-“Miss, hey?” May marahang tapik sa aking kamay, dahilan upang magising ako mula sa malalim kong pag-iisip… o mas tama sigurong sabihin, nagising akong muli sa ibang panahon.
Mabilis akong napatingin sa paligid. Pamilyar ang engrandeng event hall, ang mga ilaw na kumikislap sa kisame, at ang masayang tawanan ng mga bisita na nakasuot ng magagarang kasuotan. Ngunit higit sa lahat, pamilyar ang mga mukha. Napasinghap ako nang mapansin si Eunice na papalapit, may dalang alak at may balak ibigay sa babaeng kaharap ko.
Muling nanlamig ang kamay ko, alam ko ang mangyayari kung hahayaan ko siyang gawin ang gusto niya. Hindi ko na maaaring ulitin ang parehong pagkakamali.
“Rhea,” mahina ngunit madiin kong tawag.
Napatingin siya sa akin, halatang nagtataka. “Bakit?”
Lumingon ako kay Eunice, palapit na siya, kasabay ng mapang-uyam niyang ngiti.
“Papalapit si Eunice,” bulong ko, lalong hinigpitan ang hawak sa kanyang kamay. “Huwag mo siyang hayaang makalapit. Dalhin mo sa malayo.”
Alam kong maguguluhan siya sa sinabi ko, pero wala akong oras ipaliwanag. Hindi ito nangyari noon—pero ngayon, susubukan kong baguhin ang tadhana.
Hindi na nagtanong si Rhea. Matalim niyang tinapunan ng tingin si Eunice bago tumango sa akin. “Okay, ako ang bahala.”
Kaagad siyang lumabas sa counter bar at sinalubong si Eunice, hinarangan ang daraanan nito bago pa man makalapit sa babaeng kaharap ko. Habang pinapanood ko sila, hindi ko mapigilan ang kaba.
Napagtanto kong nandito ako sa parehong gabi—ang pagtitipon ng mga artista, isang araw bago maaksidente si Eunice at mabulag si Priscilla. Bumalik ako sa panahong ito, at sisiguraduhin kong walang trahedyang mangyayari.
Mabilis kong inabot ang inumin kay Valentin. “Your drink’s here,” sabi ko nang may ngiti.
Nag-angat siya ng tingin sa akin, kita sa kanyang mata ang bahagyang pag-aalinlangan bago niya tinanggap ang baso. “I'm not really good at drinking,” aniya sabay ngisi. “I might get a little wild.” Natigilan ako. May halong kaba at pagtataka ang naramdaman ko sa paraan ng pagkakatingin niya sa akin—mapanukso, may bahid ng kalandian.
Bahagya akong ngumiti. “I beg to differ,” sagot ko, sinikap panatilihin ang kalmado kong tono. “Well, I think when you’re drunk, you get even more stunning—”
Hindi ko na natapos ang sasabihin dahil sa mabilis niyang paglagok ng alak. Napataas ang kilay ko sa gulat. Naubos niya agad ang laman ng baso sa isang tungga.
Napangiti ako, pero sa loob-loob ko, mas lalo akong naging alerto. Hindi ko alam kung paano pa magbabago ang takbo ng gabing ito—pero isang bagay ang sigurado… hindi ko hahayaang maulit ang nangyari.
Naglakbay ang tingin ko sa paligid, hinahanap si Eunice. Hindi ko siya pwedeng hayaang makalapit kay Valentin, kailangan kong baguhin ang takbo ng gabing ito. Nakita ko siyang nakatayo sa may distansya, hawak pa rin ang alak na dapat ay ibibigay kay Valentin. Kita sa mukha niya ang bahagyang inis nang makita akong nauna sa kanya. Hindi ako sigurado kung masama ang intensyon niya, pero hindi ako pwedeng magpaka-kampante.
Muli akong tumingin kay Valentin, na ngayon ay nakangiti sa akin habang hinihimas ang leeg. “Wow,” natawa siya ng bahagya. “That was stronger than I expected.”
