seven
Bumuntong-hininga ako habang kinakain ang chicharon na galing kay Wyatt. Kandong ko ang bag habang hawak naman ang supot ng chicharon. Napaaga ako ng pasok. Masyado yatang malaki ang nilaan kong oras para mag-drive papunta sa school. Wala pang ibang tao rito sa classroom.
Nakakrus ang aking binti habang nakasandal sa upuan. Unti-unti nang nagpasukan sa classroom ang mga kaklase ko. 'Di kalaunan ay dumating na rin si Gabi. Ngumiti ito at lumapit na sa akin, ngunit ang mata niya ay dumapo sa hawak kong pagkain. "Ano 'to?" Hinablot niya iyon at binasa ang nakasulat sa supot.
"Hoy!" saway ko.
"Vigan Chicharon...?"
Ilang segundo itong natahimik bago makahulugang bumaling sa akin. Gusto ko siyang taasan ng kilay, pero napaiwas na lang ako ng tingin.
Teka, ba't parang na-gi-guilty ako? Wala naman akong ginawa o tinatago!
Hindi man lang niya tinago ang nagmumultong ngisi sa labi. "Galing ka sa Vigan?"
Alam niya namang hindi. At alam ko rin na may ideya na siya kung bakit meron akong ganyan.
Nagkibit-balikat ako. Bahala na nga. "Oo," pamimilosopo ko.
Nasira ang mukha ko nang humalinghing ito. "Inuwian naman pala ng pasalubong. 'Huwag ka na raw kasi magtampo..." Tinusok-tusok niya pa ang pisngi ko.
Iniwas ko ang mukha at tumuwid ng upo. "Pinagsasabi mo? Anong tampo?"
Tampo? Ako? Kay Wyatt? Tsk. Kailangan na ng tulong ni Gabi.
Walang balak na tigilan ako. Nagpamewang pa ito sa harapan ng desk ko. "Na-busy nga kasi sa competition sa Vigan, isip mo agad hindi na nagparamdam e."
Nagdatingan na ang iba naming kaklase, kasama roon sina Pio. Unti-unting nabuhay ang classroom dahil sa ingay nila.
Napalingon sa kanila si Gabi, sabay tawag kay Phillip. "Oy! Pio!" Mabilis niya namang nakuha ang atensyon nito. At kahit hindi nagpapahalata ang babaeng ito, nahuli ko ang pamumula ng pisngi niya.
Si Gabriella ang mapagpanggap sa aming dalawa! Hindi ako!
Lumapit ito sa amin. "Oh, bakit?" tanong niya kay Gabi at inilapag ang bag sa mesa ko.
"Binigyan ka ni Wyatt ng pasalubong? 'Di ba nag-chat ka sa kanya?" si Gabi.
Iniling na lang ni Pio ang pagtawa. "Hindi nga ako ni-reply-an. Wala namang binigay!"
Pinaglapat ni Gabi ang mga labi at bumaling ang ulo sa akin, naglalaro ang malisya sa mukha. "Talaga ba?"
Para kong nakagat ang dila. Nawala lahat ng lakas ng loob kong barahin si Gabi ngayong araw.
"Bakit mo natanong?" si Pio.
Gabi flashed the chicharon on his face. Nanliit ang mata ni Pio habang binabasa iyon.
"Dinalhan ka ni Wyatt?" naguguluhang tanong ni Pio. Umiling-iling si Gabi at mabilis akong tinuro. Pio's eyes widened. "Si Inah?" His tone twisted as if it were the most impossible thing to happen.
Hinarap ako ni Pio at napayakap na lang ako sa backpack ko.
"Nag-chat ka rin sa kanya? Hindi niya siguro nabasa ang akin!" Tawa pa rin nito at napakamot sa ulo.
Ngumuso ako at mariin siyang tinitigan. Imposible ba talagang maisip ako ni Wyatt at bilhan ng pasalubong? Kailangan ba ako ang gumawa ng first move? "H-Hindi ako nag-chat..."
Naiwan sa ere ang tawa niya. "Ha?" Yumuko pa siya na parang nagkamali ng rinig.
Umikot ang mata ko. "Hindi ako nagpabili!"
BINABASA MO ANG
Trophy of the Sunsets | Tonjuarez Series II
Romance[UNEDITED] Eanah Devon Inieno was contented with her peaceful life, she is independent and fearless. Not until the person she least expected entered her life. But the question is, can she handle it? Or just like the sunset that fades the day light...
