Yanig

70 1 0

_______

|    s    |

Ang Kwentong Hindi Mo Inakala

Masinop. Walang bahid ng alikabok. Medyo kumikinang. May kalumaan ang karamihan. Sa ganitong kalagayan natin matatagpuan ang mga radar, computer, modems at iba pang mga kagamitan sa pagkalap ng datos tungkol sa mga bulkan at mga lindol.

Sa isang sulok ay matatagpuan natin ang isang scientist na mukhang nababagot na sa ilang oras niyang katititig sa computer screen. Sa tabi ng computer ng nasabing scientist ay ang bida sa ating kwento – ang pinaka pinagkakatiwalaang seismograph sa buong laboratoryo – na nagngangalang Yani.

Si Yani ang pinakabatang miyembro sa Laboratory B. Bagaman baguhan at wala pang karanasan sa totoong lindol, binansagan na syang pinakamagaling na seismograph dahil sa kanyang mga kakayahan at makabagong pormang hindi matatagpuan sa mga nauna na sa kanya. Isa rin sya sa pinakamahal na presyo sa pagkakabili kaya naman mga senior scientists lang ang pwedeng humawak sa kanya. Dahil dito, nagkaroon ng matinding pagkainggit ang ibang seismograph sa kanya samantalang ang iba naman ay natakot sa pangambang maaari na silang itapon o i-recycle at kalimutan. Kalauna’y napoot na sa kanya ang ibang mga equipment sa puntong plano syang sirain.

Habang nagpaplano na ang mga lumang seismograph sa pagsira kay Yani ay matatagpuan natin siyang nananatili sa tabi ng scientist na hanggang ngayon ay hindi parin umuuwi (at tila ‘di rin naliligo). Pinagmamasdan nilang dalawa ang mga nakalilitong datos na tila umaagos sa loob ng monitors. Sa mga ito, napagtanto ni Yani na may paparating na malakas na lindol kaya naman sya’y sobrang nasabik.

Labis labis ang tuwang nadarama ni Yani dahil sa wakas ay makadarama na sya ng isang totoong lindol (at hindi yaong mga kunwa-kunwaring lindol lamang na pinaggagamitan sa kanya upang subukin ang kagalingan nya)! Sa kanyang guniguni ay nakikita na nya ang mga nabiyak na kalsada, mga matataas na alon, ang pagkasira ng mga matataas na gusali at ang pagkaipit ng mga tao rito. Ah, ang pagkaipit ng mga malalambot na tao at paglabas ng kanilang lamang loob! Higit na kasabik-sabik sa lahat ay mararanasan na nya ang matinding pagkumpas ng kanyang karayom! Sa wakas! Makaguguhit na sya ng mga may patusok na linya at hindi na lamang ang tuluy-tuloy at oras-oras na maninipis na kulot sa gitna ng papel. “Napakagandang pangyayari nga naman ang mga malalakas na lindol”, ang sabi ng ating batang seismograph sa kanyang sarili.

Tuloy lang ang paglalayag ng isipan ni Yani sa mga nais niyang maganap sa hinaharap – walang malay sa kakaibang surpresang inihahanda para sa kanya ng ibang mga kagamitang dahil sa kanya’y nawalan na ng silbi sa kanilang maliit na mundo.

Ang Kwentong Hindi mo InakalaBasahin ang storyang ito ng LIBRE!