Ang labstory ng isang halimaw

1.6K 28 11
                                    

"Napakahiwaga mo." sabi ni Joana, habang ang kanan niyang kamay ay nakahawak sa pisngi ng di mawaring nilalang. Mabalahibo ito at malaki ang katawan, hanggang balikat ang buhok at may ilang kulubot sa mukha, sa labi nito ay makikita ang dalawang nakausling maliit na pangil.

"Joana, nalulungkot ako na hanggang sa panaginip lang tayo pwede magkita." malungkot na usal ng nilalang. "Ang tao at ang isang tulad ko ay hindi nababagay, magkaiba na magkaiba ang mundo natin."

"Alam ko, pero gusto din kita makita ng personal, hindi lamang dito sa panaginip ko. Pakiramdam ko tuloy nagiilusyon o nasisiraan lang ako ng bait. Totoo ka ba talaga? O gawa gawa ka lang ng malikot kong imahinasyon?"

"Hindi mo ba naisip na napapadalas na itong pagkikita natin sa panaginip mo?" nakangiting usal ng nilalang. "Masasabi mo pa ba na kathang isip lang ako?" Umiling si Joana.

"Sa buong araw ikaw lang ang naiisip ko at ang tanging hiling ko lang sa umaga ay gumabi na upang ako ay matulog muli at makita ka."

"Ayokong sirain mo ang buhay mo Joana, dapat pala nakinig na lang ako sa payo ng mga kaibigan ko sa akin, hindi na dapat ako nagpakita sayo."

"Wag mong sabihin yan Leeo!" pasigaw na usal ng babae. "Bakit ba hirap kang maniwala na, na mahal na kita? Na hindi mo kasalanan kung bakit tayo nagiibigan?" Niyakap ni Joana ang nobyong mula sa ibang mundo habang si Leeo naman ay hinahagkan ang mabangong buhok nito. "Leeo, isama mo na ako sa mundo niyo, please lang."

"A- alam mong hindi ko pwede gawin yan."

"Akala ko ba mahal mo ko?"

"Hindi naman sa ganoon-"

"Parang awa mo na."

"Patawad Joana, pero hindi-"

"Please, Leeo bukas ay ipapakasal ako ni Daddy sa isang taong hindi ko mahal. Pag kinasal kami, hindi na tayo magkita pag nagkataon kahit pa sa panaginip ko!" naiiyak na si Joana. Pinahid naman ni Leeo ang mga luha niya gamit ang kanyang mabalbong kamay...

Nang biglang na lang naging malabo ang lahat...

"Kunin mo na ako Leeo, please... Leeo! Mahal na mahal kita-" Napabalikwas si Joanna mula sa kanyang higaan. Napatingin siya sa may bintana. Umaga na. Hindi, hindi ito maaari. Ngayon na ang araw ng kasal niya at wala na siyang kawala. Lalong naiyak ang dalaga, naguguluhan na siya sa mga pangyayari. Gulong gulo na ang isip niya. "Bakit Leeo, totoo ka ba talaga? Duwag ka! Isa kang duwagggggg!!!!" Lalong lumakas ang hagulhol ng dalaga.

Ilang oras ang lumipas, heto na si Joana ngayon, nakatingin sa salamin habang nilalagyan ng kolorete ang mukha. Suot niya ang isang magarbong puting gown at ilang sandali na lang ay lalarga na sila patungo sa isang simbahan sa bayan para maikasal sa isang lalakeng mayaman, may maraming negosyo at higit sa lahat hindi niya mahal. Kinasuklaman niya ang mga magulang dahil dito. Masyado siyang umasa kay Leeo na pinakamamahal niya na ililigtas siya nito pero hindi ito pumayag sa huli nilang paguusap. Hindi ito pumayag sa dahilang magkaiba ang lahi nila at dahil hindi naman ito tao.

"Joana, tara na, naghihintay na ang sasakyang maghahatid sayo sa simbahan." sabi ng kanyang yaya Elissa. Inalalayan siya nitong tumayo at maglakad patungo sa sasakyan. Bawat hakbang niya ay mabigat at hindi niya halos mabuhat ang sarili. Pwede pa ba siyang tumakas? Kung tatakas siya, saan siya pupunta? Lalong nanlumo si Joana sa naisip. Pagkasakay niya ng sasakyan at napasandal siya sa upuan.

"Hindi, hindi ko to kaya." nasabi niya. "Manong pwede po bang wag niyo na lang ako dalhin sa simbahan." Hindi sumagot ang lalakeng nagmamaneho ng sasakyan. "Manong, ihinto niyo po ang sasakyan, ayoko na po magpakasal." Pero hindi pa din ito tuminag. Nakaramdam na ng pagkainis si Joana, niyugyog niya ang balikat ng lalake at sa wakas ay ihininto na nito ang sasakyan. Humarap sa kanya ang driver na ngayon niya lang napansin na naka itim na salamin pala ito sa mata. Tinanggal ng lalake ang suot nitong salamin at lumantad kay Joana ang mukha ng isang pamilyar na lalake, ang lalakeng palagi niyang kinikita sa kanyang panaginip. Ang nilalang na pinakamamahal niya.

🎉 Tapos mo nang basahin ang Ang Lab Story ng Isang Halimaw (One Shot Story) 🎉
Ang Lab Story ng Isang Halimaw (One Shot Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon