XLVII - Rhea

42 5 0
                                    

"Ijo." Sabi ng paos niyang boses habang nakatingin sa pinagtataguan namin. "Lumabas ka na diyan, nakita na kita."

Merong lambing sa boses niya nang sinabi niya iyon at parang narinig ko na dati . Pinunusan niya uli ang pawis sa kanyang noo bago nagsimulang maglakad papunta sa kinaroonan namin. At dahil alam niya na naroon kami, lumabas na rin ako kasama si Bullet. Napahinto siya ng makita niya ako at isang matamis na ngiti ang nakita ko sa kanyang labi.

Nasa harap ko ngayon ang isang matandang babae, hindi siya ganun katangkaran at makikita sa kanyang balat ang mga kulubot na tanda ng kanyang katandaan. Makikita rin sa hubog ng kanyang katawan na malakas siya kumpara sa ibang kaedad niya, kaya siguro kayang-kaya niyang hilain ang mga kahoy. Nakalugay ang kanyang magkahalong kulay puti, itim, abo at kulot na buhok na abot hanggang kanyang balikat. May suot siyang lumang damit at ilan dito ay may tapal na ibang klase ng tela upang matakpan ang mga butas. Halatang-halata sa katawan niya na banat na banat siya sa pagtratrabaho.

Hindi ko siya nagawang ngitian pabalik na dahilan para mawala ang ngiti sa kanyang mukha, napalitan ito ng kalungkutan. Ilang segundo akong nakatingin lang sakanya hanggat sa siya uli ang magsalita.

"Ano bang pangalan mo ijo?" Tanong niya sa akin. Sa pangalawang pagkakataon hindi ko pa rin siya sinagot. Napabuntong hininga siya at muling nagsalita.

"Natatakot ka ba sa akin ijo?" Dismayado niyang sinabi. "Mukha bang sasaktan kita?" Medyo nakonsensya ako nang marinig ko iyon. Wala akong nararamdamang enerhiya na galing sa kanya, pero hindi rin dapat ako agad-agad magtitiwala sa iba. Tumalikod na siya ng hindi ko siya sinagot at naglakad papalabas ng bukal.

"Pasensya na po." Sinabi ko sakanya at agad naman siyang lumingon pa balik sa akin. "Hindi ko lang po alam na meron palang nakatira dito sa kagubatan." Paliwang ko at muli kong nakita ang kanyang ngiti.

"Ako nga po pala si Angelico Summers." Sabi ko sakanya pero agad din siyang nagsalita.

"Huhulaan ko, kaya Angelico ang pangalan mo kasi isa kang anghel." Hindi iyon ang inaasahan kong sasabihin niya pero tumango lang ako.

"Nasaan ba ang mga magulang mo?" Seryoso niyang tanong. Kumunot ang noo ko ng sabihin niya iyon pero binalikan ko rin siya ng tanong.

"Bakit po?"

Huminga muna siya nang malalim bago nagsalita."Bibigyan ko sila ng parangal para sa pinakapinag-isipang pangalan na pwedeng ibigay para sa isang anghel!" Halos mawalan siya ng hininga sa katatawa matapos niyang sabihin iyon. Kung hindi lang matandang babae ang kaharap ko malamang kanina ko pa siya nasapak.

Tumigil lang siya nang makita niyang hindi ako natuwa sa sinabi niya. "Ulila po ako at hindi ko alam kung bakit nila ako iniwan o kung buhay pa sila." Pagkatapos kong sabihin iyon, bigla na lang namula ang mukha niya dahil sa kahihiyaan. Tama lang iyon.

"Ijo patawarin mo ako." Ngayon ay hindi na siya makatingin sa akin at nakikita kong naginginig ang buo niyang katawan.

"Okey lang po," sinabi ko sakanya "hindi naman po kayo ang unang tumawa sa pangalan ko." Nang marinig niya ang sinabi ko, medyo nakahinga siya ng maluwag.

Naalala ko pa noong sinabi ni Gaby kung bakit niya ako binigyan ng palayaw. Hindi niya agad sinabi sa akin yun, pero ang totoong dahilan kung bakit niya akong gustong tawaging Echo ay, dahil napapangitan daw siya sa pangalan ko. Anghel na nga daw ako, Angelico pa pangalan ko. Si Gaby talaga.

"Pasensya na talaga ijo. Hindi magandang pagtawanan ko ang ibinigay na pangalan sayo".

"Echo na lang po ang itawag niyo sa akin." Ngiti kong sinabi sa kanya habang inaabot ang aking kamay. Kinuha niya naman ito at nahawakan ko ang magaspang niyang palad dala ng maraming trabaho.

CamelliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon