MTJAB: Finale

392K 6.4K 741
                                    

MTJAB: Finale

Pagkapasok ko sa unit ko, kaagad kong nadatnan si Nanay na nagkakape sa sala.

"Nay?" Tawag ko rito. Binigyan niya ako ng marahang ngiti kaya naman lumapit ako sa kanya.

"Kumusta ang pakiramdam mo? Nakapagpatingin ka na ba sa doktor?" Pag-aalala ni Nanay. Nakaramdam ako ng hiya kay Nanay dahil alam kong hindi siya ang una kong sinabihan. Tinitigan ko siya sa mata at ramdam ko ang pagtatampo roon.

"I'm sorry, Nay..." Bulong ko pero imbis na sagutin niya ako, niyakap niya lang ako mula sa baywang ko.

"Napapalayo ka na sa akin, anak, pero naisip ko, kasalanan ko rin naman kung bakit. Nasaktan kasi kita noon." Sabi ni Nanay. Ramdam ko sa pananalita niya ang pagsisisi at hinanakit. Umiling iling ako bilang sagot. Kumalas ako sa pagkakayakap ni Nanay at tinitigan ko siya sa mata. Hinawakan ko ang dalawang kamay niya.

"Nay, wala ka namang kasalanan sa akin. Anak mo ako. Tama lang na pangaralan mo ako. Maaaring nasaktan niyo nga ako physically pero Nay, alam kong nagawa mo lang 'yon dahil mahal mo ako." Bulong ko. Marahan kong pinisil ang kamay ni Nanay. Sa buong buhay ko, nung panahon na sinampal ako ni Nanay sa ospital, alam kong ako ang may kasalanan. Sumuway ako sa kanila ni Tatay at alam kong nag-aalala lang siya para sa akin.

"Saka Nay, kung hindi din naman dahil sa'yo, hindi ako mamumulat kung ano ba talaga ang tinatawag na pagmamahal." Nagsimula nang bumagsak ang luha ko. Pinunasan ni Nanay iyon kaya naman may gumuhit na ngiti sa labi ko.

"Na tama ka, Nay. Na dapat kapag nagmahal ka, hindi lang ito ang gagamitin mo... Hindi lang puso. Mas maganda kung sasabayan mo ng paggamit ng utak." Nakangiting sabi ko kay Nanay.

"Patawarin mo ako, Nay, kung naging pasaway ako sa inyo ni Tatay. Sorry kung... ganito, ano... buntis ako." Humihikbing kwento ko sa kanya.

"Ara, anak, hindi mo dapat inihihingi ng tawad iyan. Dahil biyaya iyang natatanggap mo ngayon. Siguro nga masyado lang napaaga pero alam ko namang magiging mabuting ina ka para sa anak mo." Nakangiting paalala sa akin ni Nanay at tumango ako bilang sagot.

"Sorry, Nay, kung nawawalan ako ng oras sa inyo ni Tatay pero ipinapangako ko pong babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko." Paninigurado ko sa kanya.

Napasarap ang kwentuhan namin ni Nanay kaya naman hindi na ako nakatulog pang ulit. Kumakain na ako ngayon ng arozcaldong niluto niya. Kahit kailan talaga, walang makatatalo sa sarap ng pagluluto ni Nanay.

"Ara, anak, babalik na kami ng Tatay mo sa bukid." Biglang bukas ni Nanay sa bagong usapan. Napahinto ako sa pagkain at tumingin ako sa kanya.

"Bakit Nay?"

"Nandoon kasi ang buhay namin ng Tatay mo at saka isa pa, anak, ipinundar ng Tatay mo iyon. Kaya nga laking pasasalamat ko sa iyo nang maibalik ang lupain sa pangalan niyong magkakapatid dahil ang pag-aaral at maliit na lupain lang naman ang maipapamana namin ng tatay mo sa inyong magkakapatid." Litanya ni Nanay. Napangiti ako. Bigla ko kasing naalala na doon ako lumaki sa Lucban. Nandoon din ang masasayang alaala namin ng pamilya ko. Na kahit maliit lang ang bahay naming, alam kong sobrang masaya kami.

"S-sasama ako, Nay." Sabi ko. Nanlaki ang mga mata ni Nanay at hinampas niya ang braso ko.

"Umayos ka nga, anak. Paano ang asawa mo? Iiwanan mo ba siya?" Suway sa akin ni Nanay.

"P-pero Nay, hindi pa kami kasal." Pangangatuwiran ko. Humugot ng malalim na hininga si Nanay at saka mariin akong tinitigan.

"Anak, darating ang panahon na magsasama kayong dalawa at saka isa pa, magkakaroon na kayo ng sariling pamilya." Sandaling huminto sa pagsasalita si Nanay at parang nag-iisip siya kung itutuloy ba niya ang sasabihin.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon