Kabanata 29

9K 155 2

Kabanata 29

Pangamba

Nangilabot. Nanlamig. Dalawang salitang maglalarawan sa kinahinatnan ng aking sistema nang masilayan ang kahon na iyon. Nanginginig akong lumuhod sa harapan nito at nayayanig ang mga kamay ko nang angatin ko ang mga ito upang muling buksan. Nasilayan ko muli ang mga sunog na sobre at sulat na pinaghirapang sulatin ng lalaking aking mahal.

Huminga ako nang malalim at ito'y kinalkal. At diyos ko po! Nasilayan ko ang cellphone ko sa pinakailaliman nito. Durog at sunog na sunog. Mukhang hindi na mapapakinabangan ang mga ito. Ngunit ang mga sulat na pinaghirapan kong ipunin nang mahabang panahon, ayoko munang itapon. Nagbabasakali akong maari pa silang maayos kahit bahagya na silang durog at nangingitim na ang gilid. Halos hindi na mabasa ang mga laman.

Nanlabo ang mga mata ko nang dahil sa mga luhang nagbabadiya. Inunahan ko na sila at mabilis itong pinunasan. Isinantabi ko ang kahon sa gilid ng hagdanan at humakbang palabas ng pintuan. Inobserbahan ko ang bawat sulok ng bakuran. Ngunit wala akong makita, maliban sa mga paso, damuhan, sasakyan at mga haligi na nakapalibot sa aming tahanan. Bumaba ako sa maliit na hagdanan, nilibot ang bakuran; nagbabasakaling may makitang senyales at bakas na mayroon ngang nakapunta rito habang kami ay walang malay.

Ngunit ni isang senyales o maski bakas ay wala akong mahanap. Niyakap ko ang sarili habang nakatanaw sa bulubundukin at dagat na tanaw mula rito sa talampas. Natatakot pa rin ako sa mga nakita. Sino naman ang pupunta rito upang dalhin ang kahon na iyon? Unang pumasok sa isipan ko ang Ama ko. Siya lang naman ang pumapasok sa isip ko ngayon. Maaring napag alaman niyang tumakas ako. At ang isiping nalaman niya ang kinaroroonan namin ay nagbibigay kilabot sa katawan ko. Nagtindigan ang mga balahibo ko patungo sa aking batok. Isa itong bangungot. At hanggang ngayon ay bumagabag pa rin sa isipan ko kung paano kami natunton ng Ama ko kung totoo nga ang kutob ko.

"Aleandra?" Napatalon ako sa gulat nang marinig ang boses ni Kerwin mula sa pintuan. Tinanaw ko siya at nasilayan ko ang kaaya ayang tanawin. Nakasandal siya sa pintuan at nagtataka akong pinagmasdan. Lumapit ako sa kaniyang kinaroroonan at ang mga mata naman niya ay dumapo sa kahon na nasa tabihan niya lamang. Agad akong pinangunahan ng kaba lalo na nang masilayan ang pagtataka sa kaniyang mukha.

Yumuko siya at marahan itong binuksan. At naramdaman ko nanaman ang kirot nang masilayan ang mga sulat na pinaghirapan niya. Lumuhod din ako upang mapantayan siya. Ipinasok niya ang kaniyang kamay sa loob ng kahon kung saan amoy pa rin ang mga abo. Kunot noo niyang idinakot ang mga sulat na nakaya ng kaniyang kamao. Napalunok siya at nasilayan ko ang kirot sa kaniyang mga mata. Tiningala niya ako, gamit ang mga nagtutubig niyang mga mata at nasasaktan siya base sa kaniyang hitsura. Naku po. Mukhang nasira ang umaga niya.

"Aleandra, a-ano ang mga ito? B-bakit m-mo sinunog? Baby, pinaghirapan ko 'to para sa'yo." Piyok ang tinig niya. Hindi ko iyon nagustuhan dahil nag bigay iyon ng matinding kirot sa puso kong patuloy pa ring tumatakbo na para bang isang makinarya. Napalunok ako bago nagbigay ng paliwanag.

"K-kerwin. Hindi ko ginawa iyan. Hinding hindi ko magagawa iyan. Kilala mo ko. Pinapahalagahan ko ang mga bawat bagay na ibinibigay mo." Kumapit ako sa kaniyang braso, bahagya itong niyuyugyog. Ikinuyom niya ang kaniyang panga at ibinitaw ang titig sa aking mga mata. Muli niyang pinagmasdan ang kahon at padabog itong sinara. Tumayo siya dahilan para mapabitaw ako sa kaniyang braso. Napatulala ako sa ginawa niyang iyon.

Marahan akong tumayo. Nakatindig pa rin siya sa harapan ko ngunit agad siyang tumalikod. Ngunit sinulyapan niya ako sa isang matalim na tingin. Napalunok ako. Paano ko sasabihin ang mga iyon? Hindi ko magawang sabihin sa kaniya ang totoo. Ni isang salita ay wala akong ma apuhap. Nauutal ako. Hindi makabuo ng pangungusap. Hindi ko magawang maiparating sa kaniya na maaring natunton na kami ng aking pamilya.

His Passionate Vengeance (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!