Chapter 13

402 7 1
                                    

“Mister Punzalan, nakatingin ka na naman sa kawalan…” sita sa’ken ni Ma’am Zepeda, instructor ng algebra. Isa sa mga taong nagpapatuyo sa utak ko. Huli na naman ako sa aktong nakatingin sa bintana. Nagdadasal na sana, may grupo ng mga ibon na magturo sa’ken ng tamang sagot. Hindi na lang ako umimik pagkasita sa’ken. Tinuloy na lang niya ang pagtuturo.

            Ewan ko ba. Pag subject niya, para akong iniiwan ng sarili kong subconscious mind. Nabablangko ako at para akong lalagnatin tuwing klase niya. Literal na para akong magkakasakit. Pakiramdam ko nga minsan pinagiinitan niya ko. Pano ba naman, tuwing magpapasagot siya ‘on the spot’, madalas na ako ang unang tinatawag. Parang sinasadya niya na ipamukha sa buong klase na ang bobo ko pagdating sa math. Natutuwa siya sa eksena kong nakatitig lang sa whiteboard habang naglalabasan ang malamig na pawis sa kili-kili.

            Oo, mahina ako sa usaping numero. Galit ako sa math, magmula pa elementary. Nung una, ayos lang sila add, subtract, minus at divided by. Medyo cool kasi ang klase kasi magbibilang lang kayo ng mga bagay na madalas kendi o prutas ang example, na hahaluan pa ng kanta para mas madaling pumasok sa utak ang leksyon. Pero simula nang pumasok sa eksena sila fraction, si square root of blah blah at at “find the missing x”, nagkanda-letse-letse na utak ko. Nahihilo ako sa problem solving. Nasusuka ako sa paghahanap ng solution. Mabuti na nga lang at basic math lang ang nasa kurso ko. Kung magkataon e malamang maaga akong nag-shift ng course.

            Ayoko ng math. Kung si Superman e nanghihina sa kryptonite, ganun din ako sa math. Hindi ko mahagilap sa utak ko kung may natatabi ba kong parte na kayang sumang-ayon sa takbo ng mga numero na may kasamang kung ano-anong simbolo. Nagiging eksena sa horror ang klase ko tuwing ganun ang usapan. Kahit hindi humawak ng malaking tinidor at magsabog ng pulbos sa mukha si Ma’am Zepeda, nakakatakot na siya.

            Inisip ko na ‘to dati, ewan lang. Curious lang ako kung bakit ang unang set ng mga numero e magtatapos sa nine. Susundan na yun ng ten, pero doble na ang digit. Tapos magdadagdag ka lang ng zero para tumaas ng tumaas ang value. Bakit? Dahil ba sa ang utos ng Diyos e hanggang sampu lang? Dahil ba sa ang daliri natin sa magkabilang kamay e hanggang sampu lang? Paano ang numeric system ng mga alien na iba-iba ang bilang ng daliri?

            Universal language ang math. Sa dami ng lengguwahe sa mundo, numero lang ang hindi puwede magkaron ng kanya-kanyang version. One rule para sa lahat. Hindi gaya ng mga lenggwahe na puwede mong aralin at intindihin sa magkakaibang aspeto at pagkakaintindi. Walang German-math, English-math o carabao-math. Kung meron mang bagay na hindi mo puwede gawan ng sariling version, isa na dun ang numero.

            Tulad ng unang version ng alphabet sa history, malaking challenge sa history ng tao ang pagbuo ng numero. Ayon sa alamat at sabi ‘nila’, nagsimula ito sa dahil sa pagdiskubre noon ng mga hanay ng buto at artifacts na nahukay ng ilang mga eksperto. Meron itong mga ‘tally marks’ na pinaniniwalang ginamit para mai-record ang maraming bagay tulad ng araw sa isang linggo, lunar records o bilang ng mga nadiskubreng animal kingdom. Hindi ako sure kung kasali dun ang mga dinosaurs, dragon, at mga senador.

            Pero hindi dun nagtatapos ang istorya. Dahil limitless ang bilang ng mga buto noon, wala itong konsepto ng place value, kabilang na ang paglalagay ng decimal point (dahil hindi pa naman uso ang pera noon at C++). Pero yun na ang unang alamat ng abstract numeral system na ayoko ng problemahin kung ano ang meaning.

Ang Babae sa Kabilang ClassroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon