Sinaing

590 24 11
                                    

All around ang trabaho mo, alam mo iyon bago ka pa tumira dito. Pagluluto, paglalaba, paglilinis at minsan ay nag-aalaga ng bata. Kaya nga hindi ka nagrereklamo, pero minsan naiisip mong sana hindi ka na lang pumasok dito. Huli na nang mapag-isip mong hindi pala biro ito.

"Pumunta ka ro'n at baka mahulog 'yong bata!" Pagkarinig mo sa sinabi na iyon sa'yo ni Margie ay halos hingalin ka na parang kabayo sa pagpunta sa batang nagpupumilit tumayo sa may duyan.

Pagdating mo sa may sala kung saan nakatali ang duyan ay madali mong kinuha ang batang malapit nang mahulog at kinarga ito. Hinagod mo ng isang kamay ang likod nito para kumalma. Pero dahil yata sa isang taon na rin ang batang inaalagaan mo ay nakuha na nitong makilala ang kanyang ina na dumaan naman sa may gilid ng pinagkakatayuan ninyo. Sinubukan mo pa ngang ilihis ang ulo ng buhat mo, nagbabakasakaling maibabaling mo sa iba ang atensyon nito. Pero mukhang huli na, isang matinis na iyak ang inilabas na tunog ng bibig niya.

"Sabi ko sa'yo kanina puntahan mo lang! Hindi ko naman sinabi sa'yo na kuhanin mo si Ian sa duyan! Oh, ayan! Nakita na ko, eh, ang dami-dami ko pang gagawin!" Halos matulilig ka na sa lakas nang sigaw sa'yo ni Margie, pagkuwa'y naiisip mo pa nga na siguro ay iyon ang minana ni Ian sa kanyang ina.

Pero hindi ka na lang kumibo, hinayaan mo na lang. Baka mas lalo pang lumala kung sasagot ka pa. Ipinasok mo sa tainga at ilalabas na lang sa kabila. Ayaw mo rin kasi talaga ng gulo, kaya nga hanggang maari at kung may paraan para umiwas ka ay ginagawa mo na.

"Ako na nga riyan! Ikaw na lang ang mag-luto ro'n sa kusina! Baka naman abutin ka ng siyam-siyam sa pagluluto mo at alas tres na tayo magtanghalian!" sigaw niyang muli sa'yo habang kalong-kalong ang anak niyang kakatahan lang sa pagkakaiyak. Muli, ginawa mo ang madalas mong gawin. Pasok sa tainga, labas sa kabila.

Hindi naman kalayuan ang kusina sa may sala na pinanggalingan mo, kaya nga nagpasalamat ka nang naabutan mo ang pagkulo ng sinaing niyo. Tinanggal mo ang takip at hinayaang bumaba ang bula, hininaan ang gatong at hinalo ng kutsara ang kanin tsaka mo binalik ang takip ng kasirola. Kinuha mo naman ang mga gulay na nakahilera sa may mesa at isa-isang hinugasan. Pagkatapos ay hiniwa sa tamang sukat para hindi madaling madurong kung iyong gigisahin.

Isang oras, hindi ka pa rin tapos sa iyong paghihiwa. May kapurulan na rin kasi ang kutsilyo na nagiisa lang naman sa may kusina. Ang isa pa'y pasmado rin ang kamay mo, kaya hindi mo maiwasan ang panginginig ng mga ito.

"Sinasabi ko na nga ba eh! Anong oras na hindi ka pa riyan tapos. Nako, talaga naman." Lumapit siya sayo at sumenyas na umalis ka na sa inuupuan mo. Umupo siya ng ayos at 'di kalaunan ay parang may nasinghot si Margie na kung anong mabaho kaya naman nilingon ka niya. Lingon na may kasamang matalim na tingin na lagi niyang ibinibigay sayo tuwing may mali kang ginagawa. "Iyong sinaing sunog na! Hindi mo man lang ba naamoy? Eh, kanina ka pa dito. Pambihira!"

Pasok sa tainga, labas sa kabila. Effective naman iyon para sa'yo.  Sa dalas ba namang sigawan ka ni Margie ay nakakayanan mo naman ang lahat nang iyon.  Sa raming beses ba namang pamumuna ni Margie sa lahat nang gawin mo ay sanay ka na. Sa sakit ba namang magsalita ni Margie ay sa awa naman ng Diyos ay nagagawaan mo naman nang paraan, para sa'yong pamilya.

Sa pamilyang pinahahalagahan mo, sa pamilyang pilit mong binubuo, sa pamilyang gagawin mo ang lahat. Konting sakripisyo lang naman, konting pagtitiis ang ginagawa mo para sa pamilyang tinuturing mong yaman.

Lumapit ka sa may kalan at tinaggal mo ang takip ng kasirola kaya naman lumabas ro'n ang sunog na amoy. Ang puti sanang kanin ay nagkaroon nang bahid na kulay tsokolate sa may gilid nito at mangilan-ngilan sa ibabaw, napangiwi ka at nanghinayang.

"Sinasabi ko sa'yo masasayang lang 'yang kanin natin at wala namang kumakain dito ng sunog!" bulyaw sa'yo ni Margie na patuloy lang sa paghihiwa ng gulay sa may mesa.

Patikim ng BuhayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon