Kabanata 50

16.6K 182 14

Maikli pa lang to. Yes. Maikli pa. May ihahaba pa. Busy kasi sa school kaya medyo hindi detailed. Pero maayos naman kaya mababasa mo siya ng maayos. Hehe. Anyway, salamat dahil nakaabot ka dito.

Thanks for being here until the last chapter. . .

Ang Huling Kabanata

Tuluyan na akong nakalayo sa tahanan na iyon. Malalaking hakbang ang ginawa ko malayuan lamang ito, subalit para bang may hindi nakikitang pwersa na nagsasabi sa akin na bumalik sa loob. Pilit kong nilabanan ang kagustuhan na muling bumalik, yakapin at mang hingi ng tawad kay Kerwin.

Kahit labag sa kalooban ay tumakbo na ako palayo, na para bang hinahabol ako ng mga kinatatakutan ko. Hinihingal na ako, subalit hindi pa rin ako natinag. Nang makalayo na ako ay napakapit ako sa aking tuhod, nag habol ng hininga. At unti unti akong bumagsak sa buhangin dahil sa aking kahinaan na pinapahirapan ang aking katawan. Napahagulgol ako sa aking kinauupuan, hindi ko na ininda ang mga taong nagtitinginan. Napakirot at napaka hapdi ng aking nadarama para isipin pa sila.

Ilang minuto rin siguro akong ganoon, tulala sa alon na binabasa ang binti at polo na suot ko. Para akong isang baliw na napadpad dito at walang kaalam alam sa mga nangyayari sa paligid. Nagtutubig pa rin ang aking mga mata, at ang puso ko ay patuloy na binabalatan nang buhay sa tuwing naalala ang mga kaganapan. Suminghap ako, nagpakawala ng bunting hininga, subalit hindi iyon nakatulong upang maging maluwag ang dibdib kong napakasikip at tila ba'y maraming karga.

"Hey." Natigilan ako sa pag hikbi nang mahina. Unti unting inangat ang ulo mula sa pagkakatungo at unang tinanaw ang dagat bago lingunin ang pamilyar na boses na nagmula sa aking likuran. Kinirot ang puso ko nang maalala ang kaganapan, may bahagi rin sa puso ko na naiinis sa kaniya sapagkat ako'y sinaktan niya lamang. Pinagmasdan ko ang nanliliit na mata ni Ethan, nakaawang labi upang ihanda ang sarili sa pagsasalita. "In case you change your mind. . ." Pansamantala siyang huminto, may dinukot sa bulsa ng kaniyang asul na shorts na ang haba ay hanggang ibabaw ng tuhod. "Just call me." Kaniyang pagpapatuloy at inabot sa akin ang isang puti at matigas na uri ng papel. Pinagmasdan ko iyon, nasilayan ko kaagad ang pangalan niyang Ethan Alexander Calderon at sa ilalim nito ay cellphone at phone number. Kapwa nakasulat sa malalaking letra na kulay abo.

Ikinulong ko iyon sa palad ko, diniinan ang pagkakahawak dahilan para malukot iyon. "At ano naman ang mangyayari kung tatawagan kita?" Malungkot na ngayong nakatuon ang aking mga mata sa kalmadong dagat na kumikinang dahil sa sinag ng araw. Napakaganda ng panahon, napakaganda ng mga bagay na nasa paligid ko, makulay, buhay na buhay, taliwas sa buhay kong tuyo na ang lahat, walang kulay ang mga bagay bagay.

"Maibabalik ang lahat ng mga bagay na nawala sa'yo." Iyon lamang ang sinabi niya. Hindi na ako nakapag salita pa dahil muli kong naramdaman ang likido na nais kumawala sa nag iinit kong mga mata. Nanlabo ang paningin ko pero hindi ko inabala ang sarili na tanggalin ang luhang nakaharang. Pinili ng aking mga kamay na manatili sa pwesto nila at huwag punasan ang luha.

Dahil para saan pa? Bakit ko pa papawiin ang luha na bumabalik din naman. Mas kinuyom ko pa ang kamao, dama ko ang pag kirot ng balat ng aking palad nang dumiin ang matigas na dulo ng papel na hawak hawak ko. Ganito ang pakiramdam sa tuwing tinutusok ang aking puso nang marinig ang mga sinabi ni Ethan.

Maibabalik niya ang lahat ng bagay sa akin subalit hindi niya magagawang pigilan si Ama. Oo, kaya niyang ibalik ang mga bagay na nawala pero hinding hindi niya mailalayo si Kerwin sa kapahamakan. Matalino si Ama pagdating sa kasamaan. At hinding hindi siya titigil hangga't hindi ako nababawi kung sakali mang sumama ako sa kanila.

Sinubukan kong lumingon sa abot ng aking makakaya. Ngunit nang lingunin ko si Ethan ay hindi ko na siya nasilayan pa. Ang mga bakas ng paa sa basang buhangin at tanging naging palatandaan ko na nandito siya at umalis nang hindi ako sumagot. Nakaramdam ako ng kahungkagan, kalungkutan, at kirot nang makita siyang palayo. Para bang lahat ng mga taong maari kong masandalan ay nilalayuan ako. Ang tanging mayroon na lamang ako ay ang taong dahilan kung bakit wasak ako. Si Hoseff na papakasalan ko.

His Passionate Vengeance (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!