"Narito na pala ang aking anak na si Jacinto!" nagagalak na sambit ni Don Tolentino. Si Don Tolentino ay ang isang makapangyarihang tao rito sa San Ignacio, hawak nito ang mga sikat na pamilihan at pasuguan. Banayad itong naglakad patungo sa kaniyang anak.

Napatakip ako sa aking tainga nang magsimulang lumakas ang mga bulungan karamihan sa mga Binibini ay nagagalak nang makilala  ang kaniyang anak. Ilang sandali'y umulan ng masigabong palakpakan nang biglang sumilay ang tatlong Ginoo.

Napakunot ang aking noo, sino sa kanila si Jacinto?

"Binibini, naroon ang inyong Kuya" bulong sa akin ni Anna. Nagtataka akong tumingin sa itinuturo ni Anna at halos mapaawang ang aking labi dahil na sa kaliwang gilid ang aking Kuya David. Malaki ang ngiti nito habang nakatingin sa mga tao. Ito ba ang dahilan ni Kuya David kung kaya't pinili nitong hindi sumama sa amin. Dahil sa nais nitong makasali sa makapukaw damdamin na pagpapakilala?

"Tunay na maginoo at nakahahalina nga ang tinatawag nilang Jacinto, Binibini" bulong muli sa akin ni Anna. Napakunot muli ako ng aking noo at sinilayan ng tingin ang sinasabi nitong si Jacinto. Ako'y hindi na nahirapan na hulaan kung sino sakanila si  Jacinto dahil aking nakikilala ang isang Ginoo.

Tumigil na ang mga bulungbulungan at abala na ang lahat sa pagkuha ng mga pagkain. Inanyayahan akong umupo ni Anna habang pinapahupa ang dami ng tao. Ibinaling ko ang tingin ko sa buong kapaligiran at napako ang aking tingin sa kanilang tatlo habang sila'y masinsinang nag-uusap.

Tunay ngang maginoo at nakahahalina ang Jacinto'ng kanilang tinutukoy. Matangkad ito na maputi ang balat. Makapal ang kaniyang kilay at maganda ang hubog ng kaniyang mga mata. Matangos din ang kaniyang ilong na wari'y isa itong patalim.

Pinasadahan ko muli silang tatlo habang nag-uusap, kung ako'y hindi nagkakamali ay si Lazaro ang kanilang isang kausap. Tahimik lamang ito at patango-tango lamang bakas din ang palagiang pag-igting ng kaniyang panga at pagtaas baba ng kaniyang tatagukan.

Matangos ang ilong nito at kahit may kalayuan ang kanilang lugar ay nakahahalina ang tindig ng kaniyang postura. Halos bumagay sa kaniya ang suot nitong puting huwego-de-anilyo at itim na pang-ibaba. Pinatungan niya rin ang kaniyang sarili ng kulay itim at mahabang kapa (coat). Hindi ko mabilang kung ilang segundo na akong nakatingin sa kaniya. Minsan ko lamang itong makita ngunit aking masasabi na kakaiba ang tindig nito kumpara kay Kuya David at kay Jacinto.

Nagitla at agad akong umiwas ng  tingin ng panandaliang nagtama ang paningin namin ni Lazaro. Napapikit ako nang mariin at napakagat sa aking labi. "Binibini, kayo ho ba'y hindi pa nagugu---"

"Magandang Gabi po sainyo mga Senyor!" nagtataka akong napatingin kay Anna dahil sa kaniyang sinambit. "Jacinto, ipinakikila ko saiyo ang aming bunsong kapatid ni Samuel" napalunok ako nang marinig ang tinig ni Kuya David, napalinga-linga ako sa paligid nang aking mapagtantong wala sa aming kinalalagyan sila ama't ina.

Napatikhim ako at dahan-dahan na humarap sa kanila. Halos magitla ako dahil sa nakaharap silang tatlo sa akin. Ngumiti ako at  magalang na tumayo at  marahan na ikinumpas ang aking abaniko sa aking kalahating mukha. "Ikaw ay aking ikinagagalak na makilala Binibining Solana" saad ni Jacinto habang bahagyang yumuko ito.

Napangiti ako at bahagyang yumuko sa kaniya. "Gayon din saiyo Ginoo" malumanay kong sambit. Kitang-kita ko ang mga maotoridad na titig ni Kuya David sa akin na para bang pinapahiwatig nito na ako'y makipanayam nang maayos.

"Mahabagin nawa ang iyong angking kagalangan" saad muli nito habang nanatili ang kaniyang titig sa akin. Ibinaba ko ang aking abanikong at malumanay na ngumiti sa kaniya. Iniwas ko ang aking tingin at sumilay ang ngiti sa aking Kuya, bahagya pa akong nagulat dahil sa matalim ang titig nito sa akin. Wala akong kasalanan aking Kuya kaya huwag mo akong titigan na para bang ibig mo akong ipakulong sa piitan. Pinasadahan ko ng tingin si Lazaro upang ito'y akin ding batiin.

Halos kumabog ang aking dibdib nang makita ko ang kaniyang dalawang pares ng matang nakatingin sa akin. Walang salitang iniwas niya ang kaniyang tingin. "Kami'y lilisan na saiyong kinalalagyan Binibini, nawa'y tayo'y muling magkita" wika ni Jacinto at magalang muli na yumuko.

Ngumiti at tumango ako at yumuko rin si Anna upang pagbibigay galang.  Humakbang na sila paalis habang walang salitang sinambit sa akin Kuya  David. Bakas pa rin sa kaniyang mukha na para bang mayroon akong ginawang kapangahasan.

Ito ang isang dahilan kung bakit mas ibig kong kasama sa  pagdiriwang si Kuya Samuel dahil sa komportable ito kung ito'y magsasalaylay ng kwento. Hindi rin ako iniiwan ni Kuya Samuel hanggang matapos ang pagdiriwang hindi kagaya ni Kuya David na bigla-bigla  na lamang itong mawawala sa kalagitnaan ng pagdiriwang.

Napaharap sa akin si Anna at pikit matang huminga nang malalim, pagmulat ng mata nito'y bumakas ang gulat sa kaniyang mga mata.

"Binibini!" halos magulat ang aking buong katawan dahil sa malalim na tinig na iyon. Dahan-dahan akong napalingon sa kaniya at muli na namang dumagundong ang pintig ng aking puso na wari'y nakikipagpaligsahan ito ng tibok.

Halos matulala ako sa aking kinatatayuan dahil nasa aking harapan si Lazaro, iba ang postura ng kaniyang tindig sa malapitan, hindi ko mawari kung bakit pumipintig nang kay bilis ang aking puso gayong wala namang matibay na rason kung bakit ito tumitibok nang mabilis.

Tumikhim ito. "Ang pagpapasilay ng iyong buong larawan sa isang Ginoong simula pa lamang kung ito'y iyong makilala ay isang kapangahasan" saad nito.

Walang kurap ang aking ginawa habang nakatingin kay  Lazaro, ang kaniyang mga tinuran ang mas lalong nagpakaba sa akin, bakit niya binabanggit ang mga katagang iyon sa akin. Iyon ba ang rason kung bakit halos hindi maipinta ang mukha ni Kuya David habang nakatingin sa akin?

Nagulat ako nang kuhanin nito ang balabal na nakapatong sa lamesa at ipinatong iyon sa aking ulo. Walang salita akong masambit, tila mistulang naging wala akong kakayahang magsalita at bumuo ng letra. Tumikhim ito, pati ang kaniyang pagtikhim ay parang isang ritmo sa aking pandinig.

Walang salita itong umalis, sinundan ko ng ito ng tingin habang hindi makapaniwala sa kaniyang mga tinuran. Napahawak ako sa aking dibdib, mas bumibilis ang tibok ng puso ko. Bakit ganito? Hindi ko ito naramdaman nang ako'y nagawang kausapin ni Jacinto, ngunit sa kaniya kakaiba.

Dati, hindi ko lubos pinaniniwalaan ang paniping 'pagmamahal sa unang tingin'. Ngunit ngayo'y halos buong puso ko na itong pinaniniwalaan.

------------------

Ang istoryang ito ay pawang kathang imahinasyon lamang ng may akda anumang pagkakahawig o pagkakatulad ng mga pangalan, lugar, tagpuan at pangyayari ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.

This story is only a figment of author's imagination. Any resemblance or similarity of the names, places, settings, and events is unintentional and coincidental only.

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Where stories live. Discover now