CHAPTER TWO
"HI, DAVE! Ano ang ginagawa mo rito?" Gulat niyang tanong na nagpahinto sa pagbubukas niya ng sariling sasakyan.
"Gusto kitang makausap, Katrin," wika ng binata sa galit na tono. Hinawakan sa kamay ang dalaga at hinila papasok sa loob ng sariling kotse nito.
"H-hey!"
Isinara ni Dave ang pinto at umikot sa driver's seat at pumasok. "Hindi ako makapaniwalang pinabayaran mo kay Marc ang pagiging magkaibigan natin!"
"Oh!" Napapikit ang dalaga, Hindi niya gustong madamay pati si Dave sa mga ginagawa niya. Totoong kaibigan ang turing ng binata sa kanya pero ipinagkamali iyon ni Marc na magkasintahan sila. At si Dave, sa rebelyon sa kapatid ay hindi nilinaw ang talagang relasyon. Kung sabagay, kahit na ano pa marahil ang ikatwiran ni Dave kay Marc ay hindi maniniwala ang huli. Hindi ang uri ni Marc ang maniniwalang maaaring maging malapit ang lalaki sa isang babae sa isang platonic relationship.
"Ano ang gusto mong gawin ko, Dave? Umiyak o di kaya ay sampalin ang kapatid mo tulad ng napapanood mo sa sine at nababasa sa libro para sa mga ganoong uri ng insulto?"
"But you didn't have to..."
"Didn't have to what? Hindi ko dapat tinanggap ang tseke, ganoon ba? Well, I did not! Iniwan niya ang tseke sa mesa ko." Hindi sumagot ang binata na pinukpok ng kamay ang manibela. "Iniisip mo bang pupunitin ko sa harap ng kapatid mo ang tseke o di kaya ay sabihing hindi ako nagpapabayad? Hindi ba at gasgas na ang ganoong paraan, Dave? At magiging napaka-trite nang anumang sasabihin ko o ng sasabihin namin sa isa't isa? Isa pa, nasa isip na ni Marc na ganoong uri ako ng babae, why disappoint him?"
Matagal bago sumagot si Dave. At nang sumagot ay sarkastikong ngumiti.
"Why, indeed? Anyway, he's rich. Bale-wala ang isang milyon. Kung gumasta nga iyon sa mga babae niya'y ganoon na lang. Well, go ahead, Katrin, spend the money he gave you. Tuldok lang iyon sa pera ni Marc Alcaraz. Ang ikinagagalit ko lang ay iyong kaalamang pati ikaw ay nabili na rin niya mula sa akin," hindi nito ikinaila ang pagdaramdam sa tinig.
"Oh, Dave..." halos madurog ang puso niya sa narinig. Paano niya sasabihin sa binata ang katotohanan?
Paano niya sasabihin ditong ginamit niyang tuntungan si Dave upang mapansin siya ni Marc Alcaraz. Paano niya sasabihin ditong sadyang inilapit niya ang sarili kay Dave nang malaman niyang kapatid nito si Marc Alcaraz. Isang party ang dinaluhan niya and they were introduced by a common friend.
"Hindi ko sinabi kay Marc na bayaran ako, Dave. Sinagot ko lang ang sinabi niya and dared him if he was willing to pay me a million. He assumed I was asking him that much."
Nangiti si Dave sa puntong iyon. "Knowing my brother, natiyak kong na-shock mo siya sa ginawa mo," nilingon ang dalaga at hinawakan sa mga palad. "Kaibigan pa ba kita, Kat?"
"Of course, I still am your friend, Dave." Ngayon pa ba naman niya pakakawalan si Dave gayong umaayon ang lahat sa mga plano niya?
"And what are you going to do with the money he gave you?"
Nagkibit ng mga balikat si Katrin. "Ipi-frame ko. Imagine kung gaano kadaling maging milyonarya!" Sinabayan niya iyon ng tawang malakas. "Hayaan mong magpuyos sa galit ang kapatid mo, Dave."
"Natutuwa ako at hindi ka napadala kay Marc, Kat," ngumisi si Dave. "I'll show him that he can't manipulate me."
May naalala si Katrin sa mga sinabi ni Marc at tinitigan ng matagal si Dave bago nagsalita. "Bakit ganoon na lang ang galit ni Marc na malamang may relasyon tayo, Dave? Ano ang ibig niyang sabihing hindi ako ang uri ng babaeng gusto niya para sa iyo?"
Matagal bago sumagot si Dave. Tumingin sa labas ng pinto at saka nagsalita. "Ang alam ni Marc ay girlfriend kita, Kat. I made him believe that."
"Sinabi mo na sa akin iyan. Ang ipinagtataka ko ay ang galit niya. Hindi ako nagyayabang pero hindi ko mapaniwalaang ang isang tulad ko ay pag-iisipan ni Marc na hindi bagay sa iyo. Of course, you're rich pero..."
"May—girlfriend ako, Kat..."
Nagsalubong ang mga kilay ni Katrin. "So?"
"He wouldn't have approved of Libby. Mahirap lang sila at hindi mabuti ang pamilya..." tumikhim ang binata.
"Do you want me to believe na matapobre ang pamilya Alcaraz, Dave?" paismid na tanong niya. Hindi sumagi sa isip niya iyon. Ibang kasamaan ang alam niyang siyang bahagi ng pagkatao ni Marc.
Umiling si Dave. "Hindi sa ganoon. Isa sa malaking dahilan kung bakit nagalit si Marc ay dahil binigyan ko si Libby ng alahas. Malaki ang halaga." Nanlaki ang mga mata ni Katrin sa halagang sinabi ni Dave. Nagkibit ng mga balikat ang binata. "Hindi ko naman alam na ganoon kalaki ang halaga noon malibang ipinakita sa akin ng sales lady ang resibo ng American Express card ko. Actually, isang engagement ring lang na katamtaman ang halaga ang bibilhin ko para sa kanya but she chosed the bracelet at hindi ko natanggihan."
"At inakala ni Marc na sa akin mo ibinigay ang bracelet ha iyon!" hindi makapaniwalang bulalas niya.
Nahihiyang tumango si Dave. "I'm sorry, Katrin, pero natitiyak kong magkaka-world war 3 kapag nalaman ni Marc kung kanino napunta ang alahas na iyon."
"At ano pa ba sa akala mo ang nangyayari sa ginawa mo? And Dave, may palagay akong may dahilang magalit si Marc sa pakikipag-girlfriend mo. Hindi dapat tumanggap ang isang babae nang ganoong uri ng halaga mula sa lalaki. And worst, ang girlfriend mo pa mismo ang pumili!"
"Now, you sound like Marc. Please, Katrin. Just don't tell Marc about Libby. At hayaan mong maniwala ang kapatid kong ikaw ang babaeng kinalolokohan ko."
Umikot ang mga mata ng dalaga. "Dave, your brother believed na nasa akin ang mga alahas na iyon. At natitiyak kong muli at muli kaming magkikita ni Marc dahil hindi naman kita maaawat na ipagpatuloy ang pagkukunwaring ako ang girlfriend mo."
"You are smart and witty and I know you can handle my arrogant and bossy big brother," kumpiyansang wika nito. "At ako ang bahala sa sarili ko."
"Bakit mo ginagawa ito, Dave? Surely, kung talagang mahal mo ang babaeng ito ay ipaglalaban mo siya sa kapatid mo anuman ang mangyari." Hindi na idinagdag ng dalaga na natitiyak niyang hindi ang klase ng girlfriend ni Marc ang aaprubahan ni Marc. Sa kuwento pa lang ng binata, natitiyak niyang ang uri ni Libby ang nagsasamantala sa pagiging galante ni Dave.
"Ipapadala ako ni Marc sa America, Kat, at wala akong magagawa sa sandaling madesisyunan niya iyon. Kahit ang Mama ay lagi nang nakasang-ayon kay Marc," pagalit nitong sinabi. "Nakalagay sa testamento ng Papa na mapapasaakin lamang ang mana ko pagdating ko sa edad na beinte siete at nakatapos ng pag-aaral. And Marc handles my finances. So, I'm under my brother's mercy hanggang sa dumating ang sandaling iyon."
Hindi alam ni Katrin ang iisipin at sasabihin. Ginamit niya si Dave para kay Marc at si Dave ay ginagamit siya para rin sa kapatid. They have one common enemy: si Marc. At dapat siyang matuwa pero hindi iyon ang nadarama niya. Kung anuman ang plano niya para kay Marc ay walang dapat na karamay na iba. Pero sa nakikita niya ay malamang na para na silang sapot na nagkabuhol-buhol. At hindi siya dapat ma-involve sa problema ni Dave sa girlfriend nito.
ALAS-ONSE-Y-MEDIA ng gabi. Palabas siya ng hallway ng studio nang masalubong ang kaibigang si Doreen.
"Pauwi ka na ba?" Si Doreen sa kanya.
"Oo naman. Ikaw ba'y hindi pa?"
