† CHAPTER ONE †

5 1 0
                                        

Hindi ulit napigilang mapaluha ni Nancy nang makita ang kaibigang nakahiga sa loob ng isang puting kabaong. Nakatakip ang kabaong ng kaibigan nila dahil ayaw ng mga magulang niya na ipakita ang kalunos-lunos na sinapit ng anak nila.

Hindi rin napigilang ng iba pa nilang mga kaibigan na humagulhol ng iyak habang nakatitig sa kabaong ni Mayven dahil hindi nga nila inaasahan na makikita muli nila ang kaibigan sa ganoong senaryo.

Niyakap ni Harvey ang kabaong ng namayapang nobya at humagulhol din ng iyak. Hindi niya mapigilang magdalamhati ng sobra dahil gaya ng iba, hindi niya rin matanggap ang sinapit ni Mayven.

Pilit siyang pinapalayo ng iba pa nilang kaibigan sa kabaong dahil ayon sa pamahiin ng mga matatanda, masamang umiyak at matuluan ng luha ang isang kabaong dahil maaari daw magparamdam ang nasa loob nito at kunin din sila.

Hindi nagpapigil si Harvey sa pagtatangkang pag-awat sa kanya ng mga kaibigan at nananatiling nakayakap sa kabaong ng nobya.

"Wala akong pakielam sa pamahiin na 'yan! Ang gusto ko, mabuhay ang girlfriend ko!" sigaw pa niya sa mga kaibigan habang patuloy na umiiyak.

Napailing-iling si Stella at pilit pa ring inilalayo si Harvey sa kabaong ni Mayven. "Harvey, alam naming masakit ang nangyari sa kanya. Maging kami nasasaktan din, pero sana isipin mo yung kapakanan mo. Wala na si Mayven, 'yun ang totoo!"

Napailing-iling rin si Harvey. "Wala akong pakielam sa mga sinasabi niyo. Wala kayong pakielam sa ginagawa ko! Basta ayokong mawala ang girlfriend ko! Ayoko siyang mawala sa 'kin!" sigaw pa niya at lalong yumakap sa kabaong ng nobya.

Wala nang nagawa ang magkakaibigan kun'di ang hayaan na lamang ang kaibigan nilang yakapin ang kabaong ni Mayven. Maging sila kasi ay wala ring magawa para pagaanin ang loob ni Harvey dahil gaya nito, nagdadalamhati rin sila.

~


Nananatiling tahimik at walang kibo si Nancy habang nakaupo sa isang upuan katabi ng kabaong ng kaibigan. Wala ring ekspresyon ang mukha niya habang pinagmamasdan ang kabaong nito. Nakasuot sila ng puting damit upang magbigay galang sa namayapang nilang kaibigan.

Natuon ang atensyon ni Nancy sa suot ni Stella na pulang keychain. Hindi pa napigilang mapangunot ng noo ni Nancy dahil sa nakita sa kaibigan dahil alam niya ang ibig sabihin ng kulay pula sa lamay. Agad na itinago ni Stella ang keychain na suot niya nang mapansing nakatitig sa kanya ng masama ang kaibigan.

Hindi ulit napigilang mapaluha ni Nancy nang kaunti dahil mas nadagdagan ang nararamdaman niyang sakit. Tama nga siya ng kutob noong nagmamartsa pa lang sila nung graduation day nila, may masamang nangyari sa kaibigan nila.

Inabutan ng biskwit at kape si Nancy ng nanay ni Mayven at ang iba pang nakikilamay. Halata sa mukha nito ang labis-labis na pagdadalamhati dulot ng nangyari sa anak niya at alam ni Nancy na hindi rin nito matanggap ang maagang pagkawala ni Mayven.

"Salamat po," malungkot na saad ni Nancy nang tanggapin niya ang binigay nito.

Nakita ng nanay ni Mayven na paluha-luha siya kaya hinagod nito ang likod niya at niyakap siya ng mahigpit. "Kung nasaan na ang anak namin, alam naming nasa maayos lang siya," turan nito at kahit nasasaktan, ngumiti ito ng mapait sa kanya.

Sa kanilang anim na magkakaibigan, si Nancy ang pinaka naaapektuhan. Hindi man siya ang Bestfriend ni Mayven, e masasabi naman na sila ang magkakampi sa lahat ng bagay.

Dahil rin kasi sa siya lang ang bukod tanging nakaramdam ng hindi maganda sa kaibigan bago nila ito matagpuang wala nang buhay.

Naapektuhan din naman ang nobyo ni Mayven na si Harvey, maging ang mga kaibigan niya, pero mas lubhang masakit para sa kanya na nakaramdam ng masamang kutob.

Pangatlong lamay na ito ng dalaga at kinabukasan ay libing na. Hindi pa rin nila lubos na maisip na sa isang iglap lang ay mangyayari ang mga bagay na hindi nila naisip na maaari pa lang mangyayari sa kanila.

~

Umiiyak na lumabas ng bahay si Harvey kaya sinundan siya ng lima pa niyang mga kaibigan. Nanggigigil na humawak sa sintinido niya si Harvey at sa labas ng bahay, doon niya ibinuhos ang buong galit niya. Panay ang pagwawala niya kaya pinigilan na siya ng mga lalaking kaibigan nila.

"Kung hindi lang sana nangyari 'yun, hindi sana mangyayari sa kanya 'to! Hindi sana siya mawawala sa 'tin ng gan'to kaaga! Kasalanan ko 'to! Kasalanan ko 'to!" galit na sigaw ni Harvey at halata sa kanya ang panggigigil.

"Pre, aksidente lang naman yung nangyari kay Mayven. Hindi naman natin ginustong mangyari sa kanya 'yun. Wala sa 'tin yung gustong mangyari sa kanya 'yun!" pagpapakalma ni Simon sa kaibigan.

Napailing-iling si Harvey. "Kung hindi lang sana nangyari 'yun―" naputol ang sasabihin ni Harvey nang biglang sumabat si Ruth.

"Wala na tayong magagawa kun'di ang tanggapin ang nangyari kay Mayven. Wala namang may kagustuhan na mangyari sa kanya 'yun. Hindi naman natin ginusto 'to! Wala namang may kagustuhan na mamatay siya!" seryoso ngunit umiiyak na sabat ni Ruth.

Hindi na nagsalita pa si Harvey at pinagsisipa na lang ang mga batong nakikita niya. Kahit nagkakagulo sila sa labas, pinili na lang nilang bumalik sa loob at nanatili na lamang na tahimik sa buong gabing nasa lamay sila.

~

Napapitlag si Nancy nang biglang tumunog ang cellphone niya, hudyat na may nagpadala ng mensahe sa kanya.

From: Stella

Otw na kami diyan, pakiantay mo na lang kami. Di pa ba nakukuha si Mayven?

Matapos mabasa ni Nancy ang text ng kaibigan, nag-type siya para mag-reply dito.

To: Stella

Mamaya pa siya kukunin at dadalhin sa sementeryo. Punta na kayo kasi hindi ko na kaya ditong mag-isa, nalulungkot na ko T_T

Pagkatapos mai-send ni Nancy ang text ay pinatay niya na agad ang cellphone niya.

Nauna kasi siyang magpunta sa lamay ng kaibigan dahil gusto niya pang makita nang matagal ang kaibigan hanggang sa huling hantungan nito. Gusto niyang pagmasdan nang matagal ang walang buhay na katawan ni Mayven na bakas na bakas sa mukha ang lungkot at sariwa pa rin ang sugat sa mukha nito.

Pinahintulutan siya ng nanay ni Mayven na makita ang hitsura niya kahit sa huling pagkakataon.
Hindi nila alam kung bakit nagawang kitilin ng kaibigan nila ang sariling buhay nito. Alam na alam kasi nilang napakarami pa nitong pangarap para sa sarili niya at para sa mga taong nakapaligid sa kanya kaya hindi nila malaman kung bakit 'yon nagawa ng kaibigan nila.

Naisip na lang ni Nancy na baka may problemang pinagdadaanan ang kaibigan ngunit hindi lang ito nagsasabi sa kanila at sinasarili niya lang. Hindi mapigilang mapaluha ni Nancy sa isiping iyon.

Kinuha niya ang cellphone niya at in-open ang gallery. Tiningnan niya ang mga picture nilang kasama si Mayven na malusog at buhay na buhay. Mayven na malakas, masiyahin at matapang. Hindi lubos akalain ni Nancy na sa loob ng apat na taon nilang pagiging magkakaibigan, ay mawawala na lamang nang ganun-ganun ang kaibigan nila.

Itinago na niya ang cellphone niya at pinagmasdan na lamang ang walang buhay na katawan ni Mayven na payapang nakahiga sa loob ng ataul. Lumapit si Nancy sa kabaong ni Mayven at malungkot na pinagmasdan ang nakangiting larawan ng kaibigan na nakapatong sa ibabaw nito. Yung Mayven na masayang kasama at yung Mayven na matalino. Kinuha ni Nancy ang larawan ni Mayven at kinausap ito sa kanyang isipan.


"Mayven... a-akala ko ba sabay tayong aakyat sa stage para sabitan ng medals? B-ba't mo naman ako iniwan. Akala ko naman iiyak ako dahil successful ka na, 'yun pala iiyak ako dahil wala ka na. Ang sakit-sakit lang, Mayven... sobrang sakit na wala ka na," umiiyak na saad sa isipan ni Nancy at niyakap ang picture frame ni Mayven.

I CAN'T FORGET YOU (REVISED VERSION 2025)Where stories live. Discover now