Sa Bayan ng Samuel

129 2 0
                                    

Sa Bayan ng Samuel

Ugali ni Eli na gumising ng alas kwatro ng madaling araw. Doon sa sapa malapit sa gubat, siya’y laging namamasyal. Ugali na niya yun mula bata pa siya. Maglalakad lakad siya sa tabi ng tubig at tatalon-talon sa mga bato. Doon, gumagawa ng siya ng mga dahilan. Mga rason kung bakit gusto niyang lisanin ang kanyang bayan. At ang kanyang palaging hiling, “Sana masunog na ang buong bayan ng Samuel!” Pagdating ng alas singko, uuwi na siya pabalik upang pumasok sa eskwela, habang sinasabi niya sa kanyang sarili, “Balang araw, makakaalis din ako sa kulungang bayan na ito. Makakalaya din ako sa mala-impyernong bayan ng Samuel.”

Wala siyang kaibigan sa eskwela. Hindi siya palaimik. Ayaw na ayaw niyang may kumakausap sa kanya. Hindi niya ugaling makisalamuha tuwing may programa ang paaralan. Turing sa kanya, “non-conformist”. Tanggap niya yun, dahil alam niyang ganun nga siya. Kahit may marinig siyang bulung-bulungan tungkol sa kanya, hindi niya na lang ito pinapansin. Ngunit kung hindi man niya ito pinapansin, hindi naman niya ito kinakalimutan. Dahil dinadagdag niya ang lahat ng iyon sa mga rason kung bakit gusto niyang lisanan ang bayan niya.

Matalino si Eli, ngunit hindi niya ito pinapahalata. Nagkukunwari siyang bobo sa harap ng klase. Ang dahilan niya? “Bakit ko naman ipapamukha at ipapaalam sa kanilang matalino ako? Wala naman akong mapapala pag sinabi at ipinalabas ko yun sa kanila. Lalo na sa walang hiyang bayan na ito! Saka ko lang ilalabas ang talino ko pag nakatuntong na ko sa labas ng mga selda ng bawat sulok ng Samuel.”  Iyan ang prinsipyo niya.

Ngunit isang araw sa kanyang paglalakad sa tabi ng sapa, may nakilala siyang isang babae. Pinaglalaruan ni Eli ang tubig nang may narinig siyang isang matinis at mahinhin na sigaw. Agad-agad niya itong hinanap kung saan ito nanggaling. At sa hindi kalayuan, may nakita siyang babaeng natisod dahil sa mga malalaking ugat ng puno. Nakasuot ito ng isang puting bestida, mahaba ang buhok, at may mga bilugan na mata. Bakas na bakas sa mukha nito ang kagandahan ng dalaga.

Tinulungan naman siya ni Eli na makatayo. Inalalayan niya ito papuntang sapa at kanyang nilinisan ang sugat ng babae. “Ayos ka na ba?” tanong niya dito. “Ayos na ako, salamat sa tulong mo Eli.”Nagulat naman ang binata ng marinig nito ang pangalan niya. “Paano mo nalaman ang pangalan ko?” gulat na tanong niya dito. Sa kanyang inosenteng mukha, sumagot ang dalaga, “Basta, alam ko lang. Alam kong Eli ang pangalan mo.” Di na nag-atubiling malaman pa ni Eli kung ano ang ibig sabihin ng babae. Kinuha na lamang niya ang panyo niya at ibinalot sa sugat ng nasa harap niya.

“Nakikita ko sa mga mata mo. Isang malaking kalungkutan na may kasapang paghihinagpis,” wika ng dalaga. Nainis si Eli sa sinabi nito. “Sino ka para malaman ang tungkol diyan? Paano ka nakasisigurado? Di mo alam kung ano ang sinasabi mo,” sabi ni Eli sa matigas at mariin na tono. “Sigurado ako. At alam ko ang mga sinasabi ko. Dahil iyon ang nakikita at nararamdaman ko ngayon,” mahinhin pa ring sagot ng dalaga. “Di mo ‘ko kilala. Wala kang karapatang sabihin yan.” “Kilala kita Eli. Kilalang kilala kita. Alam ko ang mga iniisip mo. Alam na alam ko rin ang pagkamunhi mo sa bayang ito. Alam ko lahat. Wala kang maipagkakaila sa akin.” Nagulat si Eli sa mga narinig. Sa kauna-unahang pagkakataon, may nakakita na ng mukha niya sa likod ng ilang taon niyang suot na maskara. Nanghihina siya. Di niya akalain na isang babae na kakakita pa lamang niya ang makakadiskubre ang lihim niya sa sarili niya.

“Hindi kulungan ang bayan ng Samuel, Eli. Pagmasdan mo lang ang paligid nito, hindi impyerno ang buhay na ibinibigay nito sayo,” sabi ng dalaga na parang naiiyak na. “Ha, hindi yan totoo. Sa tuwing gigising ako tuwing umaga, at makikita ko ang mga tao at paligid sa bayan na ito, isang malaking kasinungalingan lamang ang nakikita ko! Mga peke ang mga tao! Mga manlilinlang sila! Akala nila kung sino silang mapanghusga? Ang gobyerno, walang ibang ginawa kung di utuin lamang ang mga mamamayan. E ayun naman sila, nagpapauto! Mga walang isip! Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, wala silang ibang ginawa kung di abusuhin ang mga hayop at mga puno. Putol dito, putol diyan. Panghuhuli ng hayop dito, panghuhuli diyan. Wala ba silang sawa? Ang mga tao naman sa simbahan ay akala mong mga santo. Pag nasa labas naman akala mo kung sino, mga marurumi din pala, mga nagmamalinis lang! Ang mga tao sa bayan na ito ay mga nakakulong, mga nakakulong sa mga maiitim nilang puso! Mga wala silang binatbat. Mga walang kwenta! Ngayon anong maganda sa bayang ito? Wala akong nakikitang maganda. Mga pangit na bagay lang ang mga nakikita ko!”

A Compilation of One Shot Short StoriesWhere stories live. Discover now