Chapter 30
Nagmulat ako at ang maganda niyang mukha ang bumungad sa akin. Nakatingin lang siya sa akin na para bang minememorya niya ang bawat parte ng mukha ko.
"Good morning," she greeted me, kissing my forehead. "I'm sorry you didn't sleep well."
"Good morning," tugon ko at napangiti. "Nakatulog ako nang maayos."
Bumangon siya at inalalayan ako. Hinaklit niya ang beywang ko saka ako iniupo sa lap niya.
"I want to stay like this all day, but we need to go to school."
"Huwag na tayong pumasok," sabi ko, itinuon ang baba ko sa balikat niya, medyo inaantok pa.
Marahan niya akong itinulak. Tumayo na siya, sinama ako palabas ng bar. May mga nakahanda ng pagkain sa dining area.
"Good morning po," bati ni Ate Jana habang nagsasalin ng orange juice sa baso sa hapag.
"Good morning po," halos sabay namin sabi ni Rain.
Walang ginawa si Rain kundi asikasuhin ako habang nag-aagahan. Pagdating sa school ay inihatid niya pa ako sa klase.
"It seems like the rumor is true. They're actually dating now."
Lumingon kami sa dalawang babae na nasa labas ng katabing room kung saan ang first class ko. Nakangiting sumulyap sa amin ang isa sa kanila bago sila pumasok ng classroom. Nang lingunin ko si Rain ay titig na titig siya sa mukha ko.
Hinalikan niya ang kamay ko bago ako bitiwan. Tumingin ako sa paligid, mabuti na lang ay walang ibang tao dahil pakiramdam ko ay sobrang namula ang mukha ko.
Buong araw ay uwian lang ang hinintay ko dahil gusto ko na ulit siyang makasama. Kaya nang mag-alas nueve ay agad akong lumabas ng office.
Naghihintay siya sa bench na agad tumayo pagkakita sa akin.
"Did you have dinner?" she asked and then held my hand.
Umiling ako. Biglang kumidlat kaya napapitlag ako. Tumingin ako sa langit, mukhang uulan na naman.
Sumakay kami sa kotse at isinuot niya sa akin ang seatbelt.
"Let's find somewhere to eat then," she said.
Nakaalis na kami sa school nang tumunog ang phone ko. Sinagot ko ang tawag ni Kuya Habagat.
"Kuya?"
"Nasaan ka? Uuwi ka ba?"
Napatingin ako kay Rain na sumulyap din sa akin.
"Hindi ako uuwi."
Dinig ko ang pagbuntonghininga niya sa kabilang linya. "Si Mama kasi mataas ang lagnat. Ayaw naman padala sa hospital."
Kumunot ang noo ko. "Bakit biglang nilagnat?"
"Nag-inom kagabi tapos nagpaulan. Akala niya yata teenager siya. Nagsumayaw pa sa may labas."
"Tigas ng ulo," komento ko. "I-text na lang kita."
Pagbaba ng tawag ay humarap ako kay Rain.
"May sakit si Mama."
"Do you need to go home?"
Tumango ako. "Ayaw kasi padala sa hospital."
Hindi na kami nakakain ng dinner sa labas. Akala ko ay ihahatid lang niya ako pero sumama pa siya sa akin sa loob dala ang medicine kit na kinuha niya pa sa sasakyan.
Binati kami ni Kuya na nakasalubong namin palabas ng room nila Mama.
Tulog ang mahusay kong ina na mukhang katatapos lang mag-dinner dahil na rin sa dalang mangkok ni Kuya galing dito. Idinampi ko ang kamay sa noo niya at napapikit ako dahil sobrang init nga niya.
