Chapter 1: Mr. Dreamboy

20K 348 67
                                    

"Oh, Sari, kumusta ang pasada?"

Napaigtad si Sari nang marinig ang pagsambit ni Kardo sa pangalan niya. Nasa unahan na ng linya ang minamaneho niyang traysikel at nakatunganga sa mga damung ligaw na nagsasayaw sa two-lane road. Katapat ng paradahan nila ay ang higanteng itim na gate ng isang high end subdivision.

Gigil niyang nakamot ang ilong. "Ito, tagtuyot na naman! Tuyot na tuyot ang bulsa ko. Mas tuyot pa sa nalantang talulot ng kalatsutsi!" ingos niya sabay sipa sa unahang goma ng traysikel.

Umalpas ang tawang tunog-baboy mula sa lalamunan ni Kardo. "Sa akin nga mas tuyot pa sa kulubot na balat ng asawa ko, eh!"

"Gago!" natatawa niyang sikmat sa lalaki sabay kamot uli sa ilong. "Kita mo iyang magarang pickup na papalapit dito? Babahing ang makina niya, makikita mo," pabiro niyang sabi. Noon naman biglang tumirik ang itinurong pickup at dumisplay sa gitna ng malawak na kalsada.

Nagpalitan sila ng napapantastikuhang tingin ni Kardo.

"Umamin ka, maysa-malademonyo iyang dila mo!" bulalas ni Kardo saka humagalpak ng tawa.

"Wala, oy! Coincidence ang tawag diyan," dipensa niya.

"Wow English! Paki-spell nga."

"Ulol!" Pinaandar niya ang traysikel at pinaharurot patungo sa tumirik na Ford. Bumaba siya at kinatok ang side window ng sasakyan. "Sir, okay lang ho ba kayo riyan sa loob?"

Walang sumagot. Lagot, mukhang natuluyan na ang driver ng pickup. Na-meet na yata nito si Lord.

Paatras na siya nang biglang gumulong pababa ang salaming bintana ng sasakyan at tila lumipad at humalik sa mga ulap ng kalangitan ang munting nguso ng puso niya nang mamalas ang guwapung-guwapong mukha ng driver.

Maalun-alon ang maigsi nitong buhok, maputi at makinis ang kutis. Hayop sa kinis, kutis virgin! Matangos ang ilong nito na tila kaysarap kagatin ng dulo. Masigla ang kulay ng mga labi. Mga labing gusto niyang kainin nang buo.

"Pocha, nasa langit na yata ako..." wala sa loob niyang usal. Biglang tila nag-materialize sa tabi niya si Sheryl Cruz at bumanat ng kantang 'Mr. Dreamboy.'

Ang isip ko'y litong-lito

Di ko alam ang gagawin

Hirap ako sa paghuli ng 'yong pansin

Kapag nasasalubong ka

Dibdib ko'y kakaba-kaba

Pati ang tuhod ko'y nanlalambot na rin.

Nakasamingot na ipinitik ng binata ang mga daliri sa tapat ng mukha niya na padikit nang padikit na sa nakabukas na bintana ng sasakyan. "Hey, Miss? Miss?" pasuplado nitong tawag sa kanya. "Could you please move back a little? Ang ulo mo papasok na sa sasakyan ko," nakasimangot nitong dugtong.

Napatuwid siya ng tayo. "Ay, sorry, Bossing." Napakamot siya sa batok at bahagyang namula ang magkabila niyang pisngi. Akalain ba naman niyang buhay pa pala ang parteng sirena ng pagkatao niya. Hayun at kumakawag ang buntot ng Sirenang Sari dahil sa labis na kilig.

Tiyak na magpapatumba ng tipaklong ang ama niya kapag nalaman nitong kinilig sa lalaki ang anak niyang malalaki ang hakbang, hindi pinong kumilos at mas lalaki pang gumalaw kaysa sa totoong Adan. Mabuhay ang nagising na Eba sa katawan ni Sari Silang.

"Bossing, mukhang nasiraan kayo, ah?" tanong niya kapagkuwan saka pasimpleng isinabit sa tainga ang ilang hibla ng buhok na kumawala mula sa pagkakatali niya palikod. Hindi rin siyempre nawala ang ultimate da-moves ng babaeng nagpapa-cute sa crush-ang pagpilantik ng pilikmata.

Wife For Sale (PUBLISHED - MSV Desire)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon