Kabanata 33

9.7K 142 4

Adult content

Kabanata 33

Nagbabadiya

Narating naming ang aming patutunguhan. Halos magkandabali ang aking leeg para lamang makita ang mga kaganapan sa labas ng aming sasakyan. Napakaraming tao at may paradang nagaganap. Pinagmasdan ko ang mga sasakyan na binalutan ng mga iba't ibang palamuti. Sa ibabaw nito ay may mga babaeng may kasuotan na yari sa mga patapong bagay na muling ginamit. Nakakamangha silang panooring sumasayaw sa ibabaw ng mga sasakyan. Mukhang may piyestang nagaganap dahil napaka ingay. Punong puno ng hiyawan para sa mga dumadaang kalahok ata para sa isang patimpalak na para sa isang programa ng hindi ko alam na pagdiriwang.

Napawi na rin ang masikip na daan matapos makadaan ang mga kalahok sa programa. Makalat ang daan dahil sa mga konfeti na kumalat. Unti unti na ring napawi ang ingay sa likuran. Umayos naman ako sa pagkakaupo matapos mawala sa paningin ang mga taong mukhang taga ibang bayan. Ah, tulad nga ng sinasabi ko, nasa ibang bayan kami ni Kerwin. Bayan ito ng Tolosa at lubhang malayo sa Cordova. Wala akong kaalam alam sa lugar na ito at tanging si Kerwin lamang.

Isa lamang ang masasabi ko sa tanawin. Simple ngunit makipigil hininga. Napakaganda at kaakit akit sa mga mata. Kahit saan tumingin, puro tao, berdeng halaman, bundok, mga tindahan ang matatanaw. May mga kalabaw 'don at mga kabayo na nagpapaalala sa akin ng lugar na aking pinanggalingan. Kung may bagay akong masasabi na naiiba ang Tolosa sa Cordova, ito ay mas matao ang lugar na ito kumpara roon. Mukhang buhay na buhay ang Tolosa at hindi mawawalan ng kulay ang lugar na ito.

"Matagal mo na bang napuntahan 'to?" Hindi ko na napigilan ang sarili na tanungin iyon. Kanina ba kasi ako napapaisip kung bakit parang alam na alam niya ang mga pasikot sikot sa lugar na 'to.

Ibinaling niya ang tingin sa akin at pinabilisan ang sasakyan. Hindi ko alam kung saang lugar kami patungo, hindi ko na sinubukang alamin iyon upang maging sorpresa ang pagkapunta 'ron.

"Oo. Noong bata pa lamang kami ni Kuya, tumatakas kami pagkatapos tulungan sila lolo sa sakahan. Dito kami lagi pumupunta. Nakikisakay kami sa mga truck na patungong Tolosa. Nakakamangha. Ilang taon ko na rin itong hindi napuntahan ngunit walang malaking pinag bago ang lugar. Kaya heto, memoryado ko pa rin ang mga ruta." Kumislap ang mga mata niya dahil sa magandang ala ala na nagbalik sa isipan niya. Bumuntong hininga siya na para bang nalungkot bigla. Hindi ko na sinubukang tanungin iyon. Marahil iyon ay gawa lamang ng galimgim na hatid ng lugar na 'to. Galimgim ata ang isa pang pangalan ng Tolosa. Punong puno ito ng mga magagandang ala ala para sa mga taong napapadayo rito o matagal na nakatira.

"Pasaway ka pala noong bata ka pa lamang. Akala ko, isa kang seryoso at isang matured na bata tulad ng iniisip ko." Mahina akong tumawa. Narinig ko rin ang ginawa niyang pag ngisi habang palayo kami ng palayo sa lugar na aming pinanggalingan. Nakarating kami sa isang daan kung saan napapaligiran ng mga iba't ibang establisyemento. Sa kanang bahagi ay naroroon ang Barangay kung saan nakasulat ang pangalan ng Tolosa. Sa kaliwa naman ay ang munisipyo na katabi ng isang pampublikong pagamutan.

Mukhang mas maunlad ang lugar ng Tolosa kaysa sa Cordova. May mga magagarang sasakyan kasi kaming nakakasalubong, kumpara sa Cordova na halos bisikleta, kalesa at kabayo ang nagsisilbing transportasyon.

"Bata ako noon. Hindi rin naman siguro masamang sulitin ang panahon na iyon." Aniya at isang beses akong sinulyapan. Tila ba'y namamangha siya sa akin sa tuwing ako'y pinagmamasdan. Ningitian ko at tumango bilang pag sang ayon sa mga sinasabi niya. Itinuon ko naman kaagad ang mga pansin sa mga nakikita sa daanan. Nakita ko kaagad ang malawak na paaralan ng Tolosa. Nasilayan ko kaagad ang mga studyante roon na nagmamadaling lumabas upang salubungin ang kani kanilang magulang. Kailan ko rin kaya iyan mararanasan? Mukhang napakasarap sa pakiramdam ang magkasama kayo ng asawa mong susunduin ang iyong anak galing sa paaralan. Ah, tunay na napakasarap sa pakiramdam.

His Passionate Vengeance (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!