KISLAP NG KAMERA

77.1K 1.4K 53
                                    




Kaharap ni Mr. Robert Montecastro ang binayarang lalaki upang magmanman kay Sandra. Inabot nito ang isang envelope na naglalaman ng mga larawan. Tiningnan niya ang mga kuha at napakunot siya ng noo sa nakita.

"Bakit mga kuha ni Jerome Hernandez ito? Hindi siya ang pinapasubaybayan ko! Marami ng mga sumusunod na kamera sa taong iyan bakit nakikisabay ka pa!" iritableng wika niya.

"Tingnan nyo po munang maigi, sir."

Nagsuot siya ng salamin at tinitigang mabuti ang mga larawan. Napansin niyang ilan sa mga litrato ay kasama si Sandra. Kuha ito sa pinagtatarabahuang lugar ng babae.

"Kasintahan siya ng kaibigan ng babaeng ito. Hindi malaking bagay kung maging kustomer si Jerome Hernandez sa coffee shop! Anong klaseng pagmamanman ba ang ginagawa mo?!"

"Hindi pa yan nagtatapos dyan sir."

Naglabas ulit ng panibagong mga larawan ang lalaki.

Isa-isa itong tiningnan ni Mr. Montecastro. Mga kuha ulit ito ni Jerome Hernandez na pumapasok sa isang bar habang nakasuot ng sumbrero at nakayuko. Walang ganang tiningnan niya ang mga larawan subalit bigla siyang natigilan nang magsimulang tumambad sa kanya ang sunud-sunod na mga kuhang kasama si Sandra.

Tinitigan niyang mabuti ang mga nakaw na kuha. Papalabas ang sikat na binata at ang babae sa nasabing bar nang magkahawak ang mga kamay. Sunud-sunod ang kuha at halos lahat ay magkahawak ng mga kamay. Binusisi niya pa ang iba pang mga natitirang larawan. Mayroong magkasama ang dalawa sa loob ng sasakyan ng basketbolista.

"Anong masasabi nyo Mr. Montecastro?"

Ibinato niya sa galit ang mga larawan. "Simberguenzang babae! Siya pa ang may ganang magtaksil sa anak ko! Sinasabi ko na nga bang isa siyang mababang uri ng babae! Walang kahihiyan! Kinakalantari pati nobyo ng kaibigan!"

Tumingin siya sa utusang lalaki. "Magpadala ka ng kopya ng mga litrato sa opisina ni Clark. Ngayon din!"

"Sige po Mr. Montecastro..."

Naglakad palabas ang tauhan subalit pinigilan niya ito nang may naisip na bagong ideya. "Sandali! Huwag mo na itong gawin! May naisip akong mas magandang paraan."

-----

Kalalabas lang ni Jerome sa shower. Nakatapis lamang siya habang nagpupunas ng buhok. Naghahanda siya para sa isang exclusive interview sa ESPN. Sa kabila ng punong-punong schedule para sa buong araw, si Sandra pa rin ang umuukupa sa kanyang isipan. Hindi niya pa rin makalimutan ang mga narinig at nalaman. Kinuha niya ang kanyang cellphone. Gusto niyang pasalamatan si Vicky sa ginawang pagtawag nito sa kanya. Subalit nang masilayan ang telepono ay nagulat siya sa nakitang dalawampu't isang missed call mula kay Mr. Tan. Tatawagan niya na sana ito subalit naunahan siya ng agent.

"Mr. Tan bakit?"

"Jerome Anong nangyayari sayo? Ano tong pinaggagagawa mo?!!!"

Bigla siyang kinabahan. "Bakit Mr. Tan may problema ba?"

"Meron! Napakalaking problema Jerome! Ti-tingnan mo sa internet ngayon din!!!!"

Kaagad niyang ibinaba ang telepono at dinampot ang Ipad. Nanlaki bigla ang mga mata niya sa natuklasan. "Si Sandra.... Kailangan ko siyang puntahan!" bulalas niya sa sarili.

Nagmadali siyang magbihis. Natataranta siya sa dapat gawin. Nang may pumasok sa kanyang isipan na pansamantalang solusyon ay agad siyang naghanap ng malaking bag. Nagbalot ng ilang mga damit at gamit. Pagkatapos ay patakbo niyang nilisan ang bahay.

Fast BreakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon