Catatonic

16.3K 608 152
                                    

Kasabay ng malakas na radyo na tinutugtog ang kanta ni Imelda Papin na "Kung Liligaya Ka Sa Piling ng Iba" na sinasabayan ng matandang babae na si Nanay Sol na iniwan ng asawa kaya nawala sa katinuan; maririnig din ang tawanan ng ibang pasyente ng ospital habang nakikipaglaro sa mga bantay na nurse. May iba naman na umiiyak na akala mo'y mga batang nawalan ng laruan o kaya'y inagawan ng kendi. Iyak na ang dahilan ay nasa kailaliman ng kanilang mga isipan. Isipan na nilayasan na ng katinuan.

Habang abala ako sa paglalampaso ng sahig ay napukaw ng isang gwapong binata ang pansin ko. Tahimik siyang nakaupo sa wheelchair, nakatitig lamang sa pader sa isang sulok. Makinis at moreno ang kanyang balat; matangos ang ilong, at mahaba ang kanyang mga pilikmata. Kung hindi ko lang alam na pasyente siya rito sa ospital ay iisipin kong isa siyang manika o mannequin. Napakagwapo kasi talaga ng mukha niya, at ni minsan ay hindi ko pa siya nakitang ngumiti, o kahit gumalaw man lang. Ilang buwan na siya rito sa ospital pero sa tuwing makikita ko siya ay nasa ganun siyang ayos.

"Hoy Clarisse! Tulala ka na naman dyan. Yang nilalampaso mo tapusin mo, bago pa may madulas."

"Naku, sorry po, sorry po." Nang dahil sa gulat ko dali-dali kong ibinalik sa loob ng timba ang hawak kong lampaso. Akala ko kasi isa sa mga staff dito sa ospital ang nakakita sa 'kin na tulala. Buti na lang si Kuya Gary ang nakakita sa 'kin kundi lagot ako. Janitor siya rito at mahigit limang taon na siyang nagtratrabaho rito.

"Nakatitig ka na naman kay Mr. Tulala," biro niya.

"May pangalan siya; Jasper."

"Aba! Nakausap mo? Kala ko ba 'di nagsasalita at gumagalaw 'yan?"

"Huwag mo ngang gawing biro 'yung kalagayan niya."

"In-love ka na?" biro na naman nya.

"Sira!"

Pag-alis ni Kuya Gary, sumulyap uli ako sa kinapwepwestuhan ni Jasper at nahuli kong nakapaling ang kanyang ulo at nakatingin siya sa 'kin. Bigla akong umiwas ng tingin.

'Totoo ba 'yun?' tanong ko sa sarili ko. Huminga muna ako ng malalim at saka unti-unti akong lumingon at nakita kong bumalik siya sa dati niyang pwesto o baka naman hindi talaga siya gumalaw? Baka namamalikmata lang ako?

Napailing na lang ako at itinuloy ang pagtratrabaho bago pa may makapansin sa akin at mapagalitan ako.

Dumaan pa ang ilang araw at walang pagbabago sa kalagayan ni Jasper. Nanatili pa rin siyang tahimik, walang kibo at hindi gumagalaw. Mga nurse na nga lang ang nag-iiba ng kanyang pwesto, dahil kung walang gagawa noon para sa kanya; buong araw siyang ganun. Kahit tinitignan ko nga lang siya, ako ang nangangalay para sa kanya.

Nasa garden ako ng ospital at nagwawalis ng mga tuyong dahon nang makita kong papalapit si Jasper sa 'kin habang nakaupo sa wheelchair at tulak-tulak ni Ruby na isang nurse dito. Habang tulak ni Ruby si Jasper ay may kausap ito sa cellphone.

"Huwag ka nang magpalusot! May nakakita sa inyo ng babae mo!" Mukhang boyfriend ang kausap niya at may LQ ata sila." Ang kapal ng mukha mo! Ako pa ngayon ang sinisisi mo! Ako pa ang may kasalanan!" Umiiyak na si Ruby. Naiilang tuloy ako. "Bwisit! Ngayon pa 'ko nawalan ng load!" Mukhang gusto na niya itapon 'yung cellphone niya sa inis. Aalis na sana ako nang bigla niya akong tawagin.

"Clarisse, pwede pakibantayan muna si Jasper? Saglit lang ako. Magpapaload lang ako."

Napatango na lang ako.

Itinulak ko ang wheelchair ni Jasper papunta sa ilalim ng puno, sa may lilim para hindi siya mainitan. Ilang minuto din akong tahimik. Hindi ko alam ang gagawin at hindi ko alam kung ano'ng dapat kong sabihin. Hindi ko rin naman alam kung naririnig ba niya ako o kung maiintindihan ba niya ako kung sakaling kausapin ko siya.

Twisted MindsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon