Chapter 1

3.3K 28 0
                                    

CHAPTER ONE

"FOR PETE'S sake, Meredith!" ani Margie na binuksan ang salamin ng bintana ng Land Cruiser sa bahagi nito. "Are we gonna drive forever? We've been on the road for ages! Nalampasan na natin ang mga bayan ng Batangas."
Meredith made a face. Siya man ay nahahapo na rin bagaman hinahalinhan naman siya ng mga kaibigan sa pagmamaneho. Pitong oras na silang nagbibiyahe. At mas nakakapagod ang biyahe kapag hindi maganda ang daan. Tulad na lang ng dinadaanan nila. Bukod sa magraba ay may mga lubak pa.
"You exaggerate, Marge. You always do." Nailingon niya ang kaibigan sa likod. "Isara mo iyang bintana mo at sayang ang lamig ng aircon."
"Para ka namang hindi sanay sa malalayong outing," susog naman ni Alana na nasa passenger seat katabi ni Meredith. "Kung sa Vigan tayo nagpunta ay malayo pa rito ang biyahe, ah."
Umingos si Margie. "Vigan iyon at maganda ang daan at saka bumibiyahe tayo sa sibilisasyon. Sa pagkakatanda ko ay sa south superhighway lang ang sementado ang daan, ah. Pero mula nang lumabas tayo ng exit, we've been travelling on rough roads. At wala akong nakikita kundi mga kagubatan sa magkabilang panig ng daan."
"You exaggerate again," nakatawang sabi ni Meredith. "We've been travelling on asphalt road na nagkalubak-lubak na lang. At nitong papasok na tayo sa San Angelo medyo naging masama ang daan at dumadalang ang mga bahay."
Margie snorted. Among Meredith's two friends, si Margie ang dakilang reklamador. Si Alana ay ang uring diplomatiko. Tahimik lang ito at nakamasid sa labas ng sasakyan. Nahihinuha na ni Meredith ang laman ng isip nito—na hindi naman talaga mga bahay ang tingin nito sa mga nadadaanan nila, na kung tutuusin ay mas di-hamak na maganda ang servant's apartment na nasa likod ng bahay ng mga ito. Palibhasa'y mayaman ang pamilya. Subalit hindi snob si Alana kaya hindi nagkokomento.
"At saka nagrereklamo na ang tiyan ko. Last meal natin ay three hours ago, doon sa gasolinahan, sa may coffee shop doon," patuloy ni Margie.
Oh, well, Meredith thought. Siya man ay nakakaramdam na rin ng gutom pero hindi na niya gustong dagdagan ang reklamo ng kaibigan.
Lumipas ang ilang minutong tahimik sa loob ng sasakyan. Alana broke the silence. "Seriously speaking, Meredith, where exactly are we now? Nalampasan na natin ang town proper, 'di ba? Alam mo ba talaga ang daan patungo sa rancho ng kaibigan ng daddy mo? Hindi pa ba tayo naliligaw?" sunud-sunod nitong tanong.
Bago pa makasagot si Meredith ay dinugtungan ni Alana ang sinabi pagkatapos masulyapan ang oras sa relo sa braso nito. "Alas-tres y medya na. Hindi kaya tayo abutin ng dilim sa daan?" Nag-aalalang itinuon nito ang mga mata sa walang katapusang kagubatan sa gilid ng magkabilang panig ng daan.
"Malinaw ang direksiyong ibinigay sa akin ni Tita Andrea sa phone noong isang araw," aniya. "Sabi, paglampas natin ng San Angelo, there would be an arrow pointing to the place. Be patient, guys. Wala pa naman tayong nakikitang arrow."
"Gaano na ba katagal na kakilala ng daddy mo ang Andrea na ito?" tanong ni Margie. "We've been friends for years pero parang ngayon ko lang narinig ang pangalang iyan. At bakit ngayon ka lang nagyayang magbakasyon tayo rito?"
Nilingon ni Meredith si Alana na alam kung paano naging kakilala ng mga magulang si Andrea. Hindi sa inililihim niya ito kay Margie. Kaibigan niya ito, gayunman, mas matagal silang unang naging magkaibigan ni Alana. Halos magkababata at kabisado na ang buhay ng isa't isa. Nakilala nila si Margie nang unang taon nila sa kolehiyo at nagkahulihan ng loob ang tatlo. Isa pa ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maipakipag-usap niya ang tungkol kay Andrea kay Margie.
"She's a family friend way back college days ng mga magulang ko, Marge," sagot niya kasabay ng matabang na pagngiti. "Isa pa ay hindi naman nag-aanyaya si Tita Andrea sa kanila malibang nitong pagkakataong ito nga. Graduation gift niya sa akin."
Sa totoo lang, buong buhay niya ay apat na beses lang niyang nakatagpo si Andrea at mga taon ang pagitan sa bawat pagkikitang iyon. At ang pinakahuli ay nitong nakalipas lang na dalawang linggo...

"MAY BISITA ba ang daddy mo?" tanong ni Edmond nang iparada nito ang kotse sa tapat ng gate nila, sa likod ng isang pulang Wrangler Jeep.
Nagkibit si Meredith at binuksan ang pinto sa bahagi niya. "Hindi ka na ba tutuloy?"
"Hindi na. O, sasama ka ba sa night swimming next week?" Nasa mga mata nito ang pag-asam sa positibong sagot niya. Kung ang mga kaibigan niya ang pakikinggan ni Meredith ay halos mag-boyfriend na sila ni Edmond. Kulang na lang talaga ang pagtugon niya ng "oo" sa panliligaw nito.
"Kung papayagan ako ni Daddy," she said noncommittally.
"I'll talk to him."
"Hindi na kailangan. Kahit na kausapin mo pa si Daddy kung hindi niya ako papayagan, hindi mo siya makukumbinsi." Tuluyan na niyang binuksan ang pinto at bumaba. "At kailan ba naman pumayag iyon sa mga ganyang overnight outings." She rolled her eyes. Bagaman inirereklamo niya iyon sa ama parati ay hindi pa naman nangyaring sumuway siya.
Disappointment crossed Edmond's face. Pero hindi na nagkomento tungkol doon. Alam nito ang mga rules and regulations ng daddy niya pagdating sa kanya. "I'll ring you as soon as my meeting's over."
Inihatid niya sandali ng tanaw ang sasakyan nito bago humakbang patungo sa gate nang bumukas ang daanang pantao at lumabas ang isang babae. Hindi niya agad ito nakilala. Ang huling pagkakita niya rito ay noong graduation niya sa high school, and that was more than four years ago.
"H-hi," bati niya.
Ang bahagyang pagkagulat ng babae pagkakita sa kanya ay nahalinhan ng malapad na ngiti. She must be around forty. And very pretty sa kabila ng probinsiyanang ayos. Naka-blue and white striped polo shirt na nakapaloob sa pantalong maong at may leather belt. Tipong galing talaga ng probinsiya. Kulang na lang ay sumbrero.
"Oh, there you are!" excited nitong bati at agad itong lumapit at hinagkan siya sa pisngi. "How are you, hija?"
"I'm fine, thank you," naiilang niyang sagot at umatras ng ilang hakbang, only to feel guilty nang makita ang discomfort sa mukha nito. "P-papaalis na ba kayo?"
"Yes," sagot nito kasabay ng pagtango, muling gumitaw ang pinong ngiti. Na iglap ding nawala dahil sumeryoso ito. "I-I am sorry that Agatha left."
She compressed her lips. Hindi niya gustong nalalaman ng mga estranghero ang problema ng pamilya niya. At sa sinabi lang nito ay mukhang binanggit ng daddy niya rito ang pag-alis ni Agatha. Or worse, baka sinabi nito kay Andrea ang pagsama ng mama niya sa ibang lalaki.
She wasn't her mother's friend tulad ng unang ipinaniwala sa kanya ng daddy niya. Sa nagdaang tatlong beses na nakatagpo niya ito'y hindi minsan man itinago ng mama niya ang animosity para sa babae.
Though her mother was smiling, iba naman ang ibinabadya ng mga mata. At ang daddy naman niya ay pormal. Ngayong nakaharap niyang muli si Andrea ay gumitaw sa isip niya ang isang alaala bago ang high school graduation niya.
Naabutan pa niya kung paanong halos ipagtabuyan ito ng mama niya. Palabas na si Andrea at papasok naman siya sa kabahayan. At nang makita siya ni Andrea ay sandali itong huminto, tinitigan siya sa paraang hindi niya kayang bigyan ng pangalan. Pagkatapos ay mabini itong ngumiti at tuluy-tuloy nang lumabas.
"Why are you so rude to Tita Andrea, Mama?
Bahagya pang nagulat si Agatha. Hindi nito inaasahang nasa may pinto siya. "H-how long have you been there?"
"Long enough para marinig na kulang na lang ay itulak ninyo siya palabas ng bahay natin." Imahinasyon man niya o hindi, nakita niya ang pakikiraan ng relief sa mga mata ng ina. "I thought Andrea is your friend."
Niyuko ni Agatha ang sigarilyo sa coffee table kasama ang lighter at nagsindi. Ilang beses itong humitit at nagbuga. "She was!"
"Was?" Ibinaba niya ang gamit niya sa sofa.
