Kabanata 39

7.1K 122 2

Kabanata 39

February 13, 2011

Hawak hawak ko ang kamay ng isang hindi tiyak na lalaki. Malamig iyon tulad na lamang ng akin. Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng panlalamig namin. Iyon ba ay dahil sa atmospera sa itaas nitong bundok na tinatapakan namin, o dahil sa kaba na namamayani? Kaba na maari kaming mahulog at kaba na maari naming hindi marating ang rurok.

Mahigpit ang hawak ko rito at mahigpit din ang hawak niya sa akin. Pagod na pagod kami habang inaakyat ang tuktok nitong marupok na kabundukan. Isang tingin pa lamang, lubhang mapanganib na ang maaring maranasan. Napaka nakakalula kung tatanawin ang ibaba. Nanliliit ang mga puno at ang ibang tanawin ay hindi na masilayan pa, iyon ay dahil sa hamog na niyayakap ang anyong lupa na aming kinalalagyan.

Para bang mababalian na kami ng mga buto dahil sa pagpupumilit naming umakyat patungo sa tuktok nito, kahit hirap na hirap na kaming dalawa. Tagaktak ang aming mga pawis dulot ng pagod at siya ay may mga galos na dahil sa pagkakatama sa mga matutulis na bagay tulad ng mga hindi pangkaraniwang bato. Nakaramdam din ako ng mga hapdi sa aking balat, unti unting lumalabas ang mainit na dugo mula roon na aking ikinabahala. Pumihit ako at kumuha ng puting tela mula sa aking bulsa ngunit agad akong natigilan sa binabalak.

Nasilayan namin ang mga taong hinihila kami pababa. May mga lubid sa aming mga paa, ni hindi nga namin alam kung paano iyon pumulupot sa aming mga binti nang hindi namin namamalayan. Inangat namin ang aming mga paa, sinubukang kumawala subalit nagpahigpit lamang ito sa lubid na matinding nakakapit sa aming binti, na naging dahilan para hindi kami makagawa ng isang hakbang. Lumunok ako, kasabay 'non ay ang paglandas ng mga mainit na luha sa aking mga mata.

Binitawan ng mga mata ko ang aking luha gaya ng pagpaparaya ko sa lalaking matindi ang kapit sa aking mga kamay. Subalit kahit gaano pa iyon katindi, hindi pa rin niya nagawang makaligtas sapagka't siya'y aking binitawan na. Nasilayan ko siyang bumagsak kasama ang mga taong hinihila kami pababa upang hindi marating ang tuktok. Naramdaman kong kumirot ang dibdib ko nang gawin ko iyon ngunit ang lubid na nakatali sa mga binti ko ay biglaang naglaho. Naging madali para sa akin na akyatin ang pinakatuktok ng bundok na ito. Pinunasan ko ang mga luha at tinanaw ang liwanag na pinuno ang aking mukha. Ah, pag asa.

MARAHAN kong idinilat ang aking mga mata. Una kong nasilayan ay ang aking binti at ang kama na aking kinalalagyan. Marahan akong bumangon, kumirot ang ulo ko at nadama ko ang pangangailangan na pakawalain ang mga kinain ko nitong mga nakalipas na oras. Lumalala na ang mga pagsuka ko nitong nagdaang linggo, dulot ito ng pagdadalang tao at ngayon ko lang ata lubusang napagtanto na magiging Ina na talaga ako. Paglaki ng anak ko, hindi ko itutulad ang mga ginawa ng Ina ko sa akin. Hindi ko ipaparanas sa kaniya ang mga naranasan kong hirap at pighati.

Hinilamos ko ang mukha ko pagkatapos. Tinanaw ang pamumugto ng mga mata ko sa sariling repleksyon sa salamin. Hindi kayang takpan ng mga pampaganda ang mga mata kong makikitaan ng tanda ng ilang araw na pag iyak. Marahil ay gawa lamang ito ng matinding emosyon na isa rin sa mga senyales ng pagdadalang tao. O di kaya ay dahil sa mga mabibigat na hamon na hinarap namin nitong mga nagdaang araw na hanggang ayon ay may epekto sa isang tulad ko. O marahil dahil nga sa mga hindi magandang ideya na tumatakbo sa isipan ko. Mga ideya na iwan ko ang lalaking mahal ko at itigil ang pagmamahalan na ito, para sa ikabubuti ng sitwasyon. Muli akong pumikit, dinama ang luhang hinaplos ang aking pisngi. Ang isipin iyon ay lubhang napakasakit. Daig ko pa ang ipinako sa pader o nahulog sa bangin na matarik.

Gamit ang likuran ng aking kanang kamay, pinunasan ko ang pisngi kong dinaluyan ng mga mainit na luha. Suminghap ako upang mawala ang pagbara ng aking ilong dahil sa ginawang pag-iyak. Pagkalabas ko ng banyo natanaw ko kaagad ang lalaki na dahilan kung bakit ako nagmamahal, at ang lalaki na dahilan kung bakit ako nasasaktan, nahihirapan at higit sa lahat ay naguguluhan.

His Passionate Vengeance (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!