Chapter 9

305 31 13
                                    

Teka . . . hindi kaya . . .

Tumalon ako paalis sa kama na ikinagulat naman ni Irene—o hindi ko pa nga sigurado kung siya. Pero malamang, hindi 'to si Irene. Wala naman siyang susi rito, at hindi naman nangyayari sa mga nakaraang realidad na nakakapasok siya rito sa kuwarto ko. Ang tanging nakakagawa lang n'on—

"Gising ka na pala—"

"Wala pa naman akong sinasabing gusto ko na itigil," banggit ko kaagad nang mag-unat siya. "Ba't ka nandito?"

Binaba niya ang mga kamay niya, mukhang nagulat sa mga nasabi ko. "Ha?"

"Ba't ka nandito?" masungit kong tanong. Pumunta ako sa may coffee maker at nagsimulang magtimpla ng kape. Tiningnan ko pa 'yong cell phone ko: alas nuwebe na ng umaga.

"Ano bang sinasabi mo?"

Nagulat ako nang bigla niya akong niyakap mula sa likod kaya napatalon ako . . . na ikinagulat din naman niya. Bubulyaw na sana ako sa galit at inis dahil nananadya siya pero . . .

"Ba't . . . ba't mo 'ko tinulak?"

Nang nakita ko siyang umiiyak, napamura ako sa utak ko. Shit, si Irene talaga 'to.

"I—shit, sorry. Akala ko kasi iba—akala ko kasi—"

"Iba? Anong iba?"

Nagpa-panic ang utak ko sa isasagot. Kapag nadulas ako at makuwento ang mga nangyayari, matatapos 'to nang wala kong pahintulot—at di ko 'yon gusto. Huminga ako nang malalim.

"Akala ko . . . nananaginip lang ako."

Katahimikan. Tanging tunog lang ng orasan ang nangingibabaw sa buong kuwarto ko. Unti-unti siyang napatigil sa pag-iyak hanggang sa naging paghikbi na lang. Hindi rin naman ako makapagsalita. Walang rason sa katangahan ko.

Dahan-dahan siyang lumapit sa 'kin para yakapin ako ulit. Yumakap naman ako pabalik.

May nagbago kay Irene simula nang nag-umpisa 'tong paulit-ulit na realidad na 'to. Bukod sa mga paiba-ibang nangyayari, napansin ko lang na sa bawat paggising ko, kada tatagpuin ko siya, palungkot siya nang palungkot. Patahimik siya nang patahimik.

"I'm sorry." Sorry—iyon na lang naman ang kaya kong sabihin.

"Okay lang. I understand," sagot niya. "Paulit-ulit din ba . . . ang mga bangungot mo?"

Napatingin ako sa kanya at napaisip: Bangungot ba ang makasama ka—ang taong pinakamamahal ko? Natural, hindi. Pero naisapuso ko na yata na sa bawat "araw" e hindi rin talaga kami magkakatuluyan at ginagawa ko lang tanga ang oras.

"Paulit-ulit ba?" tanong niya ulit.

"Hindi."

Niloloko ko lang ang sarili ko.

"May . . . panaginip kasi ako na may kausap akong ikaw, pero alam kong hindi ikaw," dahilan ko. "Akala ko nananaginip pa rin ako. I'm sorry."

Tumango siya, parang sinasabing naiintindihan niya ang sinasabi ko.

"It's okay," sagot niya. Groggy ka pa siguro kanina kaya hindi mo maalalang pinagbuksan mo ako ng pinto."

"Weh? Talaga?"

"Di mo maalala? Umiiyak ako pagkarating ko rito. Di ko na kasi—never mind."

"Ano nga?" tanong ko. Hinaplos ko ang likod niya para masiguradong maiintindihan ko kung ano mang sasabihin niya. Ano namang mawawala? Kahit gaano kahindi-pani-paniwala, baka maniwala pa rin ako. E, pa'no naman kasi. Kung pinaliwanag ko sa isang tao na paulit-ulit sa 'kin ang isang araw, sino nga bang maniniwala?

Over AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon