Monster ♂ Chapter 39

Saturn's POV

Unang naramdaman ko nang imulat ko ang aking mga mata ay kaba. Kinapa ko si Chloe kung nasa tabi ko pa rin siya pero tanging unan lang ang nandoon. Bumangon ako at inilibot ang tingin ko sa buong kwarto. Ni anino niya ay wala dito. Natatakot ako na baka iniwan na niya ako nang tuluyan.

Nagsimula na namang mamuo ang luha sa aking mga mata. Nagawi ang tingin ko sa may side table kung saan may nakapatong na malaking bear. May envelope din sa tabi nito. Mas lalong nadagdagan ang kaba sa aking dibdib.

Mabilis akong bumangon at kinuha ang teddy bear pati na din ang sulat. Nangangatal ang aking mga kamay habang binubuksan ang envelope. Sa loob noon ay sulat na galing sa kanya.

Binasa ko ang sulat at unang mga salita pa lamang ang aking nababasa ay bumagsak na ang luha ko.

Hoy Monster,

Alam kong gasgas na ang ganitong way para magpaalam pero ito lang ang naiisip kong paraan. Hindi ko magagawang magpaalam ng harapan sa’yo dahil hindi ko kaya. Baka mas mauna pa ang luha kaysa sa salita. Unang-una, gusto kong mag-sorry sayo kasi nasaktan kita ng sobra. Alam naman nating pareho na hindi talaga tayo pwede. Mahal na mahal kita at sobrang sakit para sa akin na kung sino pa ‘yung lalakeng pinapangarap kong makasama sa harap ng altar at makakasama kong magbuo ng isang masayang pamilyar ay may malaking koneksyon sa akin, ‘yun ay ang pagiging magkapatid natin. Ayokong iwan ka pero ito lang ang naiisip ko para makalimutan na natin ang meron sa ating dalawa. Pupunta na ako sa ibang bansa para doon na ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Kailangan kong umalis dahil masyadong maliit ang mundo natin kapag magkasama tayo sa iisang bansa. Gusto kong malayo sa’yo para mabawasan naman ang pag-iisip ko sa’yo. Susubukan kong mahalin ka kaso bilang kapatid na lang at sana ganoon ka din. Tanggapin na lang natin na hindi talaga tayo para sa isa’t-isa. Makakahanap ka pa ng ibang babae bukod sa akin, Saturn, pero kahit ganito ang kahahantungan ng storya nating dalawa, ikaw pa rin ang nag-iisa kong planeta na patuloy na iikot sa puso, isip at sa buhay ko. Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita. Hindi ko alam kung makakabalik pa ako pero mamimiss kita panigurado. Kahit na ito na ang huli para sa ating dalawa, ‘wag mo nang aabusuhin ang sarili mo. ‘Wag kang gagawa ng mga bagay na ikapapahamak mo at ng kalusugan mo. Ipangako mo sa akin na kahit na sobra kang nasasaktan, maging malakas ka para sa akin. Mahal na mahal kita, Monster. Sana mapatawad mo ako.

Kumalat na ang ink dahil nabasa na ng luha ang sulat niya para sa akin. Ganito na lang ba ‘to? Dito na lang ba matatapos ang lahat para sa aming dalawa?

Ginasumot ko ang sulat niya at itinapon ko ito sa may kama. Halo-halong emosyon na ang nararamdaman ko. Ni hindi ko na alam kung anong iisipin. Ginulo-gulo ko ang aking buhok at sinabunutan ang aking sarili. Gusto kong magwala, gusto kong sumigaw at gusto kong mawala ang lahat ng sakit dito sa lintik na puso ko. Ayoko na. Ayoko nang maramdaman pa ang lahat ng ‘to. Pagod na pagod na ako!

Hindi ko na nagawa pang pigilan ang aking sarili. Itinapon ko na lahat ng bagay na maaabot ng aking mga kamay. Wala na akong pakealam pa kung masugatan ako dahil higit na mas masakit pa ang sugat sa puso ko kaysa sa literal na sugat sa mga kamay ko. Hindi ako tumigil kahit na karamihan na sa gamit ko ang nasira.

Bumukas ang pinto at humahangos na dumating si Ate Shanna.

Napaluhod na lang ako sa sahig habang nakahawak sa aking ulo. Wala akong tigil sa paghagulgol. Hindi ko na inisip kung anong itsura ko. Hindi ko na naisip kung nagmumukha na ba akong tanga o kawawa. Gusto ko lang umiyak at ilabas lahat ng sakit na nararamdaman ko.

“Saturn!” Umupo siya sa aking tabi at napansin kong umiiyak na din siya. “Saturn, calm down. It’s okay. Nandito na si Ate.” pagpapakalma niya habang nakayakap siya sa akin.

He's a MonsterBasahin ang storyang ito ng LIBRE!