The One With All The Distractions

Start from the beginning
                                    

Teka, may mali doon sa naisip ko. Hindi kami naghalikan, hinalikan ako ni Jessie at tumanggi ako. Tinaggihan ko si Jessie. At kung hindi niya sinimulan iyun, hindi ako hahalik sa kanya.

Mas gugustuhin ko ang matitigas niyang kamao kesa sa malambot niyang labi. Na panandalian akong pinalimot sa bawat pagdampi at nag-iwan ng ala-alang hindi ko alam kung saan ko itatago. Ang marahan niyang paghalik na susundan ng pagsipsip na may dahas sa aking labi. Oo, napapikit ako, para walang makita kung may nakakakakita man, parang maging akin lang ang sandaling iyun, at sa halik. Isang sandali para sa akin at sa halik.

Pero sandali lang iyun, na hindi ko kasalanan, dahil hindi ko iyun masusundan kung hindi inumpisahan ni Jessie.Hindi ko kailangan maguilty kay Gabriel. Hindi ako namoroblema ngayon kung saan ako uuwi ngayon.

Papapasukin pa ba ako ni Gabriel kung kakatukin ko siya? Sa telepono nga lang niya, hindi na niya ako masagot, sa pinto pa kaya ng bahay niya?

Lalong hindi ko kakayanin ang awkwardness sa bahay ni Tito Raul. Hindi ko kakayanin ang pagkahomophibic niya at ang undefine, indefinite, unexplainable phenomenon na itago natin sa katauhan ng anak niyang si Jessie. Pinag-usapan ba nila itong mag-ama? Ito ba ying binulong ni Tito Raul sa kanya, na manyakin ako pagdating sa falls?

Kaya nga nung gabing iyun, umahon ako agad at nagbihis. Wala na akong pakialam kung basa ang brief ko. Sumunod si Jessie na ganun din ang ginawa.

"Sorry," sabi niya.

"Tara na, umuwi na tayo," yaya ko.

Para namang may pagpipilian ako kundi sumabay pa rin sa kanya pauwi.

Hindi na binilisan ni Jessie ang pagpapatakbo ng motor. Tama lang. Hindi ko kailangang humawak sa kanya. Wala nang usapan.

Pilit kong binuksan ang telepono ko, pero lobat talaga. Pagkauwi, yun ang una kong ginawa, nag-charge. Tinawagan ko agad si Gabriel. Pero hindi siya sumasagot. Tinawagan ko ulit siya hanggang sa hindi na kayanin ng baterya kahit nakacharge ang pagtawag. Drained na yata.

"Five minutes," sabi ni Sir Cabalfin.

Nilagay ko na ang pangalan ko. Student number. Title ng plate at pangalan ni sir. Pagkatapos nun, nagpaalam na ako kasabay nang pag-aabot ng plate sa kanya.

"Sir," sabi ko. "Sorry po. Hindi ko rin kasi alam kung paano sasabihin."

"Keri lang, Alex," sabi ni sir. "May mga kwento tayong pilit pa rin nating inaayos para maging katanggap-tanggap para sa sarili natin. Kahit minsan, tayo pa ang may kagagawan sa kwentong yun."

Niligpit ko na ang mga gamit ko. Nilagay ang mga lapis, ruler, pambura at iba pang tools sa bag, at inilagay ko na sa likod. Isinukbit ko na rin ang t-square ko at canister sa kaliwang balikat. Ang drafting board ko, buhat ko sa kanang kamay.

Naglakad na ako papunta sa sakayan. Sakayan papunta kung saan, hindi ko alam. Bahala na ang paa ko, kung saan nila trip, doon na rin ako.

Hanggang sa may kotseng bumusina. Bumagal ang takbo. Sinabayan ako. Huminto.

Hindi ko pinansin. Naglakad pa rin ako. Tapos na ang paghahabol ko sa kanya para magkwento. Oo, magkwento, hindi magpaliwanag. Wala akong ipapaliwanag. Pinili ko siya. At ikukwento ko lang naman kung paano ko siya pinili, tapos ayaw niyang sagutin ang telepono.

Umandar ulit ang kotse. Binuksan na ang bintana. Sinabayan ako sa paglalakad.

"Sakay na," sabi ni Gabriel.

Hindi ako tumigil.

"Will you choose him again over me?" tanong ni Gabriel.

Aba, ang kapal ng mukha. Parang nanigas ang paa ko sa tanong na iyon. Humarap ako kay Gabriel humawak ako sa bintana ng kotse niya at dinukwang siya sa loob.

"Anung will you choose him again ka dyan?" sabi ko. Ang init ng tenga. Ito pala yung pakiramdam ng poot. Yung feeling na mas mataas ng isang level sa galit. "Pinili kita. Pinili na kita!"

"Then prove it. Dito ka naman sumakay sa akin! It will be too much to watch you again ride on that motorcycle!"

Hindi humaharap si Gabriel. Tumingin siya sa rear view mirror bago yumuko sa steering wheel. Mahigpit ang kapit niya sa manibela.

Atsaka ko lang narinig ang papalit na motor. Iyun pala ang tiningnan niya.

Paparating ang isang motor, si Jessie ang nakasakay.



-----

Follow me on IG: JustAlbertLang

Oh Boy, I Love You is now a published book

Available at Precious Pages, National Bookstore, Pandayan and other local bookstore.

You can also buy it online, at preciouspagesebookstore.com.ph or www.preciousshop.com.ph

Oh Boy! I Love You!Where stories live. Discover now