CHAPTER 13: "Ethereal Gal"

1.5K 2 0
                                    

Sigawan: ng mga manlalarong walang kinikilalang age bracket.

Hiyawan: ng mga magka-team, magka-party, o magka-guild.

Asaran: ng mga magkatunggaling panig.

Ganito ang eksenang nakasanayan na ng lahat ng mga parokyano sa Erron Computer Systems, isa sa di na mabilang na internet shops ng General Santos City. Di maiiwasan ang ganito kaingay na situwasyon.

Buti nalang ay nahahati sa dalawa, sa pamamagitan ng isang salamin ang silid na iyon: isa para sa online gaming, at isa para sa web-browsing. Halos lahat ng nandito ay nakababad na ng mahigit isang oras sa paglalaro at pagle-level-up ng kanilang game characters.

May ilan din naman na ilang oras nang nakababad, sa panunood habang nakatayo. Isa na dito ang batang si Jack, isang katorse-anyos na binatilyo. Gustong-gusto niyang maglaro, kaya lang wala siyang pera.

Kulang na kulang ang kanyang allowance para sa pamasahe at pang-recess. Kaya sa pagkakataong maaga ang labasan gaya ngayon, ay nakukuntento na lang si Jack na panoorin ang kanyang mga kaklase at mga kaibigan sa kanilang paglalaro.

May ilang pagkakataon na nililibre siya ng mga kaibigan niya ngunit kalaunan ay ini-iwasan na niya ang ganoong pangyayari.

"Iwasan mong masyadong maging pabigat sa ibang tao, at ang masyadong mabaon sa utang na loob" - ito ang laging sinasabi ng Nanay niya. Sa murang edad ay naka-ukit na sa isip ni Jack ang kahalagahan ng prinsipyo at paninindigan.

Kaya kahit nangangati ang kanyang mga kamay para makapaglaro, pilit nalang niyang tinatanggap ang kanyang kalagayan: mahirap lang ang pamilya niya. Ilan sa kanyang mga kaibigan at kaklase ay pumaparito hindi lang para makapaglaro, kundi para makakita't makasalamuha din ng mga chics.

Bilang isang binatilyo, sumasali din si Jack sa grupo. Kaya lang ay may pagka-ambisyoso ang bata. Paminsan-minsan, ini-imagine niya ang sarili na tumatabi at dumidiskarte sa mga nag-gagandahang dalaga na kadalasan ay nasa kabilang banda ng computer shop– sa likod ng dingding na salamin.

Kadalasan sa mga babaing ito ay mga college student na. Sa loob ng isip ni Jack ay ina-akbayan niya ang ilan sa mga ito, dini-date, tini-textmate. Pero mabilis din naman niyang minumulat ang sarili sa katotohanan:

higit na mas matanda sa kanya ang mga babaing naroon...

di siya papansinin ng mga iyan...

at higit sa lahat... wala siyang cell phone.

Gayunpaman, wala naman sigurong masama kung ipagpatuloy niya ang lihim na paghanga sa mga babaing iyon, lalung-lalo na sa isang ito na kanina pa niya tinititigan.

Halos araw-araw ay pumapasyal dito si Jack, pero ngayon lang niya nakita ang babaing ito, na siya na yatang pinaka-magandang babaing nakita niya simula nang naranasan niyang maramdaman ang tamis ng pagkakaroon ng crushes.

Gumana ang paningin ni Jack na animo'y isang high-definition camera na nag zoom-in. Parang nakansela lahat ng bagay at imahe sa paligid at wala nang ibang nakikita ang binatilyo maliban sa:

naka-polish na kuko ng babae...

napakakinis na mga paa...

na binti...

na hita...

maiksing palda...

makinis na braso...

maputing dibdib...

mapupulang labi...

at ang tila nagagalit... na mga mata!

Napatingin sa ibang direksyon si Jack, napayuko, napatingin sa kanan, sa kaliwa... parang gusto niyang maging isang maliit na daga para makapagtago sa pinakamaliit na sulok ng internet shop.

Nagalit nga kaya ang babae? Gaano katagal na kaya siyang nakahalata? Napatingin si Jack sa exit sign, aalis na sana nang biglang: "Jack, paano nga ba gawin ang pag-insert ng table sa MS Word?," pasigaw na tanong ng kaklase niyang babae na naka log-in doon sa kabilang hanay ng shop. Nakasilip ang mukha nito sa pintuang salamin na nakabukas ng bahagya.

"Ah... Eh... di ko alam eh," palusot ni Jack. Kabisadong-kabisado niya ang interface ng MS Word, pero kailangan niyang magpalusot... katabi ng kaklase niya ang magandang babae!

Humakbang na si Jack papuntang pintuan ngunit hinabol siya ng kanyang kaklase, hinawakan sa braso, at hinihila papunta sa workstation na kung saan ay gumagawa ito ng research work.

Kung bakit pa kasi sa dinami-dami ng computers na naroon ay sa tabi pa ng classmate niya nag log-in ang babae. Sa loob ng dalawang minuto ng kaba at panginginig ay nagawa naman ni Jack ang pinapagawa ng classmate niya. Humakbang na naman ang binatilyo papunta sa pintuan nang:

"Hi, p'wede ba kitang ma-interview sandali? Gumagawa kasi ako ng term paper tungkol sa online games," tanong ng magandang babae kay Jack. Labis na namula ang mga pisngi ni Jack. Lumingon siya sa kanyang likod, sa kanyang kaliwa, sa kanyang kanan. Walang ibang taong maaring kinakausap ang babae, siya at siya lamang... wala nang iba!

"Ah, eh... ano po kasi..." buong kabang sagot ni Jack. Mas lalo pa siyang kinabahan nang nalaman niyang nakahawak pala ang kamay, ang makinis at malambot na kamay ng babae sa kanyang kaliwang braso!

"Anong pangalan mo?," dagdag pa ng babae.

"J-Jack po," sagot naman ni Jack.

"Ang g'wapo mo ah..."

Gustong i-untog ni Jack ang kanyang ulo o kurutin man lang ang sarili para makumpirma kung tama ba ang kanyang narinig at hindi guni-guni. Ngunit tiyak niyang tama nga ang narinig niya: GUWAPO RAW SIYA, SABI NG BABAE!

Hindi nakapagsalita si Jack kaya ang babae na ang nagpatuloy: "I'm... Jillian. So, p'wede mo ba akong tulungan sa term paper ko Jack?"

"Ah...eh... ano kasi Ate... ahh..." ang tanging nasagot ng binatilyo habang nakatingin sa kanyang mga mata ang pinakamagandang babaing nakita sa buong buhay niya.

_________________________

Here's a song about having crushes, composed by the author:

Please give your support by sharing and subscribing. Thanks!


ECCENTRICindel : An Action-Romance NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon