Hayaan mong mahalin kita hanggang di ko na kaya
Wag mo akong pigilang ang aking nadarama’y ipakita
Pasasaan ba’t mapapagod din ang puso kong aba
Na huli ang pagdating at hindi ka nakuha
Hayaan mo lang na ika’y aking bantayan
Darating ang araw na di mamamalayan
Ako ay wala na't di na masisilayan
Pagka’t nagsawa na't biglang natauhan.
Hayaan mong ibigin kita ng walang kapalit
Ang makita ka’y pumapawi sa anumang pait
Hayaan mong isipin ko ang iyong halik
Di ko maitagong sayo’y nananabik
Hayaan mong ako’y patuloy na sayo’y masaktan
Upang bukas paggising ko’y mauntog sa katotohanan
Na hindi ka akin at sa iba’y nakalaan
Na ako’y ganon din at mayrong sinasaktan
Hayaan mo at hindi na rin ito magtatagal
Di habambuhay na ako’y bulag at utal
Hayaan mong sayo ako ay masaya
Hayaan mong mahalin kita hanggang di ko na kaya.
__________________________~~*~~__________________________
Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.
Nagmamahal,
Sami Bathan de Ramos
Add to your private library
My LibraryAdd this story to your public reading lists