"Yes." Naniningkit ang mga matang itinuon sa kanya ni Agatha. "Our friendship is over the moment I learned that she had a thing for your father. Pinagtangkaan niyang akitin si Danilo nang malaman niyang magpapakasal kami."
"Really?" Here eyes widened with curiosity. "Ano ang nangyari? Alam ba ni Daddy ang bagay na iyan?"
Matagal na tinitigan ni Agatha ang mukha ng dalagita. Gandang kinasusuklaman nito sa paglipas ng mga araw. Ang akmang sasabihin ni Agatha ay napigil sa pagtunog ng telepono. Lumakad si Meredith patungo sa kinalalagyan niyon malapit sa puno ng hagdan at sinagot iyon. Ang tumawag ay isang teenage schoolmate at manliligaw. Tuluyan nang nawala sa isip ni Meredith si Andrea.
"Are you all right?" untag ni Andrea sa pagkakatigil niya.
Tumango siya. "'Nice meeting you again," she said insincerely at pumasok na sa gate at hindi lumingon hanggang sa makapasok sa bahay. Makalipas ang ilang sandali ay narinig niya ang tunog ng makina ng papaalis nitong sasakyan.
Nagtuluy-tuloy siya sa den kung saan alam niyang naroon ang ama. She knocked and opened the door at the same time. Nasa tabing bintana ang ama at nakatanaw sa labas na marahil ay sinundan ng tingin ang pag-alis ni Andrea. Lumingon ito pagkapasok niya.
"Ano ang sadya ng babaeng iyon dito?" Hindi niya mapigilan ang bahagyang animosity sa tinig. Kung dating may gusto sa ama niya si Andrea ay baka lalong nakakita ito ng pag-asa ngayong wala ang mama niya.
"Her name's Andrea, Meredith," her father said calmly, gayunma'y naririnig niya ang banayad na pagsaway sa tinig nito.
Naupo si Meredith sa mahabang sofa na kaharap ng desk ng daddy niya. "I'm sorry, Dad. I never meant to be rude. Kaya lang naiinis ako dahil sinabi ninyo sa kanya ang ginawang pag-alis ni Mama. O baka pati ang pagsama niya sa ibang lalaki."
"Hindi natin maitatago iyon, Meredith." Hinila ng kanyang ama ang swivel chair at naupo roon. "Malalaman niya rin iyon through common friends."
Tinitigan ni Meredith ang ama. At the prime of his life. Still so handsome at the age of forty-five. May mangilan-ngilan nang puting buhok sa magkabilang sentido, gayunman, lalo lang niyong pinatingkad ang gandang lalaki nito. He aged well. May matagumpay na karera bilang isang mahusay na criminal lawyer.
And Meredith was so proud of him. At sana'y isa silang maligayang pamilya kung hindi lang dahil sa mama niya. As far as she could remember, Agatha had never been a good mother and wife. Wala siyang natatandaang pinakitaan siya nito ng pagmamahal. Totoong hindi siya inabuso ni Agatha sa salita man o sa pisikal na paraan, not for the lack of trying on Agatha's part, subalit hindi iyon pinahihintulutan ni Danilo o bigyan man ng puwang iyon.
But Agatha was too self-centered. Bilang asawa at ina ay isang malaking failure si Agatha sa kanilang mag-ama. Sa kadahilanang hindi niya maunawaan gayong buong buhay niya ay wala siyang makitang tinataasan ito ng boses ng ama.
Walang bagay na hindi inirereklamo ni Agatha. She was never satisfied. Hindi sila mahirap subalit hindi rin naman sila milyonaryo at naibibigay naman ni Danilo ang luho nito. Subalit hindi kontento si Agatha roon. Nais nitong makialinsabay sa mga mayayamang kaibigan lalo na sa mga magulang ni Alana na siyang boss ng daddy niya. Sa law office nito nagtatrabaho ang daddy niya at isa sa mga senior partners.
Lagi nitong inirereklamo na ang mga alahas nito ay hindi kasingmahal ng mga alahas ng mga amiga; na ang kotse nito'y hindi kasingmodelo. At kapag napauwi nang maaga dahil natalo sa mahjong ay ang asawa ang pinagdidiskitahan. Na kulang ang salaping ibinibigay ni Danilo.
Her father had tolerated it all. And Meredith considered her father weak dahil sa pagiging tolerant nito sa asawa. He never exercised his power as a husband should over his wife. At ang pinakamasakit sa lahat ay ang ginawang pagsama ni Agatha sa ibang lalaki maraming buwan na ang nakalilipas. Lalaking nakilala nito sa madyungan. Hindi birong sakit ng damdamin at kahihiyan ang idinulot nito kay Meredith at sa daddy niya.
Sa labis niyang pagtataka, tinanggap ng ama niya ang nangyari sa pinakakalmanteng paraan. Na tila ba ang ginawa ni Agatha ay isang normal na bahagi ng pang-araw-araw na problema.
Mas higit na nag-alala si Danilo sa kanya; sa damdamin niya. Ilang beses siyang kinausap ng ama kung makakaapekto sa kanya ang ginawa ni Agatha. Ipinag-alala nang labis ni Danilo na baka makasira sa kanya ang ginawa ng mama niya. It did, yes. Natural lang iyon. Pero sa maikling panahon lang. She recovered immediately. Ang ilang kaibigan ay nilayuan siya dahil doon. But she didn't care. Friends that mattered to her remained her friends.
"Ano ang sadya ni Tita Andrea dito?" tanong niya sa ama makalipas ang ilang sandali. "Rekindling old flames now that my mother is gone?" Ni hindi niya pinagkaabalahang itago ang panunuya sa tinig niya.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Danilo sa pagkabigla. "What exactly do you mean by that?" nananantiyang tanong nito.
Umiwas siya ng tingin. "S-sinabi ng mama na... na may pagtingin sa iyo si Andrea. That she once tried to seduce you.."
Matagal bago nagsalita si Danilo. Sa wari ay nililimi ang sasabihin sa kanya. "Hindi mo dapat pinaniniwalaan ang mga sinasabi ni Agatha, Meredith. She had always been a bitter woman. Hindi siya masaya at kuntento kahit na ano pa ang gawin ko. Laging may daing at reklamo. And she wanted people around her to be as unhappy as she is..."
Hindi siya umimik. Kunsabagay ay tama ang daddy niya. Akmang-akma ang description nito sa mama niya.
"Anyway, Andrea invited you to visit Rancho Monte for a two-week vacation. Ibig sabihin ay sa kanila mo gugugulin ang susunod na dalawang linggo. Regalo niya sa iyo sa pagtatapos mo. You can bring your friends along."
Agad na sumingit sa utak niya ang suspetsa. "Natitiyak kong ikinatutuwa ni Tita Andrea ang pagkawala ni Mama, Daddy. And if she's doing this to gain my favor, she has to think again."
Nagsalubong ang mga kilay ni Danilo. "Contrary to what you just said, Andrea was worried about you. Iniisip niyang baka naaapektuhan ka sa nangyari. Kaya iminungkahi niyang magbakasyon ka sa Rancho Monte pagkatapos ng graduation mo next week."
"Bakit ganoon na lang ang interest niya sa damdamin ko, Daddy, kung hindi motibo niyang samantalahin ang pagkawala ni Mama? At bakit wala pang asawa ang kaibigan ninyong ito?" Kasing-edad lang marahil ng mama niya si Andrea but Agatha looked years older. Bagaman ismarte ang mama niya at mas maputi ay hindi niya maitatangging higit na maganda si Andrea kahit walang makeup. Meredith noticed her beauty despite her tanned skin.
"I guess you have to ask her that. Ang bakasyon grande mo sa Rancho Monte ang regalo mo mula sa amin ni Andrea sa pagtatapos mo sa kolehiyo, Meredith. Isama mo ang mga kaibigan mo. Iyon ay kung gusto mo silang isama." He added the last sentence as an afterthought.
"And so joint gift na kayo ngayon?" she said sarcastically.
He sighed impatiently. "Meredith..."
She raised her hands. "Okay. I will have to think about it. Baka may planong iba sina Alana at Marge. Anyway, you promised me a car. At magtatapos akong cum laude."
Danilo almost smiled, his eyes sparkled. "Hindi ko nalilimutan ang pangako ko. Pagbabalik mo mula sa bakasyon grande ay narito na ang bagong kotse mo. Pero tinitiyak ko sa iyong higit pa sa bagong kotse ang mararanasan mo sa Rancho Monte."
She looked at her father thoughtfully. Then, "Didn't she invite you, too?" Hindi siya maawat sa provocation sa ama.
Tinitigan siya nang diretso ni Danilo. "As a matter of fact, no. Hindi niya ako inimbita. At kahit man imbitahin niya ako ay hindi rin maaari, may hearing ako next week sa malaking kasong hawak ko."
Hindi niya alam kung ano ang iisipin doon. Her father never had a vacation from his work as far as she could remember. And it seemed his work was more important than a chance to be with Andrea. Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanilang mag-ama. Inabala ni Danilo ang sarili sa pagtingin sa mga papeles na nasa mesa nito.
"Dad," Meredith said after a while. "Alam mo bang narito sa Maynila ang... Mama?"
Sandali lang ang pagkabigla sa mukha ni Danilo. Kapagkuwa'y, "Good. Because I've been wanting to serve her legal separation papers."

Kristine Series - Monte Falcon (Island in the sun) by Martha CeciliaWhere stories live. Discover now