Chapter 13

2.6K 80 14
                                    


Matt---

"Buti naman at nagawa mo pang ayusin ang ginawa mong gulo." Ang sabi ni Michael habang ang mga mata ay nakatuon sa labas ng diner.

"Gulo? Bakit? Anong nangyari?" Takang tanong naman ni Natnat.

"Wala yun---" Ang di ko pa natapos sabihin nang magsalita muli si Michael.

"Muntik na din niyang sirain ang puso nun." Sabi ni Michael at inginuso ang taong pinatutungkulan niya.

Napalingon naman si Natnat sa inginuso ni Michael at nang makita niya yun ay bigla balik-tingin nito sa akin.

"Ha? Bakit kuya? Akala ko ba---" Ang di din natuloy sabihin ni Natnat nang putulin ko ito.

"Mike naman! Tapos na yun at oo inaamin ko na mali ako, pero wag mo nang ipagduldulan pa dahil naayos ko din naman!" Ang sabi ko.

Hindi ko maiwasang mainis sa ikinikilos ni Michael. Alam ko naman na kampi ito kay Chino kahit pa man kaibigan ko siya, pero tila ba naluwagan ito ng turnilyo ngayon.

"Pasalamat ka at naayos mo, dahil kung hindi..." Ang pabitin na sabi nito na tila ba nagbabanta pa.

Parang bigla akong kinabahan sa susunod nitong sasabihin. Napatingin talaga ako sa kanya at di ko maiwasang maningkit ng kaunti ang aking mga mata sa kanyang pagbabanta.

"dahil kung hindi ay aagawin ko siya sa'yo." Ang seryosong sabi ni Michael.

Nagulat ako sa kanyang sinabi. Hindi ko alam na ganun ang balak ng matalik kong kaibigan. Di ko tuloy naiwasang titigan siya ng seryoso at hindi din siya nagpatalo.

"Ba-bakit?" Tanong ko at di ko maiwasang mautal.

"Simple lang..." Tugon nito at saka muling tumingin kay Chino sa labas na kasalukuyang nakikipaglaro sa mga anak ni Michael at Natnat. "Si Chino ang klase ng taong mahirap hanapin." Dugtong pa nito.

"Matt, alam ko naman na pag nagmahal ka eh posible kang masaktan. Si Chino, tulad ng sabi mo ay nasaktan nang di lang isang beses. Namatayan, niloko at iniwan, pero tignan mo siya, buo pa din ang pagmamahal na binibigay niya sa'yo."

"Walang pag-aalinlangan at walang kapaguran. Oo at alam kong bumabawi ka sa mga nagawa mo kasi dapat mo lang talagang gawin yun. Kung sa akin ginawa yung mga ginawa mo, baka di ko na mapatawad ang taong yun. Pero si Chino, napakadali kang pinatawad. Ganun ka niya kamahal, Matt."

Sandali itong nanahimik at lumagok ng kanyang beer. Ilang sandali pa ay tumingin muli ito kay Chino at saka nagsalita...

"Tanga ka na talaga kung pakakawalan mo pa siya."

Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabing iyon ni Michael. Tulad ng dati ay tama lahat ng kanyang sinabi, pero hindi pa din ako makapaniwala na kaya akong taluhin ng kaibigan ko.

"Totoo ba yang banta mo kay Kuya Matt?!" Ang hindi din makapaniwalang tanong ni Natnat.

"Nagmahal na din ako ng katulad ni Chino noon, pero..." Ang di naituloy ni Mike dahil napatigil ito. Ilang sandali pa...

"naduwag lang ako."

Hindi na ako nagulat sa paglalahad ni Mike. Alam ko kung sino ang taong tinutukoy niya...si Tim.

"Kung nagawa ko lang magpakatotoo sa sarili ko noon at hindi inisip ang sasabihin ng iba, siguro ay masaya kaming nagsasama ngayon. Pero huli na ang lahat sa amin." At muling uminom si Michael ng beer.

"Bakit kuya, anong nangyari?" Tanong ni Natnat.

"Ayun, masaya na siya sa taong hindi siya kinakahiya. Matagal na nga sila. Mas matagal pa sa amin ni Amy." Pagkumpara nito sa yumaong asawa. "Para din kasing si Chino yun. Handang ibigay ang lahat sa taong minamahal niya." Dugtong pa nito.

SERENDIPITY (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon