Part 1

99.5K 1.5K 142
                                    


"TITA TABA, labas tayo."

Pinandilatan ni Sierra ang pamangkin. "Ikaw, Martina, two years old ka pa lang, ang lakas mo ng mang-asar. Hindi ako mataba, 'no? Malusog lang. Healthy. Voluptous." Binuhat niya ito at pinaupo sa kanyang mga hita. "Sige, sabihin mo, Si...tita...ay...cute."

"Shi...tita...ay...kut!"

"Very good!"

"Jabi?"

"Ay, sabay ganon?"

Ang paborito nitong fastfood restaurant na walking distance lang sa kanilang subdibisyon ang tinutukoy ng kanyang pamangkin. Binalingan ni Sierra ang ina ng bulinggit na nasa kusina at naghahanda ng miryenda.

"Dinala mo lang ba uli rito si Martina, Lucy, para kikilan na naman ako?"

"Masyado bang obvious?"

"Mag-ina talaga kayo."

Tumawa lang si Lucy. "Kanina pa kasi gustong lumabas ng bahay iyan, kaya dinala ko na muna rito para maaliw."

"Ang sabihin mo, dinala mo rito para hindi ikaw ang gumastos kapag nagyaya ito sa sa paborito niyang tambayan."

"Masyado bang obvious?" nakangisin itong baling sa kay Sierra.

"Ewan ko sa iyo."

Sa kanilang apat magkakapatid, si Sierra ang panganay pero siya pa ang walang asawa. At hanggang ngayon ay nakatira pa rin sa poder ng kanilang mga magulang. Katwiran naman niya, may kanya-kanya nang pamilya ang mga kapatid niya at siya na lang ang tanging naiwan para mag-asikaso sa mga magulang nila. And anyway, wala naman din talaga siyang balak na hayaan ang mga magulang na mag-isa sa buhay. Kahit na nga ilang beses na rin siyang itinutulak ng mga ito na mag-asawa na rin.

"Nangati na naman ang mga paa mo, 'no?" Pinisil niya ang maliit na ilong ng pamangkin. "Laboy ka talaga kahit kailan. Manang-mana ka sa nanay mo. Siyanga pala, nasaan si Nanay?"

"Nandun sa tindahan." Inayos na ni Lucy ang tray ng miryenda. "Kung gusto mo na ring magmiryenda pero tinatamad kang maghanda, sumunod ka na lang sa tindahan."

Karga ang pamangkin, sumunod na rin siya sa kapatid. Malawak ang kanilang lupa kaya naisipan ng mga magulang niyang magpatayo ng tindahan para may mapaglibangan naman kahit paano. Pareho na kasi retiradong government employee, pero dahil nasanay na marahil sa laging may ginagawa kaya nagpatayo ang nanay niya ng maliit na tindahan sa bakuran nila. Kahit na nga sapat naman ang suweldo ni Sierra bilang new account manager sa isang malaking bangko.

Sa harap ng kanilang tindahan ay may mahabang upuan kung saan naupo si Sierra. Doon na rin naupo si Lucy. Si Martina lang ang tila hindi kuntento sa kinaroroonan nila dahil nag-umpisa na itong magmaktol.

"Tita, jabi tayo," ungot nito. "Jabi tayo."

"Wala si Jollibee," sagot niya. "Namamalengke pa. Magluluto pa iyon at maglalaba."

"E! Jabi tayo!"

Nagpaikot-ikot ito sa pagkakakarga niya. Nang hindi na niya makayanan ang pamangkin ay hinayaan na lang niya itong unti-unting dumausdos sa sementadong sidewalk.

"Sierra, pagbigyan mo na nga iyan," wika ng kanyang ina. "Hindi naman iyan titigil hangga't hindi nakukuha ang gusto."

"O." Inabutan siya ni Lucy ng isang daang piso. "Ikaw na ang sumama riyan para makapaglakad-lakad ka naman."

"Naglalakad-lakad naman ako sa bahay, ah."

"Oo. Paikot-ikot sa kusina, sala, kuwarto at banyo. Matatagtag nga ang mga taba-taba mo nyan."

Stallion Riding Club 5: Reigan Baltazar (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon