Caught in the Act

4.1K 159 19
                                    

HANDANG-HANDA na si Lander para sa interschool swimming competition na gaganapin sa De Bellaroca University, ang eskuwelahang pinapasukan niya. Handang-handa na siyang talunin ang tatlong makakalabang eskuwelahan. Silang dalawa ni Conrad Cabrera ang pambato ng DBU.

Nagpasalamat si Lander sa mga estudyanteng nag-good luck sa kanya, pati ang mga kasamahan niya sa ArkiOrg, kung saan siya ang kasalukuyang tumatayong presidente. Sandaling iiwan ng mga ito ang tungkulin sa organisasyon para suportahan siya. Hayun nga at may nakita siyang pagkalaki-laking banner galing sa ArkiOrg. Natawa na lang si Lander sa ilang nag-advance congratulate sa kanya dahil walang duda na siya na raw ang mananalo sa kompetisyon. Pinangungunahan iyon ng promotor niyang matalik na kaibigan na si Reid. Hindi sa pagmamayabang, confident si Lander na siya ang mananalo. He really worked hard for this. Desidido siyang makatuntong at maging pambato ng DBU sa championships.

Bata pa lang si Lander ay mahilig na siya sa swimming. Elementary pa lang ay marami na siyang nakuhang parangal at tropeyo sa paglangoy. Kapag may swimming competition sa eskuwelahan ay si Lander ang laging inilalahok. Bilib na bilib at alam na alam na ng mga ito ang kakayahan at abilidad niya sa swimming. Suportado naman si Lander ng mga magulang sa kanyang hilig.

Architecture ang kinukuhang kurso ni Lander sa DBU. Isang sikat at magaling na arkitekto ang kanyang ama na si Lance Lagdameo. Kaya bukod sa hinahangaan niya ang ama, gusto nitong si Lander ang mamuno sa Lagdameo Architecture Firm, isa sa pinakamalaki at tanyag na architectural firm sa Pilipinas na pagmamay-ari nila, kapag bumaba ang ama sa puwesto bilang CEO. Ang kanyang ina na si Derry Lagdameo ay isang Business Administration graduate. Mula nang magpakasal ang kanyang mga magulang ay i-m-in-erge ng mga ito ang LAF at Villegas Builders, ang kompanyang pagmamay-ari ng ina. Kaya bukod sa LAF, marami pa silang negosyo na kailangang paghandaan ni Lander oras na maka-graduate siya sa college. Natawa na lang si Lander sa ilang nagsabi na baka mas makilala pa siya sa larangan ng swimming kaysa ang maging kaisa-isang tagapagmana ng mga Lagdameo. That was half true. Kapag namamasyal siya kasama ang mga kaibigan ay may lumalapit sa kanya na "fan" daw niya, sinasabing napanood siya niyon sa TV, at gustong magpa-autograph. Pinauunlakan naman ni Lander ang mga ito. Para siyang celebrity kung ituring. Nakipag-compete na rin kasi siya internationally sa Canada at Japan two years ago.

Nang makarating sa venue ay naghiyawan ang mga estudyante ng DBU. Punong-puno ang audience area. May isa't kalahating oras pa bago mag-umpisa ang kompetisyon.

"Go, go, go, Lander! We love you!"

Napatingin si Lander sa kinaroroonan ng apat na babae na sabay-sabay sumigaw para ipag-cheer siya. May hawak ang mga itong tarpaulin na may picture niya. Kinawayan ni Lander ang mga babae. Lalong lumakas ang hiyawan ng mga ito sa kilig.

Natigilan si Lander nang mahagip ng tingin niya ang tatlong babaeng dumaan, partikular sa babaeng nauuna sa paglalakad. Sa dami ng tao sa audience area, napansin pa rin niya ito. Kapansin-pansin naman kasi ito. She looked like a goddess. She was walking so gracefully and confidently there. He knew the girl in light blue dress. Her name was Georgina Ashley Montez.

Ano'ng ginagawa ni Georgina doon? Sa personality at ugali ni Georgina, hindi ang tipo nito ang nanonood ng mga school event na katulad ng swimming competition. Ang mga babaeng katulad ni Georgina ay mas gugustuhin pang manood ng fashion shows o magbasa ng fashion and fitness magazines. Hindi katulad sa dalawang babaeng kasama nito na marahil ay mga kaibigan nito na pamilyar si Lander sa mukha dahil minsan na siyang binati ng mga ito, iyon pa lang ang unang beses na nakita niya si Georgina doon. Well, malay ba niya kung gusto lang ni Georgina na manood.

Tumigil ang mga ito sa paglalakad. Tumingin ang tatlo sa direksiyong kinaroroonan ni Lander. Biglang nagningning ang mga mata ni Georgina at napangiti ng maluwang. Tila ito kinikilig, ganoon din ang mga kaibigan nito. Napakunot-noo siya. Hinayon ni Lander ang tinitingnan ng mga ito. Tinitingnan ng mga ito si Conrad na katabi lang niya. Walang kamalay-malay si Conrad na kasalukuyang binibigyan ito ni Georgina ng malagkit na tingin. May hinala si Lander na nabuo sa isip.

Muling naglakad ang tatlong babae, tila nagmamadali pa nga. Husto ang curiosity ni Lander kaya nagpaalam siya kina Coach Daniel at Conrad na mauuna na sa locker room para makapagpalit at para sundan ang tatlong babae. Tutal ay kausap pa ng dalawa ang head ng event. Hindi maipaliwanag ni Lander pero kinukutuban siya nang hindi maganda. Maybe because Georgina was involved. Whatever that was, he would find out.

Mabilis na nasundan ni Lander sina Georgina. Malapit lang ang tatlong babae sa locker room. Walang ibang tao sa paligid. Tila may pinagmi-meeting-an ang mga ito. Nagtago si Lander sa pader at sinilip ang mga ito. Nabungaran niya ang likod ni Georgina. Backless ang suot nitong blue dress kaya kitang-kita ni Lander ang maputi at makinis nitong likod. It looked so smooth. Napalunok siya. Damn it. Sa isang simpleng pagtitig ni Lander sa likod ni Georgina, agad na nag-init ang pakiramdam niya! Hindi niya napigilan ang sariling bistahan ang kabuuan ng dalaga. From her sexy back down to her long flawless legs. Walang maipintas si Lander sa pisikal na anyo ni Georgina. Bagay na bagay kay Georgina ang suot na damit at ang itim na itim at straight na straight na buhok. She was so sexy and hot.

"Gosh, girl. I so love your outfit right now. I'm sure na matutulala sa kagandahan mo si Conrad kapag nakita ka niya mamaya."

What? Awtomatiko ang pagsasalubong ng mga kilay ni Lander. Doon siya tila ibinalik sa kamalayan. Tama ang kutob niya. They were up to something. Inilabas ni Lander ang kanyang cell phone at pinindot ang recorder niyon.

"Thanks, girl friends! Nagpaganda talaga ako nang husto para kay Conrad. This is a good way to start ditching Megan away from him," confident na sabi ni Georgina. "Natawagan n'yo na ba 'yong inupahan n'yong girl?"

"Of course. Trust me and Bea about this. Planadong-planado namin 'to."

"Good. Sigurado naman akong si Conrad ang mananalo sa swimming competition na ito. May isa akong dahilan para malapitan siya."

Napailing si Lander, sabay off sa recorder ng cell phone. Kaya pala bigla ang pagpapakita ni Georgina sa swimming event ng school nila ay dahil may maitim na binabalak ang mga ito. Paghihiwalayin ng mga ito ang magkasintahang Megan at Conrad. Halatang nagkagusto nang husto si Georgina kay Conrad kaya ganoon na lang ang pagnanais nitong makuha ang lalaki. Hindi makapaniwala si Lander na kinukunsinte pa si Georgina ng mga kaibigan nito. No. Hindi siya makapapayag na magtagumpay si Georgina sa plano nito. Pipigilan niya ang mga ito.

Muling ibinalik ni Lander ang tingin kay Georgina. Sigurado raw itong si Conrad ang mananalo sa swimming competition. Naikuyom niya ang isang kamay. Hindi niya napigilan ang pagkabuhay ng inis sa dibdib. Aaminin niya, natulala siya sa kagandahan ni Georgina at hindi malabong ganoon din ang maging reaksiyon ni Conrad kapag nakita ang dalaga. Dalawa ang goal ni Lander sa araw na iyon. Ang manalo sa swimming competition at pigilan si Georgina sa binabalak.

GEORGINA MONTEZ: THE GORGEOUS DISASTER ✔Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang