-“Bea! Late na tayo sa trabaho! Uy!” Sigaw ni Rhea nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto.
“Pastilan, bumili ka ng computer? Akala ko ba nag-iipon ka? Uy, may trabah—”
“I quit, hindi na ako papasok sa club.” Putol ko sa kanya.
Bumili ako ng second-hand computer set kanina sa halagang 15K, at bumalik na ako sa pagiging streamer. Wala na akong ibang choice—yun lang ang kaya ng budget ko, pero ayos naman. Nalalaro ko pa rin ng maayos ang mga laro ko. Pinili kong tumigil sa club dahil ayaw ko nang makita si Valentin. Well, more like iniiwasan ko na siyang magkalapit kami, kasi hindi ko na kayang mamatay ulit. Alam kong nangako ako kay Rhea na magsasama kami sa hirap at ginhawa, pero iba na kasi ang usapan kapag buhay ko na ang nakataya.
Napakurap si Rhea, tila hindi agad makapaniwala sa sinabi ko. “Wait, anong sinabi mo?” Lumapit siya sa akin at naupo sa gilid ng kama, nakakunot ang noo habang tinitingnan ako.
“I quit,” ulit ko, mas matigas na ngayon ang tono.
Napatakip siya ng bibig, mukhang hindi alam kung maiinis ba o hindi. “Bea, ano ka ba? Paano ang renta mo? Ang kuryente? Ang tubig? Wala ka pang sahod sa streaming, paano ka mabubuhay?”
Tumayo ako at inabot ang headset na nasa lamesa. “Kaya ko ‘to, Rhea. Balik na ako sa dati kong ginagawa. Mas safe ‘to.”
“Safe?” Inulit niya, halatang hindi maintindihan ang punto ko. “Ano bang nangyayari sayo? Hindi ka naman ganito dati? Bakit bigla kang nagbago?” Naguguluhan niyang tanong.
Napahinto ako. Hindi ko pwedeng sabihin sa kanya ang totoo—na nagbalik ako sa nakaraan at alam ko na ang kahihinatnan ko kapag nagpatuloy ako sa dati kong landas. Na kung manatili ako sa club, may mangyayaring masama sa akin.
“Wala, pagod lang siguro ako,” sagot ko na lang, pilit na nginitian siya. “Gusto ko lang subukan ulit ‘to. Malay mo, sumikat ako bilang streamer, diba?” Sabi ko at mahinang tumawa.
Pero hindi siya natawa. Sumandal siya sa kama at tinitigan ako nang matagal. “Bea, kung may problema ka, sabihin mo sa akin. Alam mong hindi kita iiwan, diba?” Napatingin ako sa kanya.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng init sa dibdib ko. Sa nakaraang buhay ko, hindi ko masyadong pinansin ang mga taong nagmamalasakit sa akin. Ngayon, gusto kong baguhin ‘yun.
Ngumiti ako, mas totoo na ngayon. “Salamat, Rhea.”
Bumuntong hininga siya. “Tsk. Bahala ka nga. Pero tandaan mo, kung magutom tayo, ikaw ang uutang sa tindahan, ha?” Mahina akong natawa. Kung sa past life ko dinala ko sila kay Olivia at nagkaroon kami ng sandamakmak na supplies, this time ay hindi ko na pinakialaman ang buhay nila.
“Deal.” Sagot ko sa kanya.
Habang pinagmamasdan ko siya, hindi ko maiwasang maisip kung paano ko mapoprotektahan hindi lang ang sarili ko, kundi pati na rin ang mga mahal ko sa buhay nang hindi masisira ang future nila.
“Ano palang laro yan?” Tanong niya at sinilip ang aking character. “DeathZero?” Sambit niya at kumunot ang noo. “Bakit naman ganyan ang pangalan mo?” Tanong niya.
“Wala lang, wala akong maisip eh.” Sagot ko. “Umalis ka na at baka tuluyan kang ma-late.” Sabi ko sa kanya.
“Pambihira, oh sige, enjoy the game.” Sagot niya at umalis din kaagad.
Lumipas ang ilang araw, at sinubukan kong sanayin ulit ang sarili sa pag-stream. Hindi ito kasingdali tulad ng pag stream ko sa mga caf. Mabagal ang internet namin at minsan nagka-crash ang laro ko. Pero kahit na gano’n ay mas pinili ko pa rin ‘to kaysa bumalik sa club.