"Pauwi na rin," sagot ng sikat na TV host na ang show ay katatapos lang. Sumabay kay Katrin palabas sa parking. "Ano ba iyong nabalitaan kong narito raw nitong nagdaang araw ang society playboy na si Marc Alcaraz at nakipagkilala sa iyo..."
Natawa si Katrin roon. "Ang bilis naman talaga ng balita."
"Hindi ako nagtataka dahil inaanak ng big boss si Marc Alcaraz. Isa pa, you're so sweet that you attract bees, darling. Kuwidaw, Katrin, huwag kang pabibiktima sa lalaking iyon. I've met him once sa party at talaga namang irresistible. But he's the love 'em and leave 'em type, friend," nakangiting warning ni Doreen na inilabas sa bag ang susi ng kotse.
"Don't you worry, sa pagkakataong ito'y hindi uubra ang tamis ng dila ni Marc Alcaraz," sinamahan niya iyon ng ngiti subalit naroon ang firmness sa likod ng tinig niya.
"Nagpapaalaala lang ako, Kat, and I know you have a lot of sense. Though I wouldn't be surprised if you fall for him. It seemed that everyone does. At ayokong masaktan ka."
"Thank you, Doreen, but not this particular lady. At para sa ikapanatag ng loob mo, iba ang dahilan ng pakikipagkita ni Marc sa akin. He wanted me to stay away from his brother Dave."
"Oh, nakalimutan kong kaibigan mo nga pala ang younger brother ni Marc. May relasyon ka ba kay Dave, Katrin?"
Nagkibit ng mga balikat ang dalaga. "Magkaibigan kami ni Dave. I don't want to sound like a showbiz personality pero iyon ang totoo."
"I believe you. Hindi si Dave ang lalaking makakapukaw sa natutulog mong puso. He's handsome all right pero napakabata pa noong tao," pabirong sagot ni Doreen na sinabayan ng marahang tawa. Pagkatapos ay binuksan ang kotse. "Goodnight..."
"Ciao and drive carefully," aniya na tinalunton na rin ang kinaparadahan ng kotse niya.
Nakilala niya si Doreen noong gumagawa siya ng thesis bago ang graduation. TV Broadcasting ang topic niyang napili. Nagkahulihan sila ng loob bagaman sampung taon ang tanda ng una sa kanya bukod pa sa may-asawa at mga anak na ito. Doreen offered her a job pagka-graduate niya bilang isa sa mga researcher nito and then allowed her to co-anchor with her sa sariling show. At doon na nagsimula ang career ng dalaga. Maganda ang dating ng boses niya sa TV at ganoon din ang mukha niya. Pinayagan siyang mag-host kasama ang isang beteranong newscaster sa panghapong news program. And presto! Pagkatapos ng isang linggong assistant host ay nagkaroon siya ng sariling news program and it went well with the rating sa nakalipas na kulang isang taon.
She became an overnight sensation sa newsworld. Witty and beautiful. Likas na may panghalina. Maraming tao ang nagmamadaling makarating ng bahay upang mapanood lang ang news program niya. At kung ang ibang mga tao ay pinaghihiwalay ng kasikatan ay hindi sila ni Doreen. Hindi kailanman nakaramdam ng professional jealousy ang TV host sa kanya. They became as close as ever. Si Doreen ang pillar of salt niya sa mga panahong hindi niya alam ang gagawin.
Ipinarada ni Katrin ang kotse sa parking area ng townhouse. Pagod na ipinasok niya ang susi sa pintuan. Maghapon siya sa studio at dalawang oras doon ay ginugol sa meeting kung paano mapapaganda ang news program ng station. Bukod pa roon ay tatlong oras siya sa pictorial para sa isang magazine interview. Hindi niya gustong patulan ang feature na iyon sa magazine kung hindi lang ipinayo ni Mr. Antonio na tanggapin niya dahil makakabuti iyon sa show.
Pumasok siya at muling isinara ang pinto. Subalit hindi pa siya nakakadalawang hakbang ay isang katok ang narinig niya. Magsasalubong ang mga kilay na bumalik sa pinto ang dalaga. Sino ang bisita niya sa ganitong oras ng gabi? Binuksan ang pinto bagaman hindi inalis ang chain lock.
"Good evening," mukha ni Marc ang nasilip niya sa pinto. Sa bahagyang liwanag mula sa ilaw sa labas ay nakita niyang magkadikit ang mga kilay nito.
"W-what do you want, Mr. Alcaraz?" Hindi niya mapigilan ang sunod-sunod na pagpintig ng puso niya sa sandaling iyon.
"Open the door and let me in."
"Hatinggabi na kung hindi mo alam ang oras. Hindi ba puwedeng ipagpabukas kung anuman ang sadya mo?" Hinaluan niya ng iritasyon ang tinig.
"Alam mong hindi kita makakausap sa araw malibang sadyain kitang madaling-araw dito, Katrin," patuloy ni Marc. "Kanina pa ako naghihintay sa iyo dito sa parking area at hindi ako aalis hanggang hindi kita nakakausap."
Patuloy sanang magmamatigas ang dalaga pero natitiyak niyang hindi ang uri ni Marc ang basta naitataboy. Inalis niya ang chain lock at pinapasok ang binata.
"Sabihin mo agad kung ano ang sadya mo, Mr. Alcaraz. I'm really so tired at gusto kong magpahinga na," she said wearily.
Matagal siyang tinitigan ng binata at nakita nito ang kapaguran sa mukha niya. Sandaling lumambot ang mukha nito.
"Dalaga ka at sa pagkakasabi ng Ninong ay nag-iisa na lang sa buhay. Ano ang dahilan at pinapatay mo ang sarili mo sa trabaho, Katrin?" Hindi gustong isipin ni Katrin na gentleness ang naririnig niya sa tinig nito. Tumalim ang mga mata niya at tinitigan ang binata.
"Wala kang pakialam sa buhay ko, Mr. Alcaraz. Natitiyak kong hindi mo ako hinintay hanggang sa oras na ito para lang sabihin sa akin iyan."
"Hindi mo ba ako aalukin ng kape?" Itinuon nito ang mga mata sa kitchen niya.
"No." Pormal niyang sagot. At wala siyang pakialam kung nagmukha siyang bastos. "Now, what do you want?"
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Marc. "You haven't encashed the check yet. The bank would have called me kung ipina-cash mo na."
Tumaas ang mga kilay niya. "Nangangahulugan bang bouncing check ang ibinigay mo sa akin?"
Tumiim ang mukha ng binata. "Hindi pa ako nagpapatalbog ng tseke sa buong buhay ko, Katrin."
"There's always the first time at maaaring sa akin mangyari iyon," patuya niyang sinabi
"Hindi birong pera ang nakalagay sa tsekeng iyon at natitiyak kong tatawagan ako ng banko sa sandaling ipina-cash mo iyon. It is a normal banking procedure," pagdiriin nito na tila ba wala siyang alam sa mga bagay na iyon. "At hindi ka tumutupad sa usapan, Katrin. Alam kong nakipagkita si Dave sa iyo kahapon ng tanghali," sa puntong iyon ay numipis ang linya ng mga labi ni Marc tanda ng galit.
"Ayun ang sagot mo kung bakit hindi ko pa naipa-encashed ang tseke mo. I'm still seeing your brother." Itinaas niya ang mukha niya ng bahagya bilang paghamon dito.
"Damn you!" Hinablot ni Marc ang braso niya at napahakbang siya palapit dito sa gulat niya. "Kulang ba ang perang iyon, ha? iniisip mo bang mas malaki ang makukuha mo kay Dave kaysa kung tanggapin mo ang perang iyon?"
"B-bitiwan mo ako..." halos hindi lumabas sa bibig niya iyon. Hindi ang galit ni Marc ang inaalala niya kundi ang muntik na niyang pagkasubsob sa dibdib nito. She could smell his masculine scent at ang kamay nito sa braso niya ay tila nagpapaikot sa paningin niya. May init na gumapang sa buong pagkatao niya.
"Huwag mong gamitin ang kabataan ng kapatid ko para pagsamantalahan siya, Katrin Guillermo. Maibibigay ko sa iyong higit ang kailangan mo kaysa kay Dave! Sa materyal man o sa sexual man!" Brutal nitong sinabi.
"Wala kang karapatang!"
"Nasa akin ang lahat ng karapatan! Katatanggap mo lang ng mamahaling regalo mula sa kanya nang hingin mo ang isang milyon, you bitch!"
Nagsalubong ang mga kilay niya. Pilit niyang pinakawalan ang sarili mula sa pagkakahawak nito. "Ano—ang ibig mong sabihin?"
Marahas siyang binitiwan ni Marc at bahagya siyang napaatras sa puwersa. Pagkatapos ay may dinukot sa bulsa nito ang binata.
"'Eto ang ibig kong sabihin!" Ibinagsak ng binata sa palad niya ang isang resibo mula sa F. Panlilio Jewelry Store.
Nanlaki ang mga matang binasa niya ang nakasulat roon. It was dated three days ago. A pair of emerald earrings and choker na ang halaga'y suweldo na niya marahil sa loob ng isang taon!