Kabanata 45

7.4K 114 3

Kabanata 45
Vagrant

Ipinaglapat ko nang mariin ang mga labi ko sa isa't isa hanggang sa hindi na ako maging komportable. Nakatulong iyon upang pigilan ang emosyon dulot ng kahungkagan na mayroon ako nang makita si Kerwin. Para bang nakaramdam siya ng saya nang masilayan ako, pero agad ding napawi iyon na para bang naalala niya na nasa iba na ako. At malabo na maibalik pa ang ala ala ng kahapon.

Nag iwas ako ng tingin sa kaniya, ayokong maramdaman ang awa na nadadama ko para sa kaniya, at ayokong dumating ang punto na hindi ko mapigilan ang mapaiyak kapag naalala ang sinapit ng aming anak. Ang anak ko na ang tanging tao na nagpapaalala sa akin na kung ano ang mayroon kami noon. Ang anak ko na maaring magtayong inspirasyon sa akin upang tiisin ang madilim na buhay na kinamulatan ko. Ang anak ko na titignan ko lang, mapapangiti na ako. Subalit wala na siya at lubhang imposible na makita ko pa siya dahil nasa piling na niya ang Panginoon.

"I said leave. You're blocking the way." Supladong sabi ni Hoseff, mukhang nandidiri sa presensya ni Kerwin. Para bang isa itong napakaruming pobre sa kaniyang paningin kahit maayos at malinis naman ang pananamit nito. Muli niyang isinara ang bintana ng sasakayan at sa isang pitik lamang ng kaniyang mga daliri, nagpatuloy sa pagmamaneho si Cyrus ng kaniyang kotse papasok ng harapan ng mansyon.

Lumingon ako, kahit hindi ko gusto, subalit para bang may batubalani na namamagitan sa akin kay Kerwin, dahilan para hindi ko mapigilan ang sarili na siya ay lingunin.

Bigo siyang nakatanaw sa sasakyan, at kita ko ang labis na kalungkutan na pareho naming nararamdaman. Sa huli ay sumuko na rin siya at mabagal na naglakad palayo ng hacienda. Mukhang tinatangay na lamang siya ng hangin at hindi tiyak ang mga hakbang na nililikha. Mukhang walang patutunguhan, walang tiyak na direksyon na paroroonan, parang aming pagmamahalan lamang.

Naunang lumabas si Cyrus na hindi umiimik, pinagbuksan niya kami ng pintuan. Inalalayan ako ni Hoseff sa paglabas, bagay na kaya ko naman. Nakahawak siya sa aking kamay subalit hindi nakapulupot ang aking daliri sa kaniya, naiilang pa rin ako sa kaniya dahil hindi ko ito nakasanayan at naging biglaan ang lahat.

Pumihit kami at hinarap ang pintuan ng mansyon na malawak na nakabukas. Nasilayan ko si Ama roon na nakasandal. Suot suot ang kaniyang mamahaling polo at pantalon. Awtomatikong pumulupot ang daliri ko kay Hoseff matapos makita ang mga mata niyang nakatitig sa aming mga kamay ng lalaking kasama ko.

"Kamusta ang lamay?" Kaswal na katanungan ni Ama. Para bang may tinik sa dibdib ko nang dahil sa kaniyang katanungan na hindi ko alam kung masama bang pakinggan.

"Its fine." Tipid na sagot ni Hoseff. Naglakad patungo sa pintuan at nilagpasan si Ama. Matalim ang titig niya sa akin, na aking pinagtataka. Mukhang pinagbabantaan niya pa rin ako kahit nagawa ko naman ang kaniyang kagustuhan na kay Hoseff ako sumama. Itinaboy ko na ang lalaking ayaw niya, nilayuan at pilit na kinakalimutan kahit masakit sa kalooban, ano pa ba ang kulang?

TUMUNGO kami ni Hoseff sa ikalawang palapag, sa kwarto niya at nagbihis kaagad. Habang nasa banyo siya at muling naligo, hindi ko maiwasang maluha sa tuwing naalala ang mga sinabi ng doktor. Nandirito lamang ako sa silid, kayakap ang unan habang balot na balot ako ng makapal na kumot.

Heto lamang ang mga bagay na nagsisilbing sandalan ko sa mga oras na kailangan ko ang taong mahal ko. Daig pa ang balitang wala na ang anak ko ang mga pagsubok na pinagpatong patong. Para bang may mga tinik sa puso ko na kahit anong gawin kong pagluha ay hindi matanggal tanggal. Humigpit ang yakap ko sa unan, muling hinayaan ang mga luha na natutuyo rin naman kaagad. Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa akin at ganito ang naging buhay ko. Mukhang hanggang pangarap na lang talaga ako na magkaroon ng isang payapang pamumuhay, hindi tulad ng ganito.

His Passionate Vengeance (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!