****

Ipinaghahanda ni Kristina sa kusina ng mamimeryenda ang kanyang tiyuhin at si Joshua habang nanood ang mga ito ng football game sa sala. Naghanap siya ng pitsel na mapaglalagyan ng juice. Nakakita siya sa ikalawang istante ng salaming kabinet sa taas ng lababo. Tumingkayad siya para abutin ito ngunit biglang may kamay na kumuha dito.

"Ako na."

Napaharap siya kay Joshua na noo'y nakatayo pala sa likuran niya.

"Here." Nakangiting inabot nito sa kanya ang pitsel.

"Thank you."

"Kailangan mo ba ng tulong?" alok nito.

"Hindi na. Magtitimpla lang ako ng juice tsaka gagawa ng sandwich... Teka ba't andito ka? Nanonood kayo ng laban di ba?"

"Halftime pa."

Kumuha ang binata ng isang pirasong sliced bread at kumakaing sumandal ito sa lababo habang pinapanood si Kristina sa ginagawa.

"Himala nasa bahay ka. Pinayagan ka bang magpahinga ng amo mo?" komento nito.

"Oo naman. Anong akala mo sa akin walang day off?" pairap na sagot ni Kristina.

Lumapit si Joshua sa mesa. Hinila nito ang upuan at naupo sa tabi ng babaeng nagtitimpla ng inumin.

"Ano ba talagang trabaho mo sa Perez & Oliver? Di ba dapat kapalit ka ni Ate Rose pero ba't talo mo pa ang doktor sa pagiging 'on call' mo kahit weekend?"

Iningusan ni Kristina ang lalaki. Dahil sa dalas nito sa kanilang bahay, mabilis niya itong nakagaanan ng loob. May pagkapalabiro din ito dahilan para maging komportable agad siya dito.

"Paminsan-minsan lang naman. Kapag may emergency task," depensa niya.

Out of town si Hannah Buenavidez para sa isang charity event kaya pahinga buong araw si Kristina. Wala siyang schedule ng flower delivery. Nililigawan niya na ang babae in behalf of Atty. Perez. Binigyan naman siya ng go signal ng amo para gawin ito. Bagama't umamin na sa kanya ang abogado na gusto nito si Hannah pero hindi pa rin sapat para paglaanan ito ng maraming oras. Prayoridad pa rin nito ang trabaho kaya siya na ang gumagawa ng ibang paraan ng panunuyo sa bahagyang may kailapang dalaga.

"Balita ko may pagka work freak daw yung amo mo. Inaabuso yata nun ang kabaitan mo ah," untag ni Joshua.

"Uy hindi naman! Mabait din yun sa akin," tanggol ng babae. "Iniba niya lang yung linya ng trabaho ko kasi nga hindi pa ako sanay masyado sa office work."

Napatingin si Kristina sa kausap at nagningning ang kanyang mga mata nang maisip na baka matulungan siya nito sa panunuyo kay Hannah.

"Josh magaling ka bang manligaw ng babae?" namimilog ang mga matang tanong niya.

Joshua raised his brow. "Bakit?"

"Turuan mo naman ako oh!"

Biglang nasamid ang lalaki.

" Tintin...d-don't tell me na babae din ang trip mo."

Mabilis na inabutan ni Kristina ng juice ang kausap. "Hindi no! May nililigawan kasi yung boss ko. Gusto ko lang magsuggest ng mga magagandang ideas para mapasagot niya yung babae. Alam mo na... kailangan kong magpa-good shot para gawin niya na akong permanente sa kumpanya," kunway paliwanag niya.

Napakunot ng noo ang binata. "Kailangan pa bang manligaw ng boss mo na yun. Eh mukhang kahit sinong babae ay magkakagusto dun."

"Iba tong si Ms. Hannah kaya nga siguro nagustuhan niya. Ganyan naman talaga kayong mga lalaki di ba? Mas nagkakagusto kayo sa mga babaeng hard-to-get dahil nacha-challenge kayo."

She Loves Me MoreBasahin ang storyang ito ng LIBRE!