(Originally written and published last November 1, 2015)
THE RIGHT KIND OF GIRL
Narinig ko ang boses mong tumatawa kaya naman agad akong napalingon sa pinto. Nakita kita. Gaya ng dati, napakaganda mo parin. Ang mahaba mong buhok, ang mapupungay mong mga mata at ang labi mong kay pula ng isang kakasibol lang na rosas, hindi ko mapigilang ngumiti.
Tila ba natahimik ang buong cafeteria dahil sa presensya mo. Napapasulyap sa'yo ang lahat, babae man o lalake, pero ni isa sa kanila ay hindi mo pinapansin. Taas-noo ka lamang sa paglalakad habang may pilyang ngisi sa labi.
Matagal na akong humahanga sa'yo at sa taglay mong lakas ng loob. Minsan iniisip ko, ba't hindi na tayo nag-uusap ngayon? Noong mga bata pa tayo, gawain nating tumingala sa mga bituwin at humiling sa kalangitan ngunit sa isang iglap, naiwan akong nag-iisa samantalang ikaw ay nagkaroon ng ibang mga kaibigan.
"Santi naman, hanggang kailan mo siya tititigan ng ganyan? Pre, kelan ka ba kikilos?" Bigla siyang sumulpot sa tabi ko kaya natawa na lamang ako't napailing-iling lalo na nang makita ko ang nakakalokong ngisi sa maputla niyang pagmumukha.
"Manahimik ka Damian," sabi ko na lamang at muling binalikan ang librong binabasa ko. Ngunit sa kabila nito ay hindi ko parin mapigilang mapasulyap sa direksyon mo.
"Alam mo pareng Santi, kung hindi ka gagawa ng aksyon, hindi mo makukuha ang gusto mo." Natatawa niyang sambit kaya napabuntong-hininga na lamang ako at nagpatuloy sa pagbabasa.
"Hindi ko talaga alam anong meron diyan sa babaeng 'yan at siya ang natipuhan mo." Muli niyang sambit kaya hindi ko mapigilang mapaisip. Ibinaba ko na lamang ang lumang librong binabasa ko at isinara ito. Muli, hindi ko mapigilang mapatingin sa direksyon mo.
Nang una tayong magkita sampung taon na ang nakakaraan, nakita kitang nag-iisa sa playground. Umiiyak ka dahil hindi mo mahanap ang yaya mo. Umiiyak ka dahil hindi mo alam ang daan pauwi lalo pa't kakalipat mo lang sa munti nating lungsod. Natatakot kang maligaw, natatakot kang hindi makauwi. Nang araw na iyon nilapitan kita, nag-usap tayo hanggang sa di kalauna'y tuluyan tayong naging magkaibigan. Dumaan ang ilang taon, mistula tayong naging estranghero sa isa't-isa. Hindi ko alam bakit, hindi ko alam paano. Isang araw, napansin ko nalang na hindi mo na ako tinitingnan at nginingitian sa tuwing nagkakasalubong tayo. Pero sa kabila ng lahat, alam ko parin anong nangyayari sa buhay mo. Ikaw, alam mo kaya anong nangyayari sa buhay ko? Napapansin mo rin kaya ako o sadyang binura mo na ako sa alaala mo?
"Balita ko may nakaaway na naman siya? Grabe, putulin ba naman niya ang mahabang buhok ng kaklase niya," pasaring ni Damian kaya natawa na lamang ako.
Pilya. Siguro nga 'yan ang salitang magagamit ko para ilarawan ka. Parati kitang nakikita sa hagdan, inaabangan mo ang kaklase mong higit na mas matalino sa'yo. Pinagbantaan mo siya para lang siya an gumawa ng assignments at project mo. Minsan rin kitang nakita, nilagyan mo ng glue ang upuan ng kaklase mong hindi nakakaangat sa buhay. Umiiyak siya pero pinagtawanan mo lang siya. Ikaw ang klase ng taong ginagawa ang lahat para lang sa atensyon. Ginagawa mo ang lahat upang mapansin ka kahit pa ang paraan mo ay hamakin ang mga taong walang ginagawang masama sa'yo. Tinutukso mo ang mga kaklase mo at hindi mo man lang iniisip ang mga damdamin nila. Nabalitaan ko sa mga kaklase mong may inaway ka sa facebook, pinahiya mo siya at pinagmumura kahit wala siyang ginagawang masama sa'yo. Nalaman ko rin na sinisiraan mo ang mga taong hindi sumasang-ayon sa lahat ng gusto mo. Iniisip mo na mas higit ka sa kanila. Naniniwala kang higit ka sa kanila pagdating sa lahat ng bagay. Iniisip mong alam mo na ang lahat. Iniisip mong kinatatakutan ka nila, pero ang totoo, kinamumuhian ka nila.
BINABASA MO ANG
The right kind of girl | Oneshot
Short StoryFollow Santi's journey as he pursues the right kind of girl!
