ANG PAGHUHUKOM isinalin ni lualhati bautista

49.5K 149 69
                                    

ANG PAGHUHUKOM

(Bahagi ng Nobela)

Isinalin ni Lualhati Bautista

Ang panahon ng tag-ulan, nang malamig at preskong panahon na tumutulong sa mga puno para magsibol ng mga bagong dahon at humuhugas sa mga karumihan, ay hindi pa natatapos.

Pagtuloy sa pagdating ang mga araw at gabi, kahit sa anong panahon…

Ang pagdaraan ng mga araw ay sumaksi sa pagpapahid ni Fak ngbalsamo sa kanyang mga sugat para mabawasan ang pamamaga sa kanyang mukha at ibsan ang sakit na nadarama ng kanyang loob. Habang dumaraan ang mga araw, ang mga sariwang sugat ay natuyo, nag-iwan ng mahabang pilat sa ibabaw ng kanyang kaliwang kilay. Ang mga araw at gabi’y patuloy na dumarating kay Fak…

Pero ang mga dumaraang mga araw at gabi ay hindi na makapagsasauli sa apat na ngiping nawawala sa bibig ni Fak, katulad ding hindi na niyon mapipigil ang kamay ni Fak sa pag-abot sa bote ng alak at pagdadala roon sa kanyang bibig. Kaya ang dumaraang mga araw at gabi ay sumaksi sa walang humpay na pag-inom ni Fak sa mga oras na siya’y gising.

Ang pambubugbog na tinanggap ni Fak ng gabing iyon ay hindi lang nag-iwan ng sakit sa kanyang katawan kundi nag-iwan din ng tatak sa kanyang isipan.

Sa loob ay nakadarama siya ng galit at pangangailangang makapaghiganti, at nag-iisip pa nga siya ng paraan kung paano niya bubuweltahan ang mga nanakit sa kanya. Natatandaan niya nang malinaw na dalawa sa tatlong taong sumalakay sa kanya ng gabing iyon ay sina Thid Tieng at Tid Song. Kailangang makahanap siya ng paraan para ipatikim sa dalawang taong iyon ang sakit at kirot na dinaranas niya. Gusto niyang puntahan ang mga ito sa bahay nila at suntukin sa mukha o magdala ng kutsilyo at saksakin sila hanggang sa magmakaawa ang mga ito na huwag niyang patayin. Paminsan-minsan, napapanaginipan niya na nakaupo daw siya sa dibdib ni Thid Tieng at walang humpay na pinagsusuntok ito at paggising niya, damdam niya’y nagawa niya talaga ang nagawa niya sa panaginip at umahon ang kasiyahan sa loob.

Gayunman, sa pagdaraan ng mga araw, naglubag ang kagustuhan niyang makapaghiganti at unti-unti ay mabagal silang napawi ng tuluyan. Marahil ay dahil hindi si Fak ang likas na ganoong tipo ng tao. Isa siyang tao na ang gusto’y kapayapaan, na takot makipag-away at walang sapat na kalupitan para pumatay. Naisip niyang ireport sa pulisya ang nangyari pero natatakot naman na balikan siya at salakaying muli ng pamilya ng dalawa, at hindi na matatapos agad ang gulo. Nang iwan na siyang lubos ng hangarin niyang makapaghiganti, naisip na lang niya: “Kalimutan mo na iyon!”

Minsa’y ang sarili pa nga ang sinisisi niya sa pagsasabing hindi niya dapat pinukol ng niyog ang bata.

Gayunman ay naiwan nang wasak ang kanyang isip, tulad sa isang piraso ng salamin na binasag at paulit-ulit na dinurog. Lahat ng nangyari’y lumikha ng ganap na pagbabago kay Fak, at kahit nagawa niyang hamigin ang sarili’y hindi na siya magiging tulad pa rin ng dati, at mahabang-mahabang panahon bago niya maibalik ang sarili sa normal.

Ang buhay niya’y kontrolado ngayon ng takot. Hindi na siya makapangahas na lumabas ng bahay niya sa gabi at hindi na kailanman nagtungo sa bahay ni Lung Khai, maliban na lang sa kalagitnaan ng araw o sa araw ng Sabado’t Linggo. Tuwing makakarinig siya ng kaluskos ng taong lumalakad sa kanyang likuran, itutulak siya ng takot na lumingon at tumingin. Minsa’y wala namang kahit ano doon. Kung naglalakad siya nang wala sa loob at narinig niya ang ihip ng hangin sa mga puno, lulundag ito sa takot ang puso niya at bibilis ang kanyang kaba. Wala siyang magagawa kundi mapako sa kinatatayuan at pawisan. Sobra ang kanyang nerbiyos na minsa’y di niya mapaghiwalay ang realidad ng nangyari sa kanyang mga takot at panaginip.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 08, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ANG PAGHUHUKOM isinalin ni lualhati bautistaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon