng kaba kaya nagmamadali akong tumakbo patungo sa pinanggagalingan ng sigaw. Baka kung ano na pala ang nangyayari sa reyna.

Princess of the Mystique KingdomBasahin ang storyang ito ng LIBRE!