Wala sa loob na naiurong niya ang mga kamay at pinagpatong sa kandungan. Natatakot siya kay Madam Zarina at sa maaaring malaman nito

"Aura..." si Miguel, na kanina pa pinagta-takhan ang aktuwasyon ng dalaga.

"I-I don't want to... I hope you understand, Madam Zarina."

Umunat sa pagkakaupo ang babae at tumitig sa mukha ni Aura. Mayamaya'y pumikit ito — na parang may inaalala — napakunot ang noo at magkakahalong emosyon ang mababakas sa mukha nito. Makalipas ang ilang sandali'y muling nagmulat ng mga mata.

"You don't have to give me your hand, Aura. Iginagalang ko ang kagustuhan mo. Pero makabubuting kalimutan mo na ang hinanakit at galit na nararamdaman mo. Walang buting idudulot ito sa iyo. At tandaan mo, hindi makatatagpo ng kaligayahan ang isang tao habang namamahay sa kanyang puso ang hatred... and anger.

"Ipasa-Diyos mo na lamang ang lahat at tanggapin mo ang katotohanan. Kung anuman ang nangyari, it's their common decision. Kailangan nilang gawin iyon, dahil iyon ang nakatakda."

Pumagitan ang mahabang katahimikan. Namalayan na lamang ni Aura na nag-uunahang pumatak ang luha sa kanyang mga mata.

Ikinubli niya iyon sa pamamagitan ng pagyuyuko ng ulo ngunit nakita pa rin ni Miguel. Napakunot ang noo ng binata.

Upang bigyan ng pagkakataong magbalik sa normal ang pakiramdam ng dalaga'y inagaw nito ang atensyon ni Madam Zarina.

"Ako naman ang hulaan mo, Madam Zarina," anito na parang walang nangyayari.

Ngumiti ang babae at inabot ang kaliwang palad ni Miguel. "Hmn... natatandaan mo ba ang sinabi ko sa iyo two years ago?"

"Marami kang sinabi sa akin, Madam, hindi ko alam kung alin sa mga iyon ang tinutukoy mo."

"Makakatagpo mo ang babaeng magpa-pasunod sa iyo. At mahihirapan ka sapagka't kahit ano pa ang mamagitan sa inyo, lalayo at lalayo sa iyo ang babaeng ito..."

"Imposible, Madam Zarina. Wala pang babaeng tumanggi kay Miguel Redoblado," may pagmamalaking turan nito. Nagbibiro.

"Kapag nagkataon ay ang isang ito pa lamang, Miguel."

"For what reason?"

"Wala sa iyo ang magiging diperensiya... nasa kanya, sapagka't kung buo mo siyang nakikita'y hindi ganoon ang kalooban niya."

Hindi nakapagsalita si Miguel. Naging interesado sa sinasabi ni Madam Zarina.

"Gusto kong tandaan mo, Miguel, na walang imposible sa pag-ibig."

Sinulyapan ng binata si Aura na noo'y nahamig na ang sarili. Matamang nakinig ang dalaga kay Madam Zarina.

"Kailangan ka niya, Miguel..." seryosong tumitig sa mukha ng binata si Madam Zarina. "Hindi mo na kailangang maghintay. Natag-puan mo na siya, at alam kong alam mo iyon, hindi ba?"

Ngumiti si Miguel, at tinanguan ang sinabi ni Madam Zarina.

ISANG antique na Spanish fan na nabuburdahan ng maliliit na bulaklak ang napili ni Miguel na iregalo kay Guada. Ayon kay Madam Zarina ay pag-aari ito ng anak ng isang mestisong heneral noon pang panahon ng mga kastila.

Si Aura ay hindi na namili pa. Naalala niya ang crystals na nabili sa Australia nang minsang magbakasyon doon. Hindi biro ang halaga niyon at ayon sa binilhan niya'y nagbibigay daw ng positive energy sa tao.

Ipadadala na lamang niya iyon bilang regalo kay Guada.

Bago umuwi ay dumaan muna sila sa flower shop. May sariling kotse si Laura kaya hindi na nila ito hinintay pa.

Tumatakbo na ang LandCruiser nang punahin ni Miguel ang kawalang kibo ni Aura.

"What's wrong?"

"Nothing," anang dalaga na sinundan ng isang malalim na buntong-hininga. Nakatingin siya sa mga tanawing nadaraanan ngunit tila hindi nakikita.

"Why don't you tell me. Maybe I could help you."

"It's nothing, Miguel. May naaalala lang ako..."

"Iniisip mo ba ang mga sinabi ni Madam Zarina?"

Umiling ang dalaga at nakapikit na humilig sa upuan.

Mabagal ang pagpapatakbo ni Miguel. Malayang napagmasdan ang magandang mukha ni Aura.

Noong una niyang makita ang dalaga'y agad niyang napansin ang lungkot sa mga mata nito. For whatever reason ay gusto niya itong yakapin at protektahan.

At kanina, nang makita niya ang luhang namalisbis sa pisngi nito'y may kung anong kirot siyang nadama sa dibdib.

Tama si Madam Zarina. Natagpuan na niya ang babaeng mamahalin at pakakasalan niya.

INAALALAYAN ni Miguel si Aura pababa ng Land Cruiser nang bumungad sa pinto ng malaking bahay ang isang magandang babaeng kasingtaas ng huli. Nakasuot ito ng sleeveless na bestidang humahapit sa magandang hubog ng katawan.

"Miguel!" Maluwang ang pagkakangiti nito nang sila ay salubungin at walang pakialam na ipulupot ang mga braso sa leeg ng binata. "Kung hindi pa kay Tiya Guada ay hindi ko malalamang nandito ka."

Kung naasiwa si Miguel sa ginawa ng babae ay hindi nagpahalata. Maginoo pa ring kinalas ang pagkakayakap ng huli saka binalingan si Aura.

"Aura, this is Vivian Luz. Vivian, this is Aura Fortalejo."

Nakataas ang kilay na sinulyapan nito si Aura. "Fortalejo... so siya ang sinasabi ni Tiya Guada na kapatid ng iyong sister-in-law."

Hindi nagustuhan ni Aura ang paraan ng pagkakatitig nito sa kanya, pero hindi siya mai-intimidate ng babaeng ito. Marami na siyang nakilalang katulad ni Vivian.

"Hello, Miss Luz."

"Hello..."

Ngumiti siya at binalingan si Miguel. "I'll go ahead," aniya.

Tumango ito.

Papasok na siya sa pinto nang marinig ang naglalambing na tinig ni Vivian.

"I miss you..."

Hindi maunawaan ni Aura kung bakit mabigat ang dugo niya sa babae gayong wala namang ginagawang masama sa kanya. At naiinis siya nang yakapin nito si Miguel na para bang wala siya sa harap ng mga ito.

"Hija," ani Guada na naabutan niyang nakaupo sa rocking chair na nasa isang panig ng sala. Nagbabasa ito ng bibliya.

Lumapit siya sa kinaroroonan nito.

"Nagkakilala na ba kayo ni Vivian?"

"Yes, awhile ago."

Sinenyasan siya nitong maupo sa katapat na single sofa. "Inaanak ko sa binyag si Vivian. Nasa pulitika ang kanilang pamilya. Matalik na kaibigan siya ni Laura."

"At mukhang malapit siya kay Miguel," komento niya.

"Noon pa. Pero alam kong kapatid lamang ang turing ni Miguel sa kanya."

Napataas ang isang kilay ni Aura.

"Oh, bakit ko ba sinasabi sa iyo ito. Baka isipin mong idinedepensa ko si Miguel..."

"Tiya Guada," napapangiting tumayo sa kinauupuan si Aura. Ayaw niyang isiping pinagma-match sila ni Miguel. "I'm tired. I want to rest for awhile."

"Sige, hija. Ikaw na sana ang bahalang magpasensiya..."

"Don't worry, it's nothing. And you don't owe me an apology."

Tumango si Guada, at makahulugan ang ngiting sinundan ng tingin ang tumalikod na dalaga.


                                                          **********

Kristine Series 06: Kapirasong PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon