Chapter 1

33 4 1

Ang aga talagang gumising ni tatay, kaya eto ako, gising na rin. Kaunting ingay lang, gising na ako. Madalas ako ang nauutusan dahil ako ang madaling gisingin. Kainggit 'tong dalawa kong kapatid, daig pa ang comatose kung makatulog!


"Tay, kumain ka na ba?" Tumayo na ako dahil nakakahilo humiga kapag hindi na ako inaantok.


"Mamaya na lang pagka balik ko." Hindi na ako nakasagot pa at umalis na agad si tatay.


Kung nakakayaman lang ang kasipagan, ang sarap na sana ng buhay namin ngayon. Kaso wala eh, ang mga tulad namin na nakatira lang sa gilid ng dagat at umaasa sa dagat para sa pangkain, kahit anong pagsisipag namin, hanggang dito nalang talaga kami.


Tumitira kami sa maliit na kubo na si Tatay lang ang gumawa sa siyudad ng Sapiro, nasa tabi ng dagat at mahangin. Lahat ng tagarito, sa karagatan kumukuha ng kabuhayan. Lahat ng kapit-bahay namin, hirap sa buhay.


Pagkain lang naman sa araw-araw ang hinihingi namin, kaso kahit iyon mahirap makuha. Kahit mangingisda si Tatay, minsan lang kami nakakakain ng isda.


Ang lahat ng nakukuha na galing sa dagat ay pag-aari daw ng bansa, lahat ng pinaghihirapan ng mga mangingisda ay kinukumpiska ng mga tagapaglingkod ng Hari at binabayaran ng napakaliit na halaga.


Napakaramot ng mga Diyamante. Lahat ng nasa bansa ay pag-aari nila, tanging sa kanila lang. Ang siyudad ng Diyamante ang kapital ng bansa, kaya sila ang nagpapalakad sa lahat ng kabuhayan. Kaming mga taga-Sapiro ay tinatrato nila bilang mga utusan lang para kumuha ng mga lamang-dagat para punan ang mga nais nila.


Sa Diyamante nakatira ang mga mayayaman at ang mga pinuno ng bansa. Maganda raw doon, malinis, at napakaganda ng mga bahay ayon sa mga kwento-kwento.


Sabi nila, noon daw ay pantay-pantay ang mga siyudad. May kanya-kanyang kabuhayan at masaya ang mga tao. Kailan kaya babalik ang panahong yun.


"Von! Val!" Kanina pa tirik ang araw eh tulog pa 'tong dalawa kong kapatid, minsan napapasigaw na lang ako sa inis sa kanila.


"Hayaan mo na. Wala rin namang gagawin ang mga yun pagkagising eh." Mahal ko si Nanay, hindi naman sa minamaliit ko siya, pero hindi ako tutulad sa kanya. Kapagag magkaroon ako ng sariling pamilya, hindi ako papayag na maging tagapag-silbi lang. Sa hirap ng buhay ngayon dapat pati babae eh nagta-trabaho rin. Ewan ko ba kung sinong naka-isip na gawaing panglalaki lang ang paghahanap-buhay.


"Ano ba yan ate, ang ingay mo." Sampung taon na si Val, dalawang taon ang tanda ko sa kanya.


"Eh panu, hindi kayo tumutulong sa mga gawaing bahay. Tigilan niyo nga ang katutulog, ang tatamad niyo. Halika at samahan mo ko."


"Ang layo na naman ng lalakarin natin." Agad na kaming umalis ni Val para pumunta sa dalampasigan.


Pinapayagan kami ng isang bantay doon na maglako ng isda, kami na ang bahalang magpatong sa presyo basta ibabalik lang namin ang puhunan. Malayo ang nilalakad namin papunta sa maayos na parte ng Sapiro kung saan nakatira ang mga may-kaya naming kababayan.


Tatlong oras din kaming nag-ikot para maubos ang dala-dala namin.


"Ang gaganda nila, ate." Manghang-manghang nakatitig si Val sa magagandang dalagang kararating lang. Napaka-kinis ng mga balat, mapupula ang mga labi, maayos ang mga buhok, at ang gaganda ng mga bistida nila.


Tulad ng mga kwento ni Nanay, talaga namang nakaka-mangha ang kagandahan ng mga dalagang galing sa Insitusyon. Kilala sila sa buong bansa bilang pinakamagaganda, pinakatalentado, at pinakamatatalino. Daig pa nila ang mga dalagang anak ng mga Diyamante.


"Pagdating ko sa tamang edad, mapapabilang din ako sa mga Perlas." Gaya ni Nanay, pangarap din ni Val na mapabilang sa mga babaeng galing sa institusyon, sila ang mga perlas ng nasyon.


Sana nga Val! Kahit habang buhay kaming mag-hirap, kahit ikaw lang at si Von ang magkaroon ng masayang buhay, masaya na ako doon.


The BrideBasahin ang storyang ito ng LIBRE!