CHAPTER 8

7.6K 541 236
                                        


-



Nagising ako na para bang hinugot mula sa malalim na pagkakalunod—habol-habol ang hininga, malamig ang pawis, at mabilis ang tibok ng puso ko. Napalinga ako sa paligid. Hindi ko alam kung nasaan ako. Isang estrangherong lugar, maliwanag pero hindi pamilyar, at walang kahit sinong nakikita.



Napayuko ako nang mapansin ang sarili kong ayos—nakasuot ako ng pulang bestida, nakatakong, may makapal na make-up, at higit sa lahat, may nakakabit na nameplate sa dibdib ko. Hindi ko maalala kung kailan ako nagbihis ng ganito. Dahan-dahan akong sumandal sa malamig na pader. Pinikit ko ang mga mata at marahang inuuntog ang ulo ng paulit-ulit para gisingin ang sarili o baka sakaling magising ako sa bangungot na ‘to.



Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng luha. Habang dumadaloy ito sa pisngi ko, unti-unting bumalik ang mga alaala. Ang huli kong hininga. Ang pagkamatay ko. Ang huling taong nakita ko, si Priscilla. Ang sakit... ang sobrang sakit. Hindi ko man lang nasabi sa kanya kung gaano ko siya pinahalagahan. Hindi dahil mayaman siya. Hindi dahil sa kung anong meron siya. Kundi dahil sa kabutihan niya at simpleng tao. Yung mga bagay na ginawa niya para sa akin, na hindi niya kailanman ipinagyabang.



Hindi ko alam kung makakatulog pa ako sa mga susunod na gabi. Sa totoo lang, ngayon palang ay para na akong binabangungot sa katotohanang ‘yun—ang sakit, ang takot, at ang bigat ng alaala ay paulit-ulit na sumisiksik sa dibdib ko na parang ayaw akong tantanan.



Ang pait. Sobrang gulo at masalimuot ng buhay ko. Kung tutuusin, wala naman akong ginawang masama. Lahat ng ginagawa ko, para lang mabuhay, para lang magmahal, para lang makaramdam ng konting ligaya. Pero bakit ganito ang kapalit? Hindi ko na alam kung ilang beses ako kailangan mamatay. Pero alam kong ayoko nang mamatay muli. Naramdaman ko ang panginginig ng katawan ko, hindi dahil sa lamig kundi dahil sa takot at pangamba. Lahat ng sakit ay sariwang-sariwa pa rin sa katawan ko, sa puso ko, sa kaluluwa ko. Para bang hindi ito isang panibagong buhay, kundi isang panibagong yugto ng pagdurusa.



“Bakit ako? Bakit ganito?” Bulong ko sa sarili, halos wala nang boses.



Napapikit ako nang mariin, pilit pinipigil ang luha, pero patuloy pa rin itong bumabagsak. Para bang bawat patak ay isa sa libong tanong na wala akong kasagutan. Ilang saglit pa, narinig ko ang mahinang tunog ng pinto na bumukas. Pagtingin ko sa direksyon ng tunog ay pumasok ang isang babaeng halos kasing-edad ko. Naka-bodycon dress siya, naka-makeup at naka-heels din. May dala siyang maliit na purse at litaw ang pagka-professional sa bawat galaw niya.



“Uy, girl. Okay ka lang ba? Ako nga pala si Kara,” tanong niya at lumalapit, sabay upo sa tabi ko. “Kanina ka pa wala sa sarili. Pinapahanap ka na ng mamasan.”



Huminga ako nang malalim, pinilit ngumiti kahit nahahalata kong namumugto ang mga mata ko. “Sorry, bigla lang akong na-overwhelm”



Nagkibit-balikat siya at bahagyang ngumiti. “First week mo pa lang, normal lang yan. Lahat tayo dumaan diyan. Pero kailangan mong masanay. Walang espasyo para sa drama sa ganitong klaseng mundo. Isa lang ang kalaban mo dito… sarili mo.”



Tahimik lang ako. Gusto kong magsalita, pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Gusto kong sabihin sa kanya na ilang beses na akong namatay, na ito ay isa na namang bagong simula sa isang katawan at katauhan na paulit-ulit namamatay. Gusto kong isigaw na pagod na ako, pero ang totoo, wala na rin akong lakas.



“Alam mo,” patuloy niya, “sa trabaho natin, marami kang makikilala—may mabait, may manyak, may abusado, may mapagpanggap. Pero sa huli, ikaw lang makakaalam kung paano ka mananatiling buo. Kaya kung may pinagdadaanan ka, ilabas mo ngayon. Kasi pag lumabas na tayo d'yan…” sabay turo niya sa pinto, “…ibang katauhan na naman ang kailangan mong isuot.”



ᴘᴏʟʏᴀᴍᴏʀʏ (𝚂𝚂) : 𝚃𝙷𝚁𝙴𝙴 ᴡɪᴠᴇꜱ | 𝙱𝙴𝙰 𝚆𝙸𝙽𝚃𝙴𝚁𝚂𝙾𝙽Where stories live. Discover now