Kabanata 36

8.9K 135 2

Kabanata 36
February 1, 2011

Nakatititig ako sa mga gusali na aking nadaraanan. Ang mga puno, bundok o kahit anong kalikasan ay hindi na matanaw. Tanging mga ibon na lumilipad sa maduming hangin sa himpapawid ang nagsisilbing palatandaan, na mayroong isang magandang nakaraan ang lugar na aking napuntahan. Malungkot akong tumingala, ang mga ulan ay nagsimula nang magsibagsakan. Inaasahan ko na ito dahil sa makulimlim na kalangitan na kanina ko pa pinagmamasdan. Tila ba'y nakikidamay ang panahon sa aking pighating nararamdaman. Alam na alam nila ang aking dinadanas habang ang mga taong aking nakakasalubong ay walang alam sa aking tunay na kalagayan.

Buong buo ako sa paningin nila, ngunit ang hindi nila alam, isang wasak na pagkatao ang nagtatago sa buong imahe na kanilang nasisilayan. Ngumiti ako na para bang may naalalang magandang ala ala. Subalit hindi iyon ang dahilan. Wala akong matandaang magandang ala ala upang mabuo ang ngiti na hindi umabot sa aking mga mata. Nakangiti ako ngayon dahil sa limos na sayang naramdaman nang malamang nakalayo na ako sa mga taong nais akong saktan. Subalit sa kabila ng nararamdamang saya, ang kalungkutan at sakit ang nangingibabaw.

Naglakad lakad pa ako sa maruming kalsada, ilang araw na akong palakad lakad, mahanap lamang siya. Hindi ako sumilong at wala na akong balak pa. Gustong gusto ko ang ganitong panahon dahil hindi nahahalata ng mga tao ang aking pag luha. Nag isang linya ang mga labi ko nang may masilayan.

Ang pamilyar na damit na pang mayaman at ang lalaking nakatayo sa aking harapan. Tulad noong nakaraan, natatabunan ng malabong ulap ang kaniyang mukha. Wala akong makita. Tanging buhok niya lamang na bahagyang magulo at sumisigaw ng kakisigan. Lumunok ako ng ilang beses. Wala akong ideya kung bakit siya naririto sa harapan ko, at naglalahad ng kamay sa akin. Dapat ba akong tumanggi o dapat itong tanggapin? Hindi ako makapili.

MULI nanaman akong nagising na naghahabol ng hangin. Sa mga nagdaang araw, sa pagkakatanda ko madalas akong managinip ng mga ganitong uri ng panaginip. Kadalasan ay nasa talahiban ako o sa isang madilim na lugar, hinahabol ng dalawang lalaki na kahit anong gawin ko ay hindi ko matakasan o mataguan.

Ang isa pa nga ay mga panaginip na naglalakad daw ako sa syudad, isang pulubi at pilit na nilalapitan ng isang mayaman. At kapag siya ay aking nilalapitan, naglalaho na lamang siya. Nakakatwa. Iniisip ko na isa lamang itong simpleng panaginip tulad noong mga bata pa lamang ako, yung mga panaginip na lumilipad ako o isa akong superhero. Ngunit kahit anong kumbinsi ko sa sarili ko na isa lamang itong simpleng panaginip, bumabagabag ito sa isipan ko. Pawang nangungulit na bigyan ko ng kahulugan ang mga ito.

Wala si Kerwin sa tabihan ko nang lingunin ko ang kabilang bahagi ng kama. Napaupo ako sa katre at nakaramdam ng panibagong kaba na baka umalis nananaman siya. Ilang segundo ang lumipas at nananatili lamang akong nakatunghay sa kawalan. Bahagyang napatanag ang loob nang aking marinig ang abalang ingay na ginagawa niya sa kusina. Ang ingay na iyon ang nag bigay kasagutan sa aking katanungan kung nasaan siya. Nakahinga ako ng maluwag sa mga oras na iyon habang ang mga isipan ko ay abala sa pagbabalik tanaw sa mga bagay na naganap nitong nakaraang araw.

Ang mga sunog na sulat, ang panaginip, ang pag atake, ang bangkay, ang larawan, at ang muling pag sugod. Iyon ang tanging nangingibabaw sa isipan ko. Nagtindigan ang mga balahibo ko sa kilabot na hatid nito at para bang tinutusok ang anit ko nang maalala ang mga iyon. Sapat na dahilan na ang mga 'yon upang maging balisa ako sa mga nag daang araw at hanggang ngayon. Paminsan minsan ay nalilimutan ko ang mga bagay bagay na 'yon, at kapag mag isa ako at tulala sa kawalan, hindi maiwasang sumagi sa isipan ko ang mga ala ala na iyon.

Ibinaba ko ang binti ko sa kama at inilapat ang talampakan sa malamig na sahig na yari sa kahoy. Hindi sinasadya ng mga mata ko na maidapo ang paningin sa katabing lamesa kung saan nakapatong ang pregnancy kit. Nagliwanag ang mga mata ko nang iyon ay makita. Para bang nakakita ng isang kayamanan na nagmamadali kong kinuha. Mahigpit ang hawak ko sa kit habang papasok ako ng banyo. Isinara ko ang pintuan pagkatapos at nakaramdam nananaman ako ng pangangailangan na pakawalan ang mga kinain ko nitong nagdaang gabi.

His Passionate Vengeance (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!