Chapter 38

2.7K 170 11
                                        


"Primrose, umayos ka ha... susukatan ka niya para sa mga dresses mo sa birthday mo." seryosong sabi nong matandang katulong kay Primrose. Nakapasok na ako sa kwarto niya at nakatayo lang siya sa harap ko, titig na titig sakin na parang sinusuri ako.

"Hijo, ikaw na bahala diyan, may mga kailangan pa akong asikasuhin sa baba." nakangiting sabi sakin nong matanda, tumango lang ako at kita kong lumabas na rin naman siya sa pinto.

Huminga ako ng malalim at luminga-linga sa paligid para kumuha ng upuan, agad akong naupo doon at nilabas ang mga gamit ko.

Nang makita kong akmang hahawakan na ni Primrose ang mask na suot ko ay agad kong hinuli ang kamay niya, napasinghap pa siya sa gulat, nag angat ako ng tingin sa kanya at kita kong nakagat niya lang ang ibabang labi niya. Binitawan ko naman siya agad, medyo pa tulak pa iyon dahilan para mapaatras siya ng kaunti.

"Bakit may suot kang ganyan?" rinig kong tanong niya pa, natigilan naman ako nang marinig ko ang boses niya. Sobrang liit at sobrang hinhin.

"Kasi kailangan." mataray na sabi ko, inirapan ko pa siya at binalik na ulit ang tingin sa mga papel na dala ko. Nang maayos ko na iyon ay inabot ko sa kanya. Nakatitig lang siya sakin at dahan-dahang tinanggap iyon.

"Choose the designs you liked for your gown and dresses." sabi ko lang sa kanya.

Ngumiti naman siya sakin at mabilis na tumango, nagulat pa ako sa ngiti niya. Lagi ko na siyang nakikita sa labas mula sa bintana, pero ngayon ko lang siya nakikita sa malapitan. Maikli ang buhok niya, hindi man lang ito umabot sa balikat niya. Sobrang lambot tignan nun kaya kahit kaunting galaw niya lang ay lilipad na.

Agad niyang nilapag sa kama niya ang mga sketches ko. Dalawang gowns at tatlong dresses ang kailangan naming gawin at next month na agad ang birthday niya.

"Ang gaganda lahat! Hindi ako makapili... sa tingin mo, alin ang bagay sakin?" nakangiting tanong nanaman niya, lumingon pa siya sakin.

Tumayo naman ako para lapitan iyon at tignan ng mabuti. Lahat naman talaga 'yon ay maganda, syempre, ako ang gumawa. Lahat din iyon ay bagay sa kanya.

"Ito." turo ko sa pinaka simpleng gown.

Sinadya kong piliin iyong mga wala masyadong ditalye, para kung iyon ang ipapagawa niya ay mabilis lang matapos. Tinuro ko pa ang iilan sa mga simpleng dress. Masaya naman siyang tumango na parang pumayag nang iyon na nga ang ipapagawa niya.

"Sige! Yan nalang!" masayang sabi niya. Tumango nalang din ako at tinago na ulit ang mga papel. Ang bilis niya naman palang kausap.

Naupo na ako ulit sa upuan ko kanina, kinuha ko na rin ang tape measure. Agad ko siyang tinawag palapit sa akin kaya tumayo rin siya agad sa harap ko. Pansin kong nakatingin lang siya sa mukha ko kaya hindi na ako nag angat ng tingin sa kanya, nag umpisa nalang akong sukatan siya.

"Anong pangalan mo?" tanong niya sakin. Sumulyap ako sa kanya at titig na titig nga siya sakin.

"Wala akong pangalan." sabi ko nalang na agad ikinabusangot niya. Binalik ko nalang ang atensyon sa pag sukat sa kanya.

"Maganda ba sa labas?" tanong nanaman niya sakin, tumango lang ako. "Gaano ka ganda?" tanong niya pa. Tumigil ako at seryoso siyang tinignan. Nakatitig lang din sya sakin.

"Sobrang ganda." madiin na sabi ko, pa-irap ko pang iniwas sa kanya ang tingin ko at muling nag patuloy sa ginagawa. Pansin ko namang lumingon siya sa may bintana.

"Don't move." agad na sabi ko dahil ang likot niya. Sumulyap pa ako sa kanya at kita kong nakatingin na siya ngayon sa labas ng bintana, napalingon din tuloy ako doon at kita kong maraming mga ibon na nag liliparan.

"Bakit nga pala lagi kang umaakyat sa bintana para hulihin ang mga ibon?" nagulat pa ako nang bigla iyong lumabas sa bibig ko. Mapait naman siyang ngumiti nang hindi parin inaalis ang tingin sa labas ng bintana.

"Kasi gusto kong sumama sa kanila." umpisa niya. Napaayos naman ako ng upo. Seryoso lang akong nakatingin sa kanya. Kita ko pang nag buntong hininga siya at bumusangot.

"Naiinggit ako dahil kaya nilang lumipad, iniisip ko na kung makakalipad din ako... siguro nakalabas na ako sa mansion." bumagsak pa ang balikat niya.

"Hindi pa ako nakakalabas... lagi kong naririnig sa mga katulong na sobrang ganda ng buong Isla Primavera, pero hindi ko man lang makikita." dagdag niya pa.

Lumingon siya sakin kaya nag tama nanaman ang mga mata namin, yumuko nalang ulit ako at nag patuloy na sa ginagawa, sinusulat ko na sa notebook ang mga sukat niya.

"Pwede mo ba akong ilabas dito?"

Naputol pa ang dulo ng lapis nang madiin ko ang hawak ko nun dahil sa sinabi niya. Gulat akong nag angat ng tingin sa kanya at kita kong seryoso lang ang mukha niyang nakatingin sa akin. Napalunok nalang ako ng laway.

"Baka mauna pa akong mamatay kesa ang mailabas ka rito." natatawa kong sabi. Mas lalo lang humaba ang nguso niya. Tumayo na rin ako at inayos ang mga gamit ko dahil tapos ko naman na siyang sukatan.

Nagulat pa ako nang bigla niyang kalabitin ang suot ko. Kunot noo ko siyang nilingon.

"Pwede bang humingi ng pabor?" nahihiya niyang tanong, mabilis kong niligpit ang mga gamit ko at taas kilay siyang tinignan, binawi ko pa ang suot kong hinihila niya parin, binitawan niya naman iyon.

"Close ba tayo?" mataray na tanong ko sa kanya, ngayon nga lang kami nag kita tapos hihingi siya ng pabor sakin. Kita ko namang nakagat niya ang ibabang labi niya para pigilan ang matawa.

"Hindi... pero marunong kang mag drawing, pwede bang... iguhit mo ang itsura ng Isla Primavera? Iyong magagandang parte lang, sabi nila marami raw bulaklak sa labas, may dagat... gusto kong makita iyon." mas lalo lang tumaas ang kilay ko sa sinabi niya.

"Iguguhit ko ang magagandang parte ng Isla Primavera? Parang sinabi mo na rin na iguhit ko ang buong Isla." umangat pa ang gilid ng labi ko pero hindi niya naman iyon nakikita dahil naka mask nga ako.

"Please... I will invite you sa birthday ko, iyon na ang gift mo sakin." sabi nanaman niya, akmang hahawakan nanaman niya ako pero agad kong iniwas ang kamay ko. Hindi ako umimik at kinuha lang ang mga gamit ko.

"Hyacinth..." pareho kaming napalingon sa pinto nang biglang may pumasok na isang babae na base sa itsura at suot niya ay isa iyon sa asawa ni Vincenzo.

Nanlaki pa ang mga mata niya nang makita ako, siguro hindi niya inaasahan na may ibang tao pala sa kwarto ni... kumunot ang noo ko nang maalala ang sinabi niya. Tinawag niyang Hyacinth imbis na Primrose.

"Mama Marcella!" niyakap pa siya agad ni Primrose. Hindi naman naalis sa akin ang mga mata nong babae, gulat parin at nag tataka.

So siya si Marcella? Nalaman ko rin kay Papa Alonzo na ang totoong ina nga ng Primrose na nandito sa mansion ay itong pangalawang asawa ni Vincenzo na si Marcella. Ibig sabihin... Hyacinth ang totoong pangalan ng anak ni Papa Alonzo? Hyacinth ang pangalan ng pekeng Primrose.

"Ako ang dressmaker niya." sabi ko nalang at nag lakad na palabas ng pinto. Kita kong dahan-dahan naman siyang tumango at pinasadahan ako ng tingin. Lumabas na ako agad.

Habang pababa ako ng hagdan ay hindi maalis sa utak ko ang pangalang Hyacinth. Deretso lang akong nag tungo palabas ng main door, kinapkapan pa ako ulit ng mga guards at nang tuluyan na nga akong makalabas ay kita kong nag hintay nga doon si Lucia.

"Kumusta? Anong itsura nong pamangkin ko?" nakangisi niyang bulong sakin, nag lalakad na kami paalis.

"Pangit." agad na sagot ko.

The Escape In Your Embrace (Isla Primavera Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon