-“Kulang na lang, mamatay si Eunice sa sobrang sama ng tingin mo. Kanino ka ba nagseselos? Kay Priscilla o kay Eunice?”
Mabilis akong napatingin kay Rhea, pero agad din akong napa-atras nang makita kong sobrang lapit na ng mukha niya sa akin, may kasama pang malawak na ngiti sa kanyang labi.
Nandito ako sa may garden kasama ang mga panday, tumutulong sa paggawa ng treehouse—utos ni Priscilla para sa kanyang kapatid. Pero habang abala ako sa trabaho, hindi ko maiwasang mapansin sina Eunice at Priscilla na masayang nag-uusap. Simula nang dumating si Eunice sa bahay na ito, halos hindi ko na makausap si Priscilla. Pakiramdam ko, sinasadya niyang ilayo sa akin ang babae.
“Wala ka bang trabaho at nandito ka ngayon?” Tanong ko kay Rhea at sinusubukang ibaling ang atensyon sa iba. Mabuti na lang at pinapayagan silang dumalaw dito, kilala naman sila ni Priscilla.
“Wala. Boring din sa boarding house, at isa pa, buong araw ang klase ng bebe ko kaya wala rin kaming bebetime.” Napataas agad ang kilay ko at bahagyang inilayo ang mukha sa kanya.
“CRINGE.” Diin kong sabi, sabay ikot ng mga mata.
“Grabe ka naman, nagmamahal lang ako.” Napasimangot si Rhea at umupo sa isang bakanteng upuan malapit sa akin. “Ikaw kaya, anong plano mo kay Priscilla? Aamin ka na ba o magpapaka-torpe ka pa rin habang buhay?”
Napahinto ako sa ginagawa at tiningnan siya nang masama. “Wala kang pakialam.”
“Oh? Defensive?” Pang-aasar niya sabay irap. “Halata naman kasi. Halos sunugin mo na si Eunice sa titig, tapos parang mababali na ang leeg mo sa kakatitig kay Priscilla. Aminin mo na kasi, selos ka!”
Hindi ako sumagot. Sa halip ay bumuntong hininga ako at ipinagpatuloy ang trabaho. Totoo naman, nakakainis lang aminin. Simula nang dumating si Eunice, parang wala nang oras si Priscilla para sa akin. Lagi silang magkasama, laging nagbubulungan at nagtatawanan. Ano ba ang meron kay Eunice na wala ako?
Biglang lumapit si Rhea at tinapik ang balikat ko. “Uy, seryoso na ‘to. Kung gusto mo si Priscilla, gawin mo na ang first move. Huwag kang maghintay na maunahan ka.”
“At bakit naman?” Tanong ko kahit alam kong may punto siya.
Ngumisi siya at sinenyasan akong lumingon sa direksyon nina Priscilla at Eunice. Sakto, nakita kong hinawakan ni Eunice ang kamay ni Priscilla habang nagtatawanan sila. Parang biglang nanikip ang dibdib ko.
“Dahil kung hindi ka gagalaw ngayon, baka isang araw magising ka na lang, huli na ang lahat.” Dagdag ni Rhea sa seryoso na tono.
Napakuyom ang kamao ko. Tama siya. Pero ang tanong… magiging ligtas ba ako?
“As if papatulan siya ni Priscilla? Mabait siyang babae at mahal na mahal niya si Valentin.” Sabi ko, pero bigla kong naisip na asawa nga rin pala nila si Eunice— potangena.
Napabuntong-hininga ako at muling ibinalik ang atensyon sa ginagawa kong treehouse. Kahit anong pilit kong isantabi ang sinabi ni Rhea, hindi ko maalis sa isip ko ang imahe nina Priscilla at Eunice… ang tawa ni Priscilla, ang paraan ng paghawak ni Eunice sa kamay niya.
“Hoy, bakit biglang bumigat ang pagpukpok mo diyan? Baka masira mo yan bago pa matapos.” Puna ni Rhea habang natatawa.
“Wala kang pakialam.” Sagot ko, pero alam kong nababasa na niya ang iniisip ko.
