ESSAY - "Ang Karanasang Di Ko Malilimutan"

spinner.gif

"Ang Karanasang Di Ko Makakalimutan"

 

          Lahat tayo ay may karanasang di makakalimutan. Karanasan sa pag-ibig,  sa kaibigan, at sa pamilya. Kailan nga ba tayo unang umibig? Kailan ba tayo unang nasaktan? Ano bang alaala ang lubos na nagdulot ng sakit sa atin? Kailan ba tayo naging masaya? Naaalala mo pa ba? Sa dami ng mga bagay na aking naranasan, kulang pa yata ang isang libro para maikwento ko ng buo ang simpleng buhay ko.

 

          Ang aking pamilya ay malaki pero simple lang ang aming pamumuhay. Lagi kami magkakasama noon. Nagtatawanan at nagkukulitan  kahit may problemang nararanasan, kinakaya namin ano mang unos ang dumating dahil lagi kaming magkakasama. Sabi pa ng aking mahal na ina noon; “Ayos lang daw maghirap kami at magdildil ng asin, basta kumpleto at magkakasama kaming lahat dahil maaga siyang nahiwalay sa kanyang pamilya noon, bata pa lamang siya ay naranasan niyang mabuhay ng mag-isa. Mahirap daw ang nag-iisa sa buhay, malungkot daw. Kaya para sa akin siya ang pinakamagaling na ina sa buong mundo! Kasi napalaki niya kami kahit siya ay nag-iisa na lamang ngayon.

 

Ang aking ama naman ay isang mabait at mabuting ama para sa akin. Mahal na mahal ko siya kahit minsan napapalo niya ako dahil nakakainom siya ng alak. Lumipas ang ilang taon na masaya lagi ang aking pamilya. Ngunit ang ‘di namin nalalaman ay isang malaking problema ang darating sa aming buhay na ganap na susubok sa aming katatagan. Sampung taong gulang pa lamang ako noon at kasalukuyang nasa ika-anim na baitang nang malaman ng doktor na may kanser sa atay ang aking ama. Kami ay nagulat sa nalaman naming balita. Pero pinilit parin naming maging masaya para sa aming ama dahil ayaw naming makita niya na nalulungkot kami para sa kanya upang kahit papaano ay mabawasan ang nararanasan niyang paghihirap at kalungkutan.

 

Ilang buwan ang lumipas pero hindi namin siya maipagamot dahil sa kakulangan sa pera. Lumala ng lumala ang sakit niya, bumagsak ang dating masigla niyang katawan at nangayayat na siya ng husto. Ika-tatlumpo ng Hunyo 2004 noon, ito ang araw ng kanyang pagsilang. Nagluto ang aking ina. Kaunti lang ang handa at kami lang ang nagdiwang ng kaarawan niya. Ang ama ko ay masaya noong araw na ‘yon kahit nararamdaman ko na parang malungkot siya. Hindi niya pinakikita sa amin yon. Kasi gusto rin niyang maging masaya kami. Ang saya talaga ng araw na ‘yon para sa akin. Pero yon na pala ang huling kaarawan ng aking ama. Tatlong araw ang lumipas pagkatapos ng kanyang kaarawan ay iniwan niya na kami. Wala na siya. Namatay na ang aking ama. Napaluha nalang ako habang tinitignan ko ang walang buhay na katawan niya. Pero naalala ko ang sabi sa akin ng aking ama noon; “Anak, ‘wag kang iiyak kapag nawala na ako ah.” Kaya noong libing niya ay hindi na ako umiyak at tinanggap ko nalang na wala na siya; na hindi na siya mahihirapan dahil kung saan man siya naroon ay masaya na siya sa piling ng Dakilang Ama.

 

Labing-pitong taon na ako ngayon. Nalaman kong walang permanente sa mundo. Lahat tayo ay lilisanin ang mundong ating ginagalawan ngayon. aHindi man tayo sabay-sabay at iba’t iba man ang paraan ng paglisan, sakit man, aksidente o biglaang kamatayan ang dahilan ay iisa pa rin ang nais sabihin; Maikli lang ang buhay at dapat gawin mo itong makabuluhan. Dahil sa ating paglisan ay wala tayong materyal na panghahawakan, kundi mga karanasan lamang na tulad ng isang kayamanang nakatago o nakaukit na sa ating alaala, alaalang nakatago sa ating puso, karanasang nagturo kung ano talaga ang tunay na kahulugan ng buhay. Masaya man, malungkot at kahit pa masakit; isa lang ang nasisiguro ko, ito ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay dahil ang mga karanasang iyon ang bubuo ng ating pagkatao. 

Comments & Reviews (19)

Login or Facebook Sign in with Twitter


library_icon_grey.png Add share_icon_grey.png Share

Who's Reading

Recommended