Paano kung ang lahat ng sakit, lahat ng paghihirap na ito ay dalhin ka sa isang magandang kabanata ng iyong buhay? Na akala natin na hindi na tayo umuusad pero ang totoo ay unti-unti na pala tayong nakararating sa tamang landas.
Malayo na pero malayo pa.
Habang tayo pa ay nabubuhay ay hindi magtatapos ang daan patungo sa liwanag. Patuloy tayong naglalakad patungo sa hantungan. May pagkakataon na tayo ay naliligaw, nawawala, sumuko, at napagod. Madalas ay humihinto para magpahinga.
Gayunpaman, ang lahat ng ito ay may dahilan. Masakit man o hindi pero kailangan tanggapin. Kung maaari lang na tayo na lang ang sumulat ng ating kuwento ay sana lahat tayo may happy ending.
"Apo ko, kumain ka na ba? Baka naman nagpapalipas ka na naman ng gutom at napapabayaan mo na ang sarili mo?" tinig ng lola ko.
Tumigil ako sa pagtanaw sa malawak na karagatan at nakangiting humarap sa Lola ko. Mababakas na ang katandaan sa kaniya, puti na ang kaniyang buhok at nangungulubot na ang kaniyang mga balat.
"Kumain po ako ng nilagang saging kanina, Lola. At busog pa po ako." dahilan ko.
Nag buntong-hininga ang Lola ko at naglakad papalapit sa akin. Sinalubong ko agad siya at inalalayan.
"Lola dapat nagpahinga nalang po kayo sa kuwarto niyo," suway ko. Tinawanan lang ako ng lola at hinawakan ang kamay ko.
Magkasama na kami ngayon na nakatanaw sa malawak na asul na karagatan. Masarap sa pakiramdam ang haplos ng hangin sa aking balat.
"Apo ko, gusto ko na alagaan mo ang sarili mo. Dapat maging matatag ka at matapang dahil ang buhay ay hindi madali." nagsalita ang Lola. Nakinig ako sa mga sasabihin niya kahit ilang beses na niyang sinasabi sa akin ang mga ito. "Gusto ko rin na maging masaya ka at palagi mo pipiliin ang sarili mo. At ang pagmamahal mo ay huwag mo ipagkakait sa ibang tao, kahit naging masama ang buhay sa iyo ay ipagpatuloy mo pa rin ang kabutihan sa puso mo. Mabigat man ngunit maniwala ka dahil ang pagpapatawad ang magpapalaya sa iyo."
"Lola, natatakot po ako sa mga sinasabi mo. Bakit pakiramdam ko ay nagpapaalam ka sa akin? Ayoko po ng ganitong pakiramdam." mababakasan ang pangamba sa boses ko.
Hinawi ni Lola ang buhok ko na tinangay ng hangin at nilagay ang ilang takas nito sa likod ng aking tainga. Magaan na ngumiti sa akin si Lola at marahan na hinaplos ang aking mukha.
"Hindi natin mapipigilan ang nakatakda sa atin, apo. Tanging ang nasa itaas lang ang makakapagsabi kung oras na natin kaya gusto ko na maging handa ka sa pag-alis ko sa mundong ito."
Umiiyak akong yumakap kay Lola. Wala na akong pamilya, tanging si Lola Ades lang ang meron ako. Meron kaming mga kamag-anak pero walang nais kumupkop sa aming dalawa sapagkat mahirap ang buhay, para sa kanila ay magiging pabigat lang kami.
"Paano na po ako, Lola? Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay kung wala ka. Nakakatakot magsimula nang hindi ka kasama." pag-aamin ko sa totoo.
Kung mangyayari man iyon ay baka magkasala ako sa Diyos kung pipiliin ko na sumunod nalang sa Lola ko.
Magaan ang naging pagtawa ng lola ko. Tinuyo niya ang luha ko at hinalikan ako sa pisngi.