ANG MATIBAY KONG SAKLAY

435 20 32
                                    

Sabi nila…

Anong ganda raw ng bawat umaga..

Panggising ang awit at huni ng maya,

may himig ang alon sa aplaya,

may bulong ang hanging nakakamangha.

Sabi ko’y sayang.

Walang marinig ang aking tenga.

 

Sabi nila…

Kay inam raw ng sikat ng araw.

Likhang nakakawala ng panglaw.

Luntian ang puno at ulap ay bughaw.

Sabi ko’y sayang.

Kung akin lang sanang matatanaw.

Sabi nila…

Ang bansa natin ay iba sa iba.

Bawat lugar ay may tagong ganda.

At may kanya-kanyang haing panghalina.

Sabi ko’y sayang.

Makakalibot sana,

kung hindi lumpo ang aking mga paa.

Sabi nila…

 Hindi ako masaya.

Walang silbi ang mata, tenga at paa

Sabi ko’y mali.

Walang tumbas ang tuwa ko’t ligaya

na buhay ako at may pandama.

Kita ko ang puso ng bawat isa.

Dinig ko ang hinaing at problema.

At sa isip ko’y narating ang di mapuntahan ng paa.

 

Sa higpit ng hawak ng Kanyang kamay.

Wala na akong hihilingin kun’di mabuhay.

Siya ang ilaw at aking Gabay,

Siya ang aking matibay na saklay.

 

(para sa kaibigan kong may kapansanan)

kung mababasa lang sana niya...

__________________________~~*~~__________________________

Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.

Nagmamahal,

Sami Bathan de Ramos

ANG MATIBAY KONG SAKLAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